settings icon
share icon
Tanong

Ano ang nangyayari sa mga sanggol at bata kung sila ay mamatay? Saan makikita sa Bibliya ang edad ng pagkaalam ng mabuti at masama ("age of accountability")

Sagot


Ang konsepto ng "age of accountability" o edad sa pagkaalam ng mabuti at masama ay ang paniniwala na hindi hahatulan ng Diyos ang mga bata dahil sa kanilang kasalanan kung sila'y mamatay na hindi pa nakaabot sa edad ng pagkaunawa tungkol sa mabuti at masama. Ang batang namatay, dahil sa biyaya at habag ng Diyos ay bibigyan ng karapatan na makapasok sa langit. Ang konsepto bang ito ay ayon sa Bibliya? Mayroon bang tinutukoy ang Bibliya tungkol sa edad ng pagkaalam ng mabuti at masama o "age of accountability"?


Sa diskusyon ng "age of accountability", kadalasang hindi napagtutuunan ng pansin na ang mga bata kahit sanggol pa lamang ay makasalanan din naman. Sinasabi sa atin ng Bibliya na kahit na hindi pa nakagawa ang isang sanggol o isang bata ng sariling kasalanan, ang lahat ng tao, kasama ang mga sanggol at bata ay makasalanan dahil sa minanang kasalanan o naipasang kasalanan sa lahat ng tao mula kay Adan. Ang minanang kasalanan ay naipapasa sa mga bata sa pamamagitan ng kanilang mga magulang. Sa Awit 51:5, isinulat ni David, "Ako'y masama na buhat nang iluwal, makasalanan na nang ako'y isilang." Kinikilala ni David na kahit noong ipinaglilihi pa lamang siya ng kanyang ina, siya ay makasalanan na. Ang napakalungkot na katotohanan, kadalasan, may mga batang wala pang muwang ang namamatay at ito ay katibayan na kahit ang mga bata ay naapektuhan ng kasalanan ni Adan, dahil ang pisikal at espiritwal na kasalanan ay parehong resulta ng minanang kasalanan ng lahat ng tao mula kay Adan.

Ang bawat tao, bata man o matanda ay nagkasala laban sa Diyos; ang bawat tao ay sinalungat ang kabanalan ng Diyos. Ang tanging paraan upang manatiling makatarungan ang Diyos at gayundin naman ay ideklara ang isang tao na makatwiran ay ang tanggapin ng tao ang kanyang kapatawaran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo. Si Hesus ang tanging Daan. Sinabi ni Hesus sa Juan 14:6 "Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko." Sinabi din ni Pedro sa Gawa 4:12, "Kay Jesu-Cristo lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat sa silong ng langit, ang kanyang pangalan lamang ang ibinigay ng Diyos sa ikaliligtas ng tao." Ang kaligtasan ay isang indibidwal na pagpili.

Paano ngayon ang mga sanggol at mga bata na wala pang kakayahang magpasya at pumili? Ang "age of accountability" ay isang konsepto na ang mga namatay bago sila makaabot sa edad na hindi pa sila nakakaunawa kung ano ang mabuti at masama ay ligtas na lahat dahil sa biyaya at habag ng Diyos. Ang "age of accountability" ay ang paniniwala na inililigtas ng Diyos ang lahat ng namatay na hindi pa kayang magdesisyon kung pipiliin o tatanggihan si Kristo. Ang edad na labingtatlo (13) ang karaniwang suhestyon para sa age of accountability base sa kultura ng mga Hudyo na ang bata ay naaabot ang estado ng pagiging matanda sa edad na ito. Gayunman ang Bibliya ay hindi nagbibigay ng direktang katuruan kung ang edad na 13 nga ang edad kung kalian ang isang bata ay maaari ng makaalam ng masama at mabuti at magkaroon ng kakayahan na pumili sa pagitan ng dalawa. Maaaring ito ay magbago depende sa kakayahan ng isang bata. Ang isang bata ay humantong na sa age of accountability kung mayroon na siyang kakayahan na manampalataya para o laban kay Kristo. Sinabi ni Charles Spurgeon na ang "isang bata na limang taong gulang ay maaari ng maligtas at buhayin sa espiritwal na gaya ng isang matanda."

Ang kamatayan ni Hesus ay sapat na para sa sangkatauhan. Sinabi sa 1 Juan 2:2, "Sapagkat si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin, at kasalanan din ng lahat ng tao." Ang talatang ito ay malinaw na nagtuturo na ang kamatayan ni Hesus ay sapat para sa lahat ng kasalanan, hindi lamang para sa mga kasalanan ng mga may kakayahang sumampalataya. Ang katotohanan na sapat ang kamatayan ni Hesus para sa lahat ang nagbibigay ng posibilidad na ilapat ng Diyos ang kabayaran ng kasalanan para mga taong walang kakayahang sumampalataya.

May ilan na nakikita ang kaugnayan sa age of accountability sa Tipan ng Diyos sa Israel kung saan walang ibang kinakailangang gawin ang isang batang lalaki upang makabilang sa Tipan ng Diyos maliban sa pagpapatuli, na ginagawa sa ikawalong araw pagkatapos na siya ay maipanganak (Exodo 12:48-50; Levitico 12:3).

Isang tanong ang mabubuo sa konseptong ito, "hindi ba ang kaparehong senaryong ito ng pagtutuli sa mga bata sa Lumang Tipan ay maiiaplay din sa Iglesia?". Sa araw ng Pentecostes, sinabi ni Pedro, "Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at ipagkakaloob sa inyo ang Espiritu Santo. Sapagkat ang pangako'y para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo---sa bawat tatawagin ng Panginoong Diyos" ( Mga GAwa 2:38-39). Ang salitang "mga anak" sa talatang ito ay "tekno" sa wikang Griego na nangangahulugang "bata, anak na babae o anak na lalaki." Ipinahahayag sa Mga Gawa 2:39 na ang kapatawaran ng mga kasalanan ay para sa lahat (cf. Mga Gawa 1:8), kasama ang mga susunod na salin-lahi. Hindi nito itinuturo ang kaligtasan ng buong mag-anak. Ang mga anak ng mga nagsisi ay kailangang ding magsisi.

Ang isang talata na maaaring magamit sa paksang ito ay ang 2 Samuel 12:21-23. Ang konteksto ng mga talatang ito ay pagkatapos na magkasala si Haring David ng pangangalunya kay Bathsheba na naging dahilan ng pagbubuntis ng huli. Ipinadala ng Panginoon si Propeta Natan kay David upang sabihan ito na dahil sa kanyang kasalanan, kukunin ng Panginoon ang buhay ng sanggol. Dahil dito nagluksa si David at nanalangin para sa buhay ng bata. Ngunit pagkatapos na mamatay ang bata, tumigil si David ng pagluluksa. Nagtaka ang mga alipin ni David at kanilang tinanong si David, "Ano po'ng kahulugan nito? Noong buhay pa ang bata, nag-ayuno kayo at tumangis dahil sa kanya; ngayong patay na, bumangon kayo at kumain!" Ngunit sinabi ni David, "Noong buhay pa ang bata, ako'y nag-ayuno at tumangis sa pag-asa kong kahahabagan ako ni Yahweh at pagagalingin ang aking anak. Ngayong patay na siya, bakit pa ako mag-aayuno; maibabalik ko pa ba ang kanyang buhay? Balang araw, susunod ako sa kanya sapagkat hindi na siya makababalik sa akin." Ang tugon na ito ni David ay nagpapahiwatig na ligtas ang mga walang kakayahang manampalataya.

Ang reaksyon ni David ay nagpapakita na ang walang kakayahang manampalataya ay ligtas sa mga kamay ng Diyos. Sinabi niya na hindi na makababalik pa sa kanya ang kanyang anak ngunit isang araw, siya ay pupunta sa kanya. Mahalaga ring pansinin na komportable si David sa kanyang kaalamang ito. Sa ibang salita, sinasabi ni David na makikita niya ang kanyang anak sa langit bagamat hindi na niya ito maibabalik pa.

Kahit na maaaring ilapat ng Diyos ang pagtubos ni Kristo sa mga kasalanan ng walang kakayahang manampalataya, walang particular na pagbanggit ang Bibliya patungkol dito. Kaya ang paksang ito ay hindi namin itinuturing na isang dogmatikong katuruan. Ang paglalapat ng kamatayan ni Kristo sa mga taong walang kakayahang manampalataya ay sang ayon sa Kanyang pag-ibig at kahabagan. Pinaniniwalaan namin na inilalapat ng Diyos ang pagtubos ni Kristo sa mga kasalanan ng mga namatay na sanggol at mga taong kulang sa pagiisip dahil wala silang kakayahan na maunawaan ang kanilang makasalanang kalagayan at dahil din sa kanilang pangangailangan ng Tagapagligtas. Ngunit muli, hindi naming ipinagpipilitan sa iba ang paniniwalang ito. Isa lamang ang aming natitiyak: ang Diyos ay Diyos ng pag-ibig at Siya ay banal, mahabagin, makatarungan at mabiyaya. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay laging tama at mabuti at iniibig Niya ang mga bata ng higit sa ating pag-ibig.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang nangyayari sa mga sanggol at bata kung sila ay mamatay? Saan makikita sa Bibliya ang edad ng pagkaalam ng mabuti at masama ("age of accountability")
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries