settings icon
share icon
Tanong

Ano ang theistic evolution (makadiyos na ebolusyon)?

Sagot


Ang theistic evolution ay isa sa tatlong pangunahing pananaw kung saan nagmula ang buhay, ang dalawa bilang mala-ateistang ebolusyon (karaniwang kilala bilang ebolusyon ayon kay Charles Darwin at ebolusyong dulot ng mga natural na pagpili o evolution by natural selection at teorya ng paglikha o creation theory.

Ang mala-ateistang ebolusyon ay nagsasabing walang Diyos at ang buhay ay natural na lumitaw dahil sa impluwensiya ng mga natural na nangyayari sa mundo gaya ng gravity, bagaman ang pinagmulan ng natural na kalikasan ng mundo ay hindi naipaliwanag. Ang teorya ng paglikha o creation theory ay nagsasabi na direktang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, mula sa wala at mula sa mga bagay na umiiral.

May dalawang posisyon sa theistic evolution. Ang unang posisyon ay mayroong Diyos, ngunit hindi Siya ang direktang may kinalaman sa pinagmulan ng buhay. Maaaring Siya ang gumawa ng mga bagay na ginamit sa pagbuo nito o maaaring Siya ang lumikha ng natural na kalikasan ng mundo o maaaring Siya ang lumikha ng mga bagay kasabay ng paglitaw ng buhay, ngunit sa isang punto, Siya'y tumigil sa paglikha at hinayaan ang Kanyang mga nilikha ang pumalit sa kanyang pamamahala. Hinayaan Niyang gawin ang mga ginagawa nito, anuman iyon, at sa huli ang buhay ay umusbong mula sa walang buhay na mga bagay. Ang pananaw na ito ay katulad ng ateistang ebolusyon na ipinagpapalagay na ang sanhi ng buhay ay ang natural na kalikasan sa mundo.

Ang ikalawang posisyon sa theistic evolution ay ang paniniwalang hindi lamang isa o dalawang beses gumawa ng himala ang Diyos. Ang Kanyang mga himala ay palagian. Unti-unti, Kanyang pinamunuan ang paglikha mula sa pagiging simple sa unang panahon hanggang sa pagiging kumplikado sa makabagong panahon, tulad ng "evolutionary tree of life" ni Darwin (mula sa isda naging ampibyan na naging reptilya na naging ibon hanggang maging mamalya). Kung saan ang buhay ay walang kakayahang magbago sa natural na paraan (sa paanong natural na paraan ang paa ng reptilya ay magbabago at magiging pakpak ng isang ibon?) Ang Diyos ang gumawa ng mga bagay na na ito. Ang pananaw na ito ay maihahalintulad sa espesyal na paglikha na naniniwalang ang Diyos ang supernatural na kumilos sa ilang mga pamamaraan upang lumikha ng buhay gaya ng alam natin.

Maraming pagkakaiba sa pagitan ng pananaw ukol sa paglikha ayon sa Bibliya o creation theory at pananaw ng theistic evolution. Ang isang pagkakaiba ay ukol sa pananaw sa edad ng mundo. Ang mga naniniwala sa teorya ng theistic evolution ay naniniwala na ang mundo ay bilyong taon na at pinaniniwalaan na ang mga rekord ng mga bakas ng panahon sa mga bato at mga fossils ang ebidensya ng matandang mundo. Sapagkat ang tao ay hindi pa lumitaw hanggang sa bandang huli ng rekord ng mga fossils, pinaniniwalaang ang mga nilalang ay nabuhay, namatay, at naubos bago pa man dumating ang tao. Ito ay nangangahulugang ang kamatayan ay umiral na bago pa ang panahon ni Adan at ng kanyang pagkahulog sa kasalanan.

Ayon sa mga naniniwala naman sa biblikal na paglikha (creation theory), ang mundo ay bata pa at ang mga rekord ng fossils ay ay nabuo sa panahon at pagkatapos ng baha noong panahon ni Noe. Ang pagkapatong-patong ng mga bato ay naganap sanhi ng pagbaha. Ito ay naglalagay sa mga rekord ng fossils at ng mga kamatayan sa panahong inilarawan daang taon matapos ang pagkahulog ni Adan sa kasalanan.

Ang isa pang mahalagang kaibahan sa pagitan ng dalawang panig ay kung paano unawain ang Genesis. Ang mga naniniwala sa theistic evolution ay sumusunod sa teorya na hindi pangkaraniwang 24 oras ang isang araw na tinutukoy sa paglikha sa Genesis o ang teorya ng pagbabalangkas ng unang kabanata ng Genesis, kung saan ang parehong teorya ay mga patalinghagang pagsasalarawan sa isang linggong paglikha ayon sa Genesis 1. Ang mga pananaw na ito ay kapwa depektibo kung titingnan sa perspektibo ng isang Kristiyano sapagkat ito'y di umaayon sa istorya ng paglikha sa Genesis. Ang naniniwala sa batang mundo ng paglikha ay naniniwalang literal na 24 oras ang bawat araw na tinutukoy sa Genesis 1.

Ang mga naniniwala sa ebolusyong theistic ay naniniwala sa senaryo ng teorya ni Darwin kung saan ang mga bituin ay nagbabago, gayun din ang buong kalawakan, ang mundo, ang mga halaman at mga hayop, at ang mga tao. Ang dalawang punto ng theistic evolution ay hindi sumasang-ayon na ang Diyos ang lumikha sa lahat ng mga kaganapan, ngunit sila ay sumasang-ayon sa haba ng panahon ayon sa rekord ni Darwin. Ito ay taliwas kung ikukumpara sa paglikha ayon sa Genesis. Halimbawa, sinasabi sa Genesis 1 na ang lupa ay nilikha ng unang araw at ang araw,buwan, mga bituin ay hindi pa nalikha noong ikaapat na araw. May ilang nagsasabi na ang mga pahayag sa Genesis ay nagmumungkahi na ang araw, buwan at mga bituin ay sadyang nilikha ng unang araw ngunit hindi pa natatanaw sa himpapawid ng mundo hanggang sa ikaapat na araw. Ngunit malinaw naman sa Genesis na ang lupa ay wala pang himpapawid hanggang sa ikalawang araw. Kung ang araw, buwan, at mga bituin ay nilikha ng unang araw, dapat lamang na sila ay nakikita na ng unang araw pa lamang.

Bukod pa rito, malinaw na sinabi sa Genesis na ang mga ibon ay nilikha kasabay ng mga nilalang sa tubig sa ikalimang araw habang ang mga hayop sa lupa ay nilikha sa ikaanim na araw. Ito ay taliwas sa pananaw ni Darwin na ang mga ibon ay nagbago mula sa mga hayop sa lupa. Ipinahahayag sa Bibliya na unang nilikha ang mga ibon bago pa man ang mga hayop sa lupa. Ang sinasabi ng theistic evolution ay eksaktong kabaliktaran nito.

Isa sa mga kasamaang-palad ngayon sa Kristiyanismo ay ang pagbabago ng interpretasyon sa Genesis upang pakibagayan ang teorya ng ebolusyon. Marami sa mga guro ng Bibliya at mga "apologists" ang nahulog sa ganitong paniniwala at inisip na ang literal na interpretasyon ng Genesis ay nakakasama sa kredibilidad ng mga Kristiyano. Nawalan ng respeto ang mga naniniwala sa ebolusyon sa mga taong nanainiwala sa Bibliya. Bagamat ang bilang ng mga tunay na naniniwala sa creation thehory ay bumababa, may ilang tapat na samahan tulad ng ‘Answers in Genesis,’ ‘Creation Research Society,’ at ‘Institute for Creation Research’ ang naninindigan na ang Bibliya ay hindi dapat ipagkasundo sa siyensya, at pinagtitibay na wala ni isang salita sa Bibliya na napasinungalingan ng siyensya. Ang Bibliya ay buhay na Salita ng Diyos, ibinigay ito sa atin ng Dakilang Lumikha ng sansinukob, at kung paano Niya inilarawan ang Kanyang paglikha sa sansinukob ay hindi ayon sa teorya ng ebolusyon, kahit pa ito ay "theistic" na pang-unawa sa ebolusyon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang theistic evolution (makadiyos na ebolusyon)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries