Tanong
Sino ang mga Edomita?
Sagot
Ang mga Edomita ay ang lahing nanggaling kay Esau, na panganay na anak ni Isaac, ang kakambal ni Jacob. Habang nasa sinapupunan ng kanilang ina, naglaban ang dalawa at sinabi ng Diyos sa kanilang inang si Rebecca na sila ay magiging dalawang bansa, at maglilingkod ang panganay sa bunso (Genesis 25:23). Nang sila'y magbinata, walang pangingiming ipinagbili ni Esau ang kanyang pagkapanganay kay Jacob kapalit ng isang mangkok ng pulang lugaw (Genesis 25:30-34), at kinamuhian niya ang kanyang kakambal pagkatapos. Si Esau ang naging ama ng mga Edomita habang si Jacob naman ang naging ama ng mga Israelita, at ang dalawang bansa ay nagpatuloy sa paglalaban sa malaking bahagi ng kanilang kasaysayan. Sa Bibliya, ang "Seir" (Josue 24:4), "Bozrah" (Isaias 63:1) at "Sela" (2 Hari 14:7) ay mga pagtukoy sa lupain at kabisera ng Edom. Ang Sela ay kilala ngayon sa tawag na Petra.
Ang pangalang Edom ay nagmula sa semitikong salita na ang ibig sabihin ay "pula," at binigyan din ng ganitong pangalan ang lupain sa Timog ng Dagat ng Patay dahil sa mga pulang buhangin na makikita sa lugar na iyon. Dahil sa pulang lugaw na ipinagpalit ni Esau sa kanyang pagkapanganay, nakilala siya bilang si Edom at tumira siya sa isang bulubunduking lugar na may parehong pangalan. Inalala sa Genesis 36 ang pinagmulan ng mga Edomita at sinabing mayroon na silang hari bago pa magkaroon ng sariling hari ang Israel (Genesis 36:31). Ang relihiyon ng mga Edomita ay pareho ng mga paganong sosyedad na sumasamba sa mga diyus-diyusan ng kasaganaan. Sa huli, pinamunuan ng lahing nanggaling kay Esau ang katimugang lupain at pagsasaka at pangangalakal ang kanilang naging hanapbuhay. Ang isa sa mga sinaunang ruta sa kalakalan na tinatawag na "Daan ng Hari" (Bilang 20:17) ay lumulusot sa Edom at noong humingi ng pahintulot ang mga Israelita na dumaan sa rutang ito paglabas nila sa Ehipto, pwersahan silang tinanggihan ng mga Edomita.
Dahil malapit silang magkamag-anak, pinagbawalan ng Diyos ang mga Isrelita na kamuhian ang mga Edomita (Deuteronomio 23:7). Gayunman, regular na sinasalakay ng mga Edomita ang Israel at maraming digmaan ang naganap sa pagitan nila. Nilabanan ni haring Saul ang mga Edomita at nilupig sila ni haring David at nagtayo siya ng kampo ng kanyang mga kawal doon. Sa pamamagitan ng kanyang kontrol sa teritoryo ng Edom, nagkaroon ng daanan ang Israel patungo sa daungan ng Ezion-Geber sa Dagat na Pula kung saan nagpadala si haring Solomon ng maraming ekspedisyon. Pagkatapos ng paghahari ni Solomon, nagrebelde ang mga Edomita at nagkaroon sila ng panandaliang kalayaan hanggang sa lupigin sila ng mga Asirians sa pamumuno ni Tiglath-pileser.
Sa panahon ng mga digmaang Macabeo, nilupig ng mga Hudyo ang mga Edomita at pwersahan silang pinaanib sa Judaismo. Sa buong kasaysayan, nanatili sa mga Edomita ang kanilang dating galit sa mga Hudyo. Nang ang salitang Griyego ang maging pangkaraniwang wika, tinawag na ang mga Edomita bilang mga Idumeans. Sa paglakas ng imperyong Roma, isang Edomita na kaanib ng Judaismo ang ama ang naging hari ng Judea. Ang Edomitang ito ay kilala sa kasaysayan bilang si haring Herodes na Dakila, ang mapaniil na hari na nagutos na patayin ang mga sanggol sa Bethlehem sa pagtatangka na patayin ang noo'y batang si Cristo (Mateo 2:16-18).
Pagkamatay ni Herodes, unti-unting naglaho ang mga Edomita (o Idumeans) sa kasaysayan. Sinabi ng Diyos na ganap na maglalaho ang lahi ng mga Edomita sa Ezekiel 35, "Gagawin ko sa iyo ang ikinatuwa mong pagkawasak ng Israel na aking hinirang. Wawasakin kita, Bundok ng Seir, at ito ang magiging wakas ng buong Edom. Sa gayon, makikilala ng lahat na ako si Yahweh" (Ezekiel 35:15). Sa kabila ng patuloy na pagtatangka ng Edom na manaig laban sa mga Israelita, naganap ang sinabi ng Diyos kay Rebecca: Maglilingkod ang nakatatanda sa nakababata, at napatunayang higit na malakas ang Israel kaysa Edom.
English
Sino ang mga Edomita?