settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Ebanghelyo ni Cristo?

Sagot


Ang Ebanghelyo ay nangangahulugang "Mabuting Balita," kung ganoon ito ay tumutukoy sa Mabuting Balita tungkol sa pagdating ni Cristo upang patawarin ang kasalanan ng mga taong sasampalataya sa kanya (Colosas 1:14; Roma 10:9). Buhat nang magkasala ang unang tao (si Adan), ang buong sangkatauhan ay napailalim sa parusa ng Diyos (Roma 5:12-15). Sapagkat ang lahat ay nagkasala dahil sa paglabag sa banal na utos ng Diyos (Roma 3:23). Kaya't ang parusa sa kasalanang iyon ay kamatayang pisikal (Roma 6:23) at walang hanggang pamamalagi sa lugar ng kaparusahan (Pahayag 20:15; Mateo 25:46). Ito ang "ikalawang kamatayan", na ang ibig sabihin ay walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos" (Pahayag 20:14-15).

Ngunit ang masamang balita na tayong lahat ay nagkasala at parurusahan ng Diyos ay sinalungat ng Ebanghelyo dahil ito ang Mabuting Balita tungkol kay Jesu-Cristo na nagsasabing dahil sa pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, Siya ay gumawa ng paraan upang ang tao ay magkaroon ng kapatawaran mula sa kanilang mga kasalanan (Juan 3:16). Isinugo Niya ang kanyang Anak na si Jesu-Cristo upang akuin ang kasalanan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus (1 Pedro 2:24). At sa pamamagitan ng pagpataw ng ating mga kasalanan kay Cristo ay tiniyak ng Diyos ang kapatawaran ng kasalanan ng sumasampalataya sa pangalan ni Jesus (Gawa 10:43). Kaugnay pa nito, ang kanyang muling pagkabuhay ang naging katibayan ng pagpapawalang sala sa lahat nang sumasampalataya (Roma 4:12).

Makikita rin natin na binibigyang linaw ng Biblia ang nilalaman ng Ebanghelyo: "Mga kapatid, ngayo'y ipinapaalala ko sa inyo ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang Magandang Balitang inyong tinanggap at naging saligan ng inyong pananampalataya. Naligtas kayo sa pamamagitan nito, kung matatag ninyong pinanghahawakan ang salitang ipinangaral ko sa inyo; dahil kung hindi, walang kabuluhan ang inyong pananampalataya. Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang katuruan na tinanggap ko rin: si Cristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan sa sinasabi sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan; at siya'y nagpakita kay Pedro, at saka sa Labindalawa. Pagkatapos, nagpakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila'y buháy pa hanggang ngayon, subalit patay na ang ilan" (1 Corinto 15: 1-6). Sa mga talatang ito ay binibigyang diin ni Pablo ang kahigitan o pagiging pangunahin ng Ebanghelyo - ito ang "pinakamahalaga." Nakapaloob sa mensahe ng Ebanghelyo ang dalawang historikal na katunayan, at ang mga ito ay parehong sinusuportahan ng Banal na Kasulatan, ang mga katotohanang iyon ay higit na pinatunayan ng iba pang mga katibayan: Ang kamatayan ni Cristo ay pinagtibay ng paglilibing sa kanya, at ang kanyang muling pagkabuhay ay pinatunayan ng mga saksi.

Ang Ebanghelyo ni Jesu-Cristo ay ang Mabuting Balita na ang Diyos ay gumawa ng paraan upang ang tao ay mapalaya sa kaparusahan ng kasalanan (Juan 14:6; Roma 6:23). Sapagkat lahat ng tao ay mamamatay, ngunit ang mga sumasampalataya kay Jesu-Cristo ay pinangakuan na muling mabubuhay at bibigyan ng buhay na walang hanggan (Juan 11:23-26). Subalit ang mga tumanggi kay Cristo ay hindi lamang kamatayang pisikal ang sasapitin, kundi magdaranas din sila ng "pangalawang kamatayan," ang walang katapusang lawang apoy na binabanggit sa Pahayag 20:13-14. Sapagkat kay Jesus lamang masusumpungan ang kaligtasan (Gawa 4:12).

Bilang pagtatapos, ang Ebanghelyo ni Jesu-Cristo ang pinaka Mabuting Balita na kinakailangang marinig ninuman, at nakasalalay sa magiging tugon niya rito kung saan siya mamamalagi magpakailanman. Tinatawag ka ng Diyos upang piliin ang buhay. Tumawag ka sa pangalan ng Panginoon upang ikaw ay maligtas (Roma 10:13).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Ebanghelyo ni Cristo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries