Tanong
Ano ang dapat na maging saloobin ng mga Kristiyano sa edukasyong sekswal?
Sagot
Tiyak na matututunan ng mga bata ang tungkol sa sekswalidad mula sa ibang tao. Maaaring matutunan nila ito sa kanilang mga kaibigan, sa paaralan, sa mga malalaswang panoorin, sa pageeksperimento, o sa kanilang mga magulang. Ang pinakamagandang lugar sa pagtuturo tungkol sa sekswalidad ay ang tahanan, bilang isang natural na bahagi ng pagsasanay sa mga bata "kung ano ang kanilang dadaanan" (Kawikaan 22:6). Isang responsibilidad na ibinigay ng Diyos sa mga magulang ang pagtuturo sa kanilang mga anak sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay, kasama dito ang sekswalidad (Efeso 6:1–4).
Dahil sa likas na pagiging sensitibo at kumplikado ng sekswalidad ng tao, hindi maihihiwalay ang pisikal na aspeto ng pagdadalang tao mula sa ating moral na responsibilidad. Saan man matutunan ng mga bata ang edukasyong sekswal, sa paaralan o maging sa simbahan man, nananatili itong responsibilidad ng mga magulang upang matiyak na tama ang kanilang pangunawa tungkol sa biolohikal at moral na aspeto ng sekswalidad. Ang pagpapaubaya sa ating mga anak sa ating kultura sa paghubog sa kanilang pagpapahalaga at pananaw ay lubhang mapanganib sa panahon ngayon.
Una, ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pagtatalik? Mula sa Diyos ang sekswalidad at dapat itong ituring na isang magandang kaloob. Nilikha ng Diyos ang seks para sa dalawang layunin: pagpaparami at pagkakaisa ng magasawa (Genesis 1:28; Mateo 19:6; Markos 10:7–8; 1 Corinto 7:1–5). Ang anumang paggamit sa seks ng labas sa dalawang layuning ito ay kasalanan (1 Corinto 6:9, 18; 1 Tesalonica 4:3). Nakalulungkot na marami sa mga tao sa mundo ngayon ang hindi naniniwala sa mga katotohanang ito. Ang resulta: napakaraming maling aplikasyon ng sekswalidad at sama ng loob na nalikha ng mga ito sa tao. Makatutulong ang mga magulang sa pagtuturo ng tama sa kanilang mga anak tungkol sa sekswalidad upang maibukod nila ang katotohanan mula sa kasinungalingan, lumakad sa karunungan at magkaroon ng kasiyasiya at tamang karanasan ng kaloob ng sekswalidad.
Karamihan sa makabagong edukasyong sekswal ang itinuturo na normal lamang na ekspresyon ng sekswalidad ang perbersyon, pakikiapid, kabaklaan at pagsasama ng hindi pa kasal. Ang hangganan ay limitado lamang sa pagiwas sa mga negatibong konsekwensya. Ang lahat ng ito ay salungat sa itinuturo ng Kasulatan (1 Corinto 6:9; Levitico 20:15–16; Mateo 5:28). Dapat na maging aktibo ang mga Kristiyanong magulang sa pagbabantay sa kanilang mga anak lalo na sa mga aspeto ng buhay ng kanilang mga anak na naikokompromiso ang Kasulatan. Dapat din nilang malaman kung ano ang natututunan ng kanilang mga anak upang maituwid ang anumang maling katuruan. Dapat nilang turuan ang kanilang mga anak upang malaman kung ano ang ayon sa Salita ng Diyos at kung ano ang maling pananaw ng kultura. Mananagot sa Diyos ang mga magulang sa pagpapalaki sa kanilang mga anak (Efeso 6:4), hindi ang paaralan, simbahan o pamahalaan.
Maraming magulang ang nahihiyang talakayin ang paksang ito sa kanilang mga anak ngunit hindi ito dapat iwasan at ikahiya. Dapat na magumpisa ang mga magulang na talakayin ito sa kanilang mga anak habang bata pa ang mga ito at ituro sa kanila kung ano ang layunin ng bawat sangkap ng kanilang katawan at ano ang pagkakaiba sa katawan ng lalaki at babae. Ang mga paguusap na ito ay natural na lilipat sa mas kumplikadong paksa ng sekswalidad habang tumatanda ang mga anak. Mahalaga na malaman ng mga anak na maaari siyang makipagusap sa kanyang ama o ina tungkol sa anumang bagay na nakakalito sa kanya.
Kabi-kabila at nanggagaling sa iba't ibang direksyon ang mga impormasyon tungkol sa sekswalidad, kaya't dapat na magumpisa habang maaga ang pagtuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak. Bago payagan ng magulang na turuan ng paaralan ang kanilang mga anak tungkol sa paksang ito o sa anumang paksang may kinalaman sa moralidad, dapat nilang tiyakin na natutunan na ng kanilang mga anak ang mga bagay na ito sa kanila mismo. Napakahalaga din na masubaybayan kung ano ang natututunan ng mga anak sa kanilang paaralan at kung paano nila inilalapat ang kanilang kaalaman sa paksang ito sa kanilang mga personal na buhay sa araw-araw. Ang pagpapanatili ng regular at bukas na komunikasyon sa mga anak ang susi para manatiling gabay sa kanilang mga natututunan. Kung aktibo ang mga magulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak, magkakaroon ang mga bata ng basehan sa pagkilala kung ano ang tama at mali sa isang mundo na isinusulong ang kasinungalingan.
English
Ano ang dapat na maging saloobin ng mga Kristiyano sa edukasyong sekswal?