settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Ebanghelyo ni Judas?

Sagot


May isang panahon noong 1970s, sa isang kuweba sa Ehipto, isang kopya ng “Ebanghelyo ni Judas” ang natuklasan. Ang mga mga kaganapan sa pagkatuklas ay inilarawan na kaduda-duda dahil ang mga nagtataglay ng kopya ay humihingi ng hindi makatuwirang halaga para sa codex. Sa loob ng ilang dekada, walang institusyon ang handang magbayad para bilhin ito dahil sa kahina-hinala nitong pinagmulan. Sa huli, ang Ebanghelyo ni Judas ay binili ng isang foundation sa Switzerland. Ang pagkakaroon ng Ebanghelyo ni Judas ay isinapubliko noong 2004, pero ang aktwal na pagpapakita ng nilalaman ng codex ay paulit-ulit na ipinagpaliban. Ang petsa ng orihinal na pagsulat sa Ebanghelyo ni Judas ay ipinagpapalagay na mula noong huling bahagi ng ika-3 siglo. Ayon sa iba’t ibang salaysay, halos tatlong bahagi ng codex ang nawawala o hindi pa nababasa.

Bago ito natuklasan, may isa lamang banggit sa Ebanghelyo ni Judas sa mga sinulat noong ika-2 siglo ng isang Kristiyano na nagngangalang Irenaeus. Isinulat ni Irenaeus na sa esensya, ang Ebanghelyo ni Judas ay isang “inimbentong kasaysayan” ng isang mahabang talaan ng mga bulaang mangangaral at mga rebelde laban sa Diyos. Ang mensahe ng Ebanghelyo ni Judas ay nais ni Judas na pagtaksilan si Jesus dahil kinakailangan ito para maganap ang plano ng Diyos. Kung si Jesus ang nagplano para Siya pagtaksilan ni Judas, bakit tatawagin ni Jesus si Judas na “anak ng kapahamakan” (Juan 17:12) at sasabihin na mas mabuti pang hindi ito ipinanganak (Mateo 26:24)? Kung si Judas ay simpleng sumusunod lamang sa mga tagubilin ni Jesus, bakit siya magpapakamatay noong makita niya na hinatulan si Jesus ng kamatayan (Mateo 27:5)?

Ang Ebanghelyo ni Judas ay isang gnostikong ebanghelyo na nagsusulong ng isang gnostikong pananaw sa Kristiyanismo. Ang Ebanghelyo ni Judas ay simpleng pamemeke para magturo ng maling aral, katulad ng Ebanghelyo ni Tomas, Ebanghelyo ni Maria, at ng Ebanghelyo ni Felipe. Gaya ng pagtanggi ni Judas at pagkakanulo kay Jesus sa pamamagitan ng isang halik, tinatanggihan ng Ebanghelyo ni Judas ang tunay na Ebanghelyo at katotohanan ng Diyos gamit ang isang mapanlinlang na anyo ng katotohanan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Ebanghelyo ni Judas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries