Tanong
Gaano na katanda ang kalawakan?
Sagot
Hindi nagbigay ang Bibliya ng petsa sa paglikha ng Diyos; ang tanging pahiwatig ay naganap ito "sa pasimula." Ang salitang Hebreo para sa salitang "pasimula" ay bereshith, na ang literal na ibig sabihin ay "ulo."
Sumasang-ayon ang lahat ng Kristiyano na nilikha ng Diyos ang kalawakan. Ang pagkakaiba sa opinyon ng mga Kristiyano ay ang interpretasyon sa salitang araw (yom sa salitang Hebreo) sa Genesis 1. Ang mga naniniwala sa "araw" na may literal na dalawampu't apat na oras ay naniniwala sa isang batang mundo; ang mga nanghahawak naman sa isang hindi literal at salitang patula na "araw" ay naniniwala sa isang mas matandang mundo.
Maraming Iskolar at mga siyentipikong Kristiyano ang naniniwala na ang salitang "araw" sa Genesis ay tumutukoy sa isang literal na araw na may dalawampu't apat na oras. Ito ang paliwanag sa paulit-ulit na paggamit ng pangungusap na "lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga" sa Genesis 1. Ang isang gabi at isang umaga ay bumubuo sa isang araw (sa pananaw ng mga Hudyo, ang panibagong araw ay naguumpisa sa paglubog ng araw). Naniniwala naman ang iba sa isang hindi literal na paggamit ng salitang araw sa Genesis dahil sa ibang bahagi ng Kasulatan na hindi ginamit ang salitang "araw" sa literal na paraan, gaya ng "araw ng Panginoon," at nangangatwiran na ang gabi hanggang umaga ay hindi katumbas ng isang araw at dapat na unawain bilang pagtukoy sa pasimula at wakas ng mga yugto ng panahon.
Kung uunawain sa istriktong literal na paraan ang talaan ng mga angkan sa kabanata 5 hanggang 11 ng Genesis, maging ang mga natitira sa kasaysayan ng Lumang Tipan, ang paglikha kay Adan ay maaaring makwenta at lalabas na nilikha siya noong humigit kumulang 4,000 BC. Ngunit ang matatantya lamang ay ang panahon ng paglikha kay Adan hindi ang paglikha sa mundo maging ang paglikha sa kalawakan. May posibilidad din ng pagkakaroon ng "agwat" sa pagitan ng mga tala sa Genesis 1.
Ang tanging masasabi ay hindi partikular na ibinigay sa Bibliya ang edad ng kalawakan. Ang posisyon ng gotQuestions ministries ay para sa isang batang mundo at pinaniniwalaan namin na ang isang literal na araw na may dalawampu't apat na oras sa Genesis 1 ang mas maganda at malapit na interpretasyon. Gayundiin naman, wala kaming hindi pakikipagkasundo sa mga may ideya na ang kalawakan ay higit pa sa 6,000 taon. Kung ang pagkakaiba man ay ipinapaliwanag dahil sa agwat o sa paglikha ng Diyos sa kalawakan na "matanda na agad" o anumang iba pang argumento – ang isang kalawakan na mas matanda sa 6,000 taon ay hindi magiging dahilan para sa malaking problema sa teolohiya o doktrina ng Bibliya.
Gayunman sa huli, ang tanda o edad ng mundo ay hindi mapapatunayan mula sa Kasulatan o ng siyensya. Kung ang kalawakan man ay 6,000 taon na o bilyon-bilyong taon na, ang parehong pananaw (at anumang nasa gitna nila) ay nakadepende sa pananampalataya at pala-palagay. Laging isang matalinong pagpapasya na siyasatin ang motibo ng mga naninindigan na ang mundo ay bilyon-bilyong taon na ang edad, lalo na't makikitang hindi sinusuportahan ng Bibliya ang ganitong pagpapalagay.
English
Gaano na katanda ang kalawakan?