settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Ebanghelikalismo?

Sagot


Isang malawak na terminolohiya ang ebanghelikalismo na ginagamit upang ilarawan ang isang kilusan sa loob ng grupong Protestante na kinakikitaan ng pagbibigay diin sa pagkakaroon ng isang personal na relasyon kay Hesu Kristo. Ayon sa ebanghelikalismo, nagsisimula ang relasyong ito kung ang isang tao ay tumanggap ng kapatawaran ni Kristo at isinilang na muli sa espiritu. Ang mga nanghahawak sa paniniwalang ito ay tinatawag na mga Ebangheliko.

Ang salitang ebanghelikalismo ay nagmula sa dalawang salitang Griyego na euangelion, na nangangahulugang “Mabuting Balita” at euangelizomai, na nangangahulugang “ipahayag bilang mabuting balita.” Ito ang mabuting balita: “si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan, ayon sa mga kasulatan, At siya'y inilibing; at siya'y muling binuhay nang ikatlong araw ayon sa mga kasulatan; At siya'y napakita kay Cefas, at saka sa labingdalawa" (1 Corinto 15:3b-5). Ang mabuting balitang ito ang ebanghelyo ni Kristo, at ang pangangaral nito ang pinagbabasehan ng ebanghelikalismo.

Ang ugat ng ebanghelikalismo ay nagmula pa sa Repormasyong Protestante, kung kailan malayang nagmamay-ari ang mga tao ng Bibliya. Ang mga dating napabayaang mga katotohanan ng Bibliya ay muling tinuklas at itinuro. Gayunman, noong panahon ng pagpapanibagong sigla sa pananampalataya noong ika-labingwalo at ika-labing siyam na siglo sa Europa at Amerika lamang tunay na nagsimula ang ebanghelikalismo bilang isang kilusan. Gaya ng nangyari noong panahon ng repormasyon, ang kilusang ebanghelikalismo at ang pagbibigay diin nito sa pagkakaroon ng isang personal na relasyon kay Hesu Kristo ang nagbigay daan sa pagpapanibagong sigla sa tamang pagpapaliwanag sa Salita ng Diyos at sa pagsasapamuhay nito. Nanatili ang paniniwalang ito hanggang sa kasalukuyan, bagama’t kadalasang mali ang paggamit at paglalapat ng terminolohiyang ito sa ating panahon.

Sa tradisyon, konserbatibo ang pananaw sa teolohiya ng ebanghelikalismo. Gayunman, naging maluwag na ito sa pagdaan ng panahon. Ang paggamit ng terminolohiyang ito sa panahon ngayon ay hindi lamang limitado sa mga aktwal na Kristiyanong tinatawag na “born again” o sa mga grupong itinuturing na konserbatibo at pundamental. Ang totoo, may ilan na simpleng inihahalintuald na lamang ang ebanghelikalismo sa Protestantismo, liberal man o konserbatibo. Nakalulungkot na ang laging tingin sa ebanghelikalismo sa panahon ngayon ay isang konserbatibong grupong pulitikal. Habang ang pananaw ng ebanghelikong Kristiyano ay laging nagreresulta sa pagkakaroon ng konserbatibong pananaw sa pulitika, tiyak na hindi pulitika ang pinagtutuunan ng pansin ng tunay na ebanghelikalismo.

Kaya nga, ang kahulugan ng ebanghelikalismo ay nagiiba-iba sa paningin ng mundo. Gayunman, ang tunay na puso ng ebanghelikalismo ay ang pagpapahayag ng mensahe ng ebanghelyo sa salita at sa gawa. Para sa isang ebanghelikong Kristiyano, walang mas mataas na pagkatawag ang Diyos na higit sa pagsasapamuhay at pagbabahagi ng mensahe ng ebanghelyo at sa katotohanan ng pag-ibig ng Diyos. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Ebanghelikalismo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries