settings icon
share icon
Tanong

Mayroon bang ebidensya na sumasagot ang Diyos sa panalangin?

Sagot


Hindi mabilang ang mga kuwento ang maaaring banggitin tungkol sa mga sakit na pinagaling, pagsusulit na pinasahan, mga kuwento ng pagsisisi at kapatawarang ipinagkaloob, naayos na relasyon, mga batang nagugutom na napakain, mga pananagutang nabayaran at mga buhay at kaluluwang naligtas dahil sa bisa ng panalangin. Kaya, oo, napakaraming mga ebidensya na sumasagot ang Diyos sa mga panalangin. Marami sa mga ebidensya ay salaysay at personal, gayunman maraming mga tao na iniisip na ang ebidensya ay yaong lamang mga nakikita at nasusukat ang nagdududa pa rin kung totoo ngang sumasagot ang Diyos sa mga panalangin.

Malinaw na itinuturo sa Kasulatan na sinasagot ng Diyos ang mga panalangin. Sinasabi sa Santiago 5:16 na “mabisa ang panalangin ng isang taong matuwid.” Itinuro ng Panginoong Hesus sa Kanyang mga alagad, “kung nananatili kayo sa Akin at nananatili sa inyo ang Aking mga salita, hingin ninyo ang anumang inyong maibigan at ipagkakaloob iyon sa inyo” (Juan 15:7). Inulit sa 1 Juan 3:22 ang katotohanang ito, “tinatanggap natin ang anumang ating hinihingi dahil sumusunod tayo sa Kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa Kanya.”

Gayundin, naglalaman ang Kasulatan ng mga kuwento tungkol sa mga sinagot na panalangin. Ang panalangin ni Elias na magpadala ang Diyos ng apoy mula sa langit (2 Hari 1:12), ang panalangin ni Ezekias sa pagliligtas sa kanya ng Diyos (2 Hari 19:19), at ang panalangin ng mga apostol na magkaroon sila ng katapangan(Gawa 4:29) ay tatlo lamang sa mga halimbawa. Dahil ang mga salaysay na ito ay isinulat ng mismong mga nakasaksi, ang mga ito ay maaaring gamiting malinaw na ebidensya na sumasagot ang Diyos sa mga panalangin. Maaaring sabihin ng ibang nagdududa na hindi makapaglalatag ang Kasulatan ng ebidensya ayon sa pamantayan ng siyensya. Gayunman, walang salaysay at pahayag sa Kasulatan na napabulaanan kailanman kaya walang dahilan upang pagdudahan ang patotoo nito. Sa katunayan, ang pagtatakda ng ilang uri ng ebidensya bilang “siyentipiko” at ang ibang mga ebidensya bilang “hindi siyentipiko” sa totoo lang ay malabong pagkakaiba. Ang ganitong pagkakaiba ay maaari lamang gawing basehan bago ang pagtitimbang sa mga ebidensya. Sa ibang salita, ang batayan kung paano mapapatunayan ang bisa ng panalangin sa liwanag lamang ng mga nakikitang ebidensya ay hindi isang paraan ng pagsusuri na ang motibo ay ang mismong ebidensya kundi ang paggamit sa isang pilosopiya. Kung luluwagan ang pagsusuri sa mga ebidensya gamit ang mga kundisyong ito, mawawala ang pagdududa sa mga ebidensya ng Kasulatan.

Paminsan minsan, may mga grupo ng mananaliksik ang nagsasagawa ng siyentipikong pagaaral tungkol sa bisa ng panalangin. Sinasabi nila na ang panalangin ay walang epekto (o posibleng may negatibong epekto pa nga), halimbawa sa haba ng panahon ng paggaling ng isang tao na sumasailalim sa isang medikasyon. Ngunit paano natin maiintindihan ang resulta ng mga ganitong klase ng pagaaral? May mga dahilan ba sa Bibliya para sa mga panalanging hindi sinasagot ng Diyos?

Sinasabi sa Awit 66:18, “Kung pinakundanganan ko ang kasamaan sa aking puso, hindi ako didinggin ng Panginoon” (KJV). Gayundin sinasabi sa 1 Juan 5:15 na ang kundisyon sa pagtanggap ng “anumang ating hinihingi” ay naaayon sa ating pagsunod sa mga utos ng Diyos. Binanggit ni Santiago na “sa tuwing kayo’y humihingi, hindi kayo nagsisitanggap, dahil humihingi kayo upang gamitin sa kalayawan” (Santiago 4:3). Kaya, ang dalawa sa mga dahilan sa hindi pagsagot ng Diyos sa panalangin ay maling motibo at kasalanang hindi pinagsisisihan.

Ang isa pang dahilan sa hindi pagsagot ng Diyos sa panalangin ay ang kawalan ng pananampalataya: “Nguni't humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan: sapagka't yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila. Sapagka't huwag isipin ng taong yaon na siya'y tatanggap ng anoman bagay sa Panginoon” (Santiago 1:6-7). Sinasabi din sa Hebreo 11:6 na ang pananampalataya ay ang kundisyon sa pakikipagrelasyon sa Diyos, isang bagay na laging kinakailangan sa tuwing mananalangin sa pangalan ni Kristo: “At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugodlugod sa kaniya; sapagka't ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya'y nagsisihanap.” Ang pananampalataya, kung gayon ay kinakailangan para sagutin ang isang panalangin.

Panghuli, ilan sa mga kritiko ang nagsasabi na dahil sa tinuruan ni Hesus ang Kanyang mga alagad na “hingin ang anumang kanilang maibigan,” ang lahat ng panalangin ay tiyak na sasagutin ng Diyos (Juan 15:7). Gayunman, binabalewala ng ganitong kritisismo ang mga kundisyon sa pangako ni Hesus sa unang bahagi ng talata: “Kung kayo'y magsipanatili sa akin, at ang mga salita ko'y magsipanatili sa inyo.” Ito ang malinaw na preskripsyon sa pananalangin sang-ayon sa kalooban ng Diyos; sa ibang salita, ang panalangin na laging tinutugon ng Diyos, sa katotohanan ay ang mga kahilingan na maganap ang kalooban ng Diyos sa ating buhay. Ang kalooban ng humihingi ay pangalawa lamang. Nanalangin mismo si Hesus sa ganitong paraan sa Hardin ng Gethsemane (Lukas 22:24). Ang mapagpakumbabang panalangin ng pananampalataya ay laging handang tanggapin ang sagot ng Diyos na “hindi.” Ang sinumang hindi dumadalangin sa ganitong kaparaaanan o ang sinumang ipinipilit sa Diyos ang kanyang kahilingan ay walang karapatan na maghintay ng sagot mula sa Diyos.

Ang isa pang dahilan kung bakit maraming pagaaral ang iniulat ang kawalan ng bisa ng panalangin ay imposibleng malaman ang espiritwal na kalagayan ng nananalangin (ang nananalangin ba ay talagang tunay na mananampalataya), ang motibo ng nananalangin (nananalangin ba sila para lamang magkaroon ng ebidensya? O ang Banal na Espiritu ang nagtulak sa isang tao upang manalangin?), ang paraan kung paano sila nananalangin (nananalangin ba sila na gamit ang isang pormula o intensyonal na humihiling sila sa Diyos?), at marami pang iba.

Kahit na malaman pa ang mga naturang kundisyon, may isa pa ring problema ang natitira: kung ang panalangin ay kayang suriin at mapipilit na magbunga ng isang inaasahang resulta, sasalungatin nito ang pangangailangan ng pananampalataya. Hindi natin kayang “matuklasan” ang layunin ng Diyos sa pamamagitan ng ating sariling karunungan kaya’t lumalapit tayo sa Kanya sa pamamagitan ng panananampalaya. Hindi napakahina ng Diyos na ipapahayag Niya ang Kanyang sarili sa paraang hindi Niya itinakda. Ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat maniwala na Siya ay Diyos (na Siya ay umiiral). Ang pananampalataya ang kundisyon at prayoridad para sa isang lumalapit sa Diyos hindi ang mga ebidensya.

Sumasagot ba ang Diyos sa mga panalangin? Tanungin mo ang kahit sinong mananampalataya at malalaman mo ang sagot. Ang binagong buhay ng bawat mananampalataya ay matibay na ebidensya na sumasagot ang Diyos sa mga panalangin. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mayroon bang ebidensya na sumasagot ang Diyos sa panalangin?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries