Tanong
Ano ang Ebanghelyo ni Tomas?
Sagot
Ang Ebanghelyo ni Tomas ay isang manuskritong Coptic na natuklasan noong 1945 sa Nag Hammadi sa Egipto. Naglalaman ang manuskrito ng 114 pananalita na diumano ay sinabi ni Jesus. Ang ilan sa mga pananalitang ito ay kahawig ng mga pananalita na makikita sa mga Ebanghelyo ni Mateo, Markos, Lukas, at Juan. Ang ibang mga pananalita ay hindi kilala hanggang sa matuklasan ang aklat na ito o sumasalungat sa mga nakasulat sa apat na Ebanghelyo.
Isang araw ng buwan ng Disyembre 1945, sa mataas na bahagi ng lambak ng Nilo, dalawang magsasakang Ehipsyo ang naghahanap ng isang uri ng bato na ginagamit bilang pataba. Nakakita sila ng isang malaking banga na may isang metro ang taas na nakatago sa isang malaking bato. Sa loob nito ay nakita nila ang isang koleksyon ng mga lumang libro na yari sa balat. Ang lugar kung saan nila nakita ang mga libro ay nasa loob ng ilang milya sa isang lugar ng isang sinaunang monasteryo na itinatag ng mga Kristiyanong “cenobitic monasticism”sa Pachomius, Egipto. Ipinangalan sa isang nayon na tinatawag na Nag Hammadi ang hindi pangkaraniwang koleksyong ito.
Ang aklatan ng Nag Hammadi ay naglalaman ng 52 teksto o "tractates" na isinulat sa papyrus sa salitang Coptic at tinipon sa 13 volumes, 12 sa mga ito ang napapabalatan ng magkakahiwalay. Apatnapu sa mga teksto ang hindi pa alam ng mga modernong iskolar. Ang karamihan sa mga sulat na ito ay may katangian ng pagiging gnostiko. Ang mga piraso ng papel na nakita sa mga pabalat ng 8 sa mga codices ay nagtataglay ng petsa na nagpapahiwatig na ang mga libro ay ginawa noong kalagitnaan ng ika-4 na siglo, at may isa sa mga ito ang malinaw na nagpapakita na ito ay nanggaling sa isang monasteryo. Ang mga pagtatangka na alamin ang eksaktong petsa ng pagkasulat sa mga librong ito ay nagpapatuloy. Sa pangkalahatan, masasabi na ang mga koleksyon ay naisulat noong mga kalagitnaan ng ika-4 na siglo. Ang tekstong coptic ay maaaring mas naunang naisulat ng maraming taon, at ang mga orihinal (na maaaring nasulat sa Griyego o Aramaiko) kung saan kinopya ang mga saling coptic na ito ay maaring nasulat ng mas maaga pa dito.
Dapat bang kasama ang Ebanghelyo ni Tomas sa Canon?
Sinunod ng mga konseho ng unang iglesya ang mga katulad sa sumusunod na prinsipyo para malaman kung ang isang aklat sa Bagong Tipan ay kinasihan ng Banal na Espiritu: 1) Ang manunulat ba ay isang apostol o may malapit na kaugnayan sa isang apostol? 2) Ang aklat ba ay tinatanggap ng malaking bahagi ng iglesya? 3) Ang mga aklat ba ay naglalaman ng mga katotohanan na sang-ayon sa mga doktrina at katuruang orthodox na tinatanggap ng iglesya? 4) Nakikita ba sa aklat ang mataas na pagpapahalagang moral at espiritwal na sumasalamin sa gawain ng Banal na Espiritu?
Nabigo ang Ebanghelyo ni Tomas sa lahat ng mga pagsusulit na ito. Ang Ebanghelyo ni Tomas ay hindi isinulat ng isa sa mga alagad ni Jesus. Kinilala ng lahat na mga naunang lider ng iglesya na ang Ebanghelyo ni Tomas ay isang huwad na ebanghelyo. Tinanggihan ang Ebanghelyo ni Tomas ng malaking bilang ng mga unang Kristiyano. Naglalaman ang Ebanghelyo ni Tomas ng maraming katuruan na sumasalungat sa mga biblikal na Ebanghelyo at sa lahat ng mga aklat ng Bagong Tipan. Ang Ebanghelyo ni Tomas ay hindi nagtataglay ng tanda ng pagkasi ng Banal na Espiritu.
May iba pa bang argumento na pumipigil sa Ebanghelyo ni Tomas para maisama sa Bibliya? Kung susuriin ang 114 pananalita sa kasulatang ito, may makikita tayong ilan na kapareho ng mga dati ng pananalita. Ang ilan ay may kaunting pagkakaiba, pero ang karamihan ay hindi makikita kahit saan sa buong Kasulatan. Dapat na laging sinasang-ayunan ng Kasulatan ang kanyang sarili, at ang karamihan sa mga pananalita sa Ebanghelyo ni Tomas ay hindi kinukumpirma saan man sa Kasulatan.
Ang isang argumento para hindi maisama ang Ebanghelyo ni Tomas sa Bibliya ay ang lantarang pagiging lihim ng 114 na mga pananalitang ito. Wala kahit saan sa kasulatan na ang Salita ng Diyos ay ibinigay ng “palihim” kundi sa halip, ang lahat ay ibinigay para mabasa at maunawaan ng lahat. Napakalinaw na nagsisikap ang Ebanghelyo ni Tomas na panatilihin ang pagiging lihim ng mga salitang makikita dito.
Ang Ebanghelyo ni Tomas ay isang gnostikong ebanghelyo na yumayakap sa isang gnostikong pananaw sa Kristiyanismo. Ito ay isang simpleng huwad na maling katuruan, kagaya ng Ebanghelyo ni Judas, Ebanghelyo ni Maria, at Ebanghelyo ni Felipe. Maaaring ang palayaw ni Tomas na “nagdududang Tomas” ang mas bagay na ipangalan dito. Dapat nating pagdudahang lahat ang Ebanghelyo ni Tomas!
English
Ano ang Ebanghelyo ni Tomas?