settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Ebanghelyo ng kaligtasan para sa lahat?

Sagot


Ang Ebanghelyo ng kaligtasan para sa lahat ay ang matagal ng maling katuruan ng unibersalismo. Ang unibersalismo ay ang paniniwala na ang lahat ng tao ay maliligtas sa huling sandali at lahat ay pupunta sa langit. Itinuturo ng mga nagsusulong ng Ebanghelyo ng Kaligtasan para sa lahat, gaya ni Carlton Pearson ang mga sumusunod na maling katuruan:

(1) Binayaran ng kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ni Hesu Kristo ang lahat ng kasalanan ng sangkatauhan upang magkaroon sila ng buhay na walang hanggan na walang pangangailangan para sa pagsisisi.

(2) Ang kaligtasan ay walang kundisyon at hindi kinakailangan ang pananampalataya sa ginawa ni Hesus bilang kabayaran sa pagkakautang ng tao sa Diyos.

(3) Ang lahat ng tao ay nakatakdang magtungo sa langit kahit hindi nila ito pinaniniwalaan at nalalaman.

(4) Ang lahat ng tao ay pupunta sa langit kahit ano pa ang kanyang relihiyonng kinaaaniban.

(5) Panghuli, pinaghahawakan ng mga naniniwala sa Ebanghelyo ng kaligtasan para sa lahat na ang mga pupunta sa impiyerno ay yaon lamang mga taong tahasang tumanggi sa biyaya ng Diyos – pagkatapos na “matikman” ang bunga ng Kanyang biyaya.

Sinsalungat ng Ebanghelyo ng kaligtasan para sa lahat ang malinaw na katuruan ni Hesus at ng buong Kasulatan. Sa Ebanghelyo ni Juan, malinaw na sinasabi na si Hesus ang tanging daan sa kaligtasan (Juan 14:6). Ipinadala ng Diyos ang Kanyang Anak upang iligtas ang sangkatauhan, ngunit ang kaligtasang ito ay makakamatan lamang ng mga taong naglagak ng kanilang panananmpalataya kay Hesu Kristo bilang pambayad ng Diyos sa kasalanan (Juan 3:16). Inulit ng mga apostol ang mensaheng ito (Efeso 2:8-9; 1 Pedro 1:8-9; 1 Juan 5:13). Ang pananampalataya kay Kristo ay hindi nangangahulugan ng pagsisikap na magkaroon ng kaligtasan ayon sa mabubuting gawa, sa halip ito ay pagtitiwala sa kasapatan ng ginawa ni Kristo para sa kaligtasan.

Ang kasama ng pananampalataya ay pagisisi. Ang pagsisisi ay ang pagbabago ng isip tungkol sa kasalanan at sa pangangailangan ng kaligtasan sa ginawa ni Hesu Kristo sa pamamagitan ng pananampalataya (Gawa 2:38). Ang pagsisisi ay ang pagkilala na tayo ay makasalanan sa harap ng Diyos at tayong walang kakayahan na iligtas ang ating sarili, kaya’t tayo ay nagsisisi (ang salitang Griyego para sa “pagsisisi” ay literal na nangangahulugang “magbago ng pagiisip”) sa ating mga kasalanan – tumatalikod tayo sa ating mga kasalanan – at lumalapit tayo kay Kristo sa pamamagitan ng pananampalataya.

Ipinagkakaloob ni Hesus ang kaligtasan sa sinumang magsisisi at mananampalataya (Juan 3:16). Gayunman, sinabi mismo ni Hesus na hindi lahat ay sasampalataya (Mateo 7:13-14; Juan 3:19). Walang may gustong isipin na dadalhin ng isang mapagmahal at mapagbiyayang Diyos ang tao sa impiyerno, ngunit ito ang eksaktong itinuturo ng Bibliya. Sinabi ni Hesus na sa wakas ng panahon, pagbubukurin ng Anak ng Tao ang lahat ng bansa gaya ng pagbubukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing. Ang mga tupa (na inilalarawan ang mga naglagak ng pagtitiwala kay Hesus at tiyak na ang kaligtasan)ay papasok sa kaharian kasama ni Hesus. Ang mga kambing naman (na inilalarawan ang mga taong tumanggi sa kaligtasan na ipinagkakaloob ni Hesus) ay pupunta sa impiyerno, sa walang hanggang apoy (Mateo 25:31-46).

Marami ang nasasaktan sa katuruang ito at sa halip na iangkop ang kanilang pagiisip sa malinaw na katuruan ng Salita ng Diyos, may mga taong binabago ang ibig sabihin ng Bibliya at nagpapakalat ng mga maling katuruan. Ang Ebanghelyo ng kaligtasan para sa lahat ang isang halimbawa.

Narito ang mga karagdagang argumento laban sa Ebanghelyo ng kaligtasan para sa lahat:

(1) Kung ang pananampalataya at pagsisisi ay hindi kinakailangan upang maranasan ang kaloob ng Diyos na kaligtasan, bakit puno ang Bagong tipan ng mga tawag sa pagsisisi at paglalagak ng pananampalataya kay Hesu Kristo?

(2) Kung hindi kailangan ang pananampalataya sa natapos na gawain ni Hesus sa krus, bakit kinailangang dumaan si Hesus sa napakalaking kahihiyan at napakasakit na uri ng kamatayan? Bakit hindi na lang ipagkaloob ng Diyos sa lahat ng tao ang kanyang kapatawaran ng hindi na kailangang magdusa at mamatay ang Anak ng Diyos?

(3) Kung ang lahat ng tao ay pupunta sa langit, alam man nila ito o hindi, paano ngayon ang kalayaang magpasya ng tao sa kanyang sarili? Ang isa bang tao na ginugol ang kanyang buong buhay sa hindi paniniwala at paglaban sa Diyos, sa Bibliya, kay Hesus at sa Kristiyanismo ay kakaladkarin ng Diyos patungong langit ng laban sa kanyang kalooban? Tila nagpapahiwatig ang Ebanghelyo ng kaligtasan para sa lahat na ang langit ay puno ng mga taong hindi gustong pumunta roon.

(4) Paanong pupunta ang lahat ng tao sa langit kahit na ano pa ang kanilang relihiyon kung maraming relihiyon ang naniniwala sa kasalungat nito? Halimbawa, paano ang mga tao na ibang-iba ang paniniwala tungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan gaya ng paglipat ng kaluluwa sa ibang katawan (reincarnation) o anihilismo (ang ideya na ang buhay ay titigil pagkatapos ng kamatayan).

(5) Panghuli, kung ang mga tahasang tumatanggi sa biyaya ng Diyos ay hindi makapupunta sa langit, hindi ito matatawag na kaligtasan para sa lahat. Kung hindi lahat ng tao ay pupunta sa langit, hindi ito matatawag na Ebanghelyo ng kaligtasan para sa lahat, dahil ibinubukod nito ang ibang tao.

Tinawag ni Apostol Pablo ang mensahe ng Ebanghelyo na “samyo ng kamatayan” (2 Corinto 2:16). Sinasabi niya na katitisuran at masakit para sa marami ang mensahe ng Ebanghelyo. Ipinakikita ng tunay na Ebanghelyo ang kasalanan ng tao at ang kanilang walang pag-asang kalagayan ng hiwalay kay Kristo. Sinasabi nito na walang magagawa ang tao upang gumawa ng tulay patungo sa Diyos. Sa loob ng maraming siglo, maraming mangangaral (na may magandang intensyon) ang nagtangkang palambutin ang mensahe ng Ebanghelyo upang makaakit ng mas maraming tao sa Iglesya. Sa biglang tingin, tila maganda ito, ngunit sa huli, ang tanging nagagawa nito sa tao ay magbigay ng huwad na katiyakan ng kaligtasan. Sinabi ni Pablo na pakasumpain ang sinuman na mangangaral ng ibang Ebanghelyo na kakaiba sa kanyang Ebanghelyong ipinangaral (Galacia 1:8). Ito ay isang masakit na pananalita, ngunit kung mauunawaan lamang kung gaano kahalaga ang mensahe ng Ebanghelyo, mauunawaan din kung gaano kahalaga ang tamang pangangaral nito. Ang isang huwad na Ebanghelyo ay hindi makapagliligtas sa sinuman. Ang tanging magagawa nito ay magdala ng mas maraming tao sa impiyerno at magbunton ng mas maraming parusa para sa mga tao na nagtuturo ng kasinungalingan gaya ng katuruan ng Ebanghelyo ng kaligtasan para sa lahat.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Ebanghelyo ng kaligtasan para sa lahat?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries