Tanong
Ano ang Ebanghelyo ni Barnabas?
Sagot
Mahalagang malaman natin ang pagkakaiba sa pagitan ng Ebanghelyo ni Barnabas (ca. AD 1500) at Sulat ni Barnabas (ca. A.D. 70—90). Ang Sulat ni Barnabas ay isinulat noong huling bahagi ng unang siglo, pero maaaring hindi si Barnabas na binabanggit sa Bagong Tipan ang manunulat. Habang may ilang kahalagahan sa kasaysayan ang mga huwad na ebanghelyo, hindi kailanman itinuring ang Sulat ni Barnabas na kanonikado ng unang iglesya o ng anumang konseho ng iglesya.
Gayundin, ang Ebanghelyo ni Barnabas ay walang kahit anong suporta ng mga apostol at isinulat 1,400 taon pagkatapos ng panahon ni Barnabas. Ang ebidensya ay ang katotohanan na hindi ito kailanman binanggit ng sinumang ama ng iglesya o ng sinumang mananalaysay ng iglesya bago ang ika-16 siglo!
Sa kabaliktaran, ang mga aklat ng Bagong Tipan ay naisulat na sa paguumpisa pa lamang ng iglesya (bago ang AD 100) at ng mga saksi, o ng mga nakapanayam ng mga saksi ng Panginoong Jesu Cristo (1 Juan 1:1-5; Lukas 1:1-4). Ang apat na Ebanghelyo na matatagpuan sa Bagong Tipan ay hindi kailanman pinagdudahan ang pagiging tunay.
Kahit na naisulat pa ang Ebanghelyo ni Barnabas sa panahon ng mga apostol, hindi pa rin ito makakaabot sa antas ng pagiging kanonisado dahil sa taglay nitong mga pagkakamali sa doktrina at kasaysayan. Halimbawa, ipinapahiwatig ng Ebanghelyo ni Barnabas na hindi inangkin ni Jesus ang pagiging Tagapagligtas o Mesiyas (tingnan ang Mateo 26:63-64). Sinasabi din ng Ebanghelyo ni Barnabas na si Jesus ay isinilang noong si Pilato ang gobernador (pero itinala sa kasaysayan na si Pilato ay naging gobernador noon lamang AD 26 o 27).
Sa karagdagan, ang Ebanghelyo ni Barnabas ay ginagamit ng mga kakatwang tao dahil ito ay paborito din ng mga Muslim dahil itinuturo nito na si Jesus ay sang-ayon sa Koran. Inaangkin ng Ebanghelyo ni Barnabas na hindi namatay si Jesus sa krus katulad ng sinasabi sa Koran sa Sura 4:157. Nagkakasundo ang mga mananalaysay na ang Ebanghelyo ni Barnabas ay isinulat noong ika-15 hanggang ika-16 siglo, maaaring ng mga Muslim na sinusubukang siraan ang mensahe ng Bibliya patungkol kay Jesus.
English
Ano ang Ebanghelyo ni Barnabas?