settings icon
share icon
Tanong

Sino si Eddie Villanueva, at ano ang Jesus is Lord Church Worldwide?

Sagot


Ang Jesus Is Lord Church Worldwide (JILCW) ay isang Pentecostal na iglesya na itinatag ni Eddie Villanueva, isang dating maka-kaliwang aktibista, ateista at propesor sa Polytechnic University of the Philippines, Manila. Pagkatapos niyang ma-born again sa pamamagitan ng ministeryo ni Kenneth Copeland na itinuturing niyang ama sa espiritwal, nagumpisa si Brother Eddie na manguna sa isang pagaaral ng Bibliya na kinabibilangan ng labinlimang estudyante ng PUP noong 1978. Mula sa hamak na panimulang ito, inaangkin ng opisyal na website ng JILCW na ang grupo ay lumago sa "isang kahanga-hangang paraan hanggang sa umabot ang bilang ng mga miyembro nito sa mahigit na isang milyon" at ngayon, "itinuturing ang JILCW bilang pinakamalaking grupo ng Pentecostal sa Pilipinas at isa sa pinakamalaki sa mundo." Kabilang sa mga ministeryo ni Villanueva ang TV ventures, programa sa radyo, mga literatura, Jesus Is Lord Christian Schools, isang foundation sa Kolehiyo at iba pa.

Inaangkin ni Villanueva na nakatanggap siya ng isang pangitain mula sa Diyos noong 1984 kung saan binalaan siya ng Diyos na "isang madugong rebolusyon ang magaganap sa Pilipinas kung hindi magkakaisa ang mga iglesya para ipangaral ang Ebanghelyo." Inaangkin din niya na binigyan siya ng Diyos ng mandato ng panghuhula upang ipahayag ang "puso at isip ng Diyos sa mga bansa." Ayon kay Villanueva, ang utos na ito ng panghuhula ay kinumpirma ng mga lider ng mga Karismatikong grupo gaya ni Ralph Mahoney, Cindy Jacobs, at Peter Wagner. Hinulaan ni "Brother Eddie" ang panalo ng isang kandidato sa pagkapresidente na si Jose de Venecia, Jr., noong 1998, ngunit natalo ito ng mahigit sa anim na milyong boto. Dahil dito, lumabas na si Villanueva ay isang bulaang propeta (tingnan ang Deuteronomio 18:22).

Ang sistema ng paniniwala ni Villanueva ay kumbinasyon ng Pentecostal, Charismatic theology at Social Gospel, Teolohiya ng pagyaman at kagalingan (health and wealth o prosperity gospel) at teolohiya ng paghahari ng mga Kristiyano sa mundo para ihanda ang mundo sa muling pagparito ni Cristo (dominion theology). Naniniwala si Villanueva sa pagpapatuloy ng lahat ng kaloob ng Espiritu (continuationism) na nagsasaad na ang lahat ng mga kaloob ng Espiritu na binanggit sa 1 Corinto 12:7-10 gaya ng kaloob ng pagpapagaling, pagsasalita sa ibang wika, at paggawa ng mga tanda at himala ay umiiral pa ngayon gaya ng kung paanong umiral ito sa panahon ng unang iglesya; sa katunayan, inaangkin niya na ang mga tanda at himala ay karaniwang nangyayari pa rin ngayon sa JILCW. Itinuturo ng Jesus is Lord Church na ang kagalingan mula sa mga sakit at pagyaman ay kasama sa pagtubos ni Kristo. Ginagamit nila ang 1 Pedro 2:24 upang suportahan ang katuruang ito at sinasabi na ang salitang "gumaling" sa talatang ito ay tumutukoy sa kagalingang pisikal at pinansyal. Itinuturo ni Villanueva na kung mananatiling may sakit at mahirap ang isang Kristiyano, maaaring siya ay nagkukulang sa pananampalataya o di kaya'y may itinatagong kasalanan sa Diyos. Ang isang maysakit at mahirap na mananampalataya ay hindi pa nakakaranas ng tagumpay laban sa Diyablo kundi isang biktima ng Diyablo. Ito ay isang maling katuruan. Si Jesu Cristo, ang Anak ng Diyos ay hindi pumunta sa lupa, naging alipin ng lahat, at namatay sa isang brutal na kamatayan para lang tayo gumaling sa sakit o yumaman. Ang salitang "gumaling" sa 1 Pedro 2:24 ay espiritwal na kagalingan mula sa kasalanan. Ang kayamanan at kalusugan ng katawan ay mga mga bagay na hinahangad sa mundong ito ng mga hindi mananampalataya, at ginagamit ng mga bulaang mangangaral ang Ebanghelyo ng pagyaman (prosperity Gospel) para akitin sila at magpayaman mula sa kanilang mga ikapu at kaloob.

Itinuturo ng Jesus is Lord Church na responsibilidad ng mga Kristiyano na maging kasangkapan ng Diyos tungo sa pagbabago ng mundo at lumaban sa kahirapan, kawalan ng sapat na edukasyon, kakulangan sa nutrisyon at kawalang katarungan sa lipunan. Ang pag-ibig ni "Bro. Eddie" para sa kanyang bansa, lakip ang kanyang pangunawa sa Bibliya (na nakukulayan ng kanyang dating paniniwala bilang maka-kaliwang aktibista) ang nagtulak sa kanya para kumandidato sa pagkapresidente ng dalawang beses, noong 2004 at 2010 at sa pagkasenador noong 2013. Ang pagkandidato niya sa pagkapresidente ay bunsod ng mga hula ni Bill Hamon at Cyndi Jacobs na napatunayang mga bulaan dahil natalo si Villanueva ng milyong boto sa parehong pagtatangka. Dahil sa pamumulitika ni Villanueva, marami sa kanyang iglesya at mga miyembro ang humiwalay sa kanyang pamununo.

Ang isa sa pinaka-kontrobersyal na isyu na kinasangkutan ni Bro. Eddie ay ang kanyang partisipasyon sa isang gawain ng kilalang kultong sekta na tinatawag na Kingdom of Jesus Christ, the Name Above Every Name. Ang kultong ito ay pinangungunahan ni Apollo Quiboloy na ipinroklama ang sarilli bilang "Anak ng Diyos" at "Kristo sa mga Hentil." Sa kanyang talumpati sa nasabing pagtitipon, tinukoy ni Villanueva si Quiboloy bilang "isang kinikilalang mangangaral ng katuwiran," ang mga tagasunod ni Quiboloy bilang "mga taong tunay na umiibig sa Diyos at bayan" at "mga kapwa taga langit."

Ang isa sa mga isyu kung saan tama ang Jesus is Lord Church ay ang pagnanais nito na impluwensyahan ang sosyedad sa pamamagitan ng etikang Kristiyano (Christian Ethics). Totoong may tungkulin ang mga mananampalataya na magministeryo sa mga nangangailangan (tingnan ang Isaias 1:17). Itinuturo ni Santiago, "Kung sasabihin ninyo sa kanya, "Patnubayan ka nawa ng Diyos; magbihis ka't magpakabusog," ngunit hindi naman ninyo siya binibigyan ng kanyang kailangan, ano ang silbi niyon?" (Santiago 2:16). Ngunit ang utos na ibinigay ni Cristo para sa Iglesia ay pangunahing nakatuon sa pagbabahagi ng Ebanghelyo at sa paggawa ng mga alagad (Mateo 28:18-20), hindi sa pagpapakain at pagtulong sa mga tao. Dapat na ituon ng mga mananampalataya ang kanilang pansin sa pagsusulong ng espiritwal na kaharian ng Diyos dito sa mundo.

Binalaan tayo ni Cristo laban sa mga bulaang propeta na naghahanap ng masisila (Mateo 24:11). Isang maling hula lang ang kailangan para ituring ang isang tao na isang bulaang propeta (Deuteronomio 18:22). Ang Bibliya ay kinasihan ng Espiritu, kumpleto at hindi nagkakamaling Salita ng Diyos at "kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay" (2 Timoteo 3:16). Ipinagbabawal ng Diyos sa kaninuman ang pagdadagdag sa Kanyang Salita (Pahayag 22:18), na laging ginagawa ng mga nagaangkin ng mga "bagong rebelasyon" o "bagong kapahayagan" mula sa Diyos.

Ang nangingibabaw sa integridad at pag-ibig ni Bro. Eddie sa bansa ay ang kanyang malinaw na mga palsong hula at ang kanyang pakikisama sa mga bulaang mangangaral ng Word of Faith Movement. Kinakailangang magsanay ang isang mananampalataya ng maingat na pagkilatis sa mga maling aral kung makikinig sa mga mangangaral ng JILCW. Dapat tayong maging katulad ng mga taga Berea na "sinaliksik araw-araw ang mga Kasulatan upang tingnan kung totoo nga ang sinasabi ni Pablo" (Gawa 17:11). Tunay na may mga naging totoong mananampalataya din sa ministeryo ng Jesus Is Lord Church Worldwide sa kabila ng mga nakakaligaw nitong katuruan sa ilang mga isyu. Ito ay dahil ginagamit ng Diyos ang Kanyang salita para tumawag ng mga tao para sa Kanyang sarili, kahit na may problema sa teolohiya ang mangangaral. Para sa mga mananampalataya na nagnanais na umiwas sa posibleng pagkalantad sa mga bulaang tagapagturo at nagnanais na lumago at lumalim sa kanilang kaalaman sa Diyos at sa kanyang Salita, maaaring ang JILCW ay isang iglesia na hindi dapat daluhan.



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino si Eddie Villanueva, at ano ang Jesus is Lord Church Worldwide?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries