Tanong
Ano ang exposisyonal / expositional na pangangaral?
Sagot
Ang eksposisyonal / expositional na pangangaral sa pinakasimpleng kahulugan ay ang pangangaral ng salita ng Diyos na nakatuon sa pagpapaliwanag ng kahulugan ng Kasulatan sa konteksto ng kasaysayan at gramatiko nito. Ang eksposisyonal na pangangaral ay kinapapalooban ng pagpapaliwanag sa sinasabi ng Bibliya sa mga tao sa kasalukuyan na maaaring hindi pamilyar sa kultura at kasaysayan kung kailan isinulat ang sitas o talatang pinagaaralan.
Ang salitang eksposisyon o exposition ay simpleng nangangahulugang “isang paghahayag o paliwanag.” Kaya ang eksposisyonal na pangangaral ay ang pagpapaliwanag ng Kasulatan na base sa isang matiyaga at maingat na pagaaral ng isang talata. Ito ang pangunahing pagkatawag sa pastor o mangangaral gaya ng makikita natin sa 2 Timoteo 4:2: “ipangaral mo ang salita ng Diyos; pagsikapan mong gawin iyan napapanahon man o hindi. Himukin mo at pagsabihan ang mga tao, at palakasin ang kanilang loob sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo.”
Ang eksposisyonal / expositional na pangangaral ay mahalaga sa mga naniniwala sa pangkalahatang pagkasi ng Diyos sa lahat ng Kasulatan na simpleng nangangahulugan na ang mga Kasulatan ang mismong Salita ng Diyos. Bilang kinasihang salita ng Diyos, ang mga Kasulatan ay kailangang ipahayag at ipaliwanag sa konteksto kung kanino at kailan sila isinulat.
Ang simpleng pagbabasa sa Awit 119 at pangunawa na ang Kasulatan ay “hiningahan ng Diyos” (2 Timoteo 3:16) ay dapat na sapat para sa atin na maunawaan ang importansya at kahalagahan ng eksposisyonal na pangangaral. Sa Awit 119, makikita natin ang maraming katangian ng Salita ng Diyos, ngunit ang buong kabanatang ito ay dapat makatulong sa atin na maunawaan ang kahalagahan ng kaalaman sa sinasabi ng Bibliya at ano ang kahulugan nito, na siyang layunin ng eksposisyonal na pangangaral. Kung hindi natin nauunawaan ang Bibliya, hindi natin ito masusunod at hindi ito magiging “ilaw sa aking mga paa at liwanag sa aking landas” (Awit 119:105).
Ang layunin ng eksposisyonal na pangangaral ay ipaliwanag ng eksakto ang sinasabi ng isang sitas o talata sa kasulatan. Kaya ang balangkas ng isang eksposisyonal na sermon ay kukunin ang pangunahing mga puntos at mga karagdagang puntos ng direkta sa bahagi ng Kasulatan na ipinapaliwanag o ipinapangaral ng mangangaral.
Dapat na may dalawang pangunahing layunin ang eksposisyonal na pangangaral. Una ay ang layunin na tuklasin at ipaliwanag ang kahulugan ng orihinal, historikal, at gramatiko ng isang talata o sitas, o sa ibang salita, “ang intensyong pakahulugan ng Diyos.” Ito ang kinasihang mensahe ng Diyos para sa mga orihinal na mambabasa. Ang ikalawang layunin ay malapit ang kaugnayan sa una—tulungan ang mga anak ng Diyos na isapamuhay ang mga katotohanang inihayag ng talata o sitas ng Kasulatan. May ilan na minamaliit ang kakayahan ng eksposisyonal na pangangaral na katagpuin ang mga pangangailangan ng mga mananampalataya, ngunit hindi pinapansin ang katotohanan na “Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng puso” (Hebreo 4:12). Ang kapangyarihan na bumago ng mga buhay ay tanging matatagpuan lamang sa Salita ng Diyos habang ipinapaliwanag at inilalapat ito ng Banal na Espiritu sa puso ng mga tao. Mabuti ang mahusay na presentasyon pero hindi ito bumabago ng buhay ng tao. Habang may lugar din para sa topikal na pangangaral, kailangan itong suportahan hindi papalitan ng eksposisyonal na pangangaral.
Mahalaga ang eksposisyonal na pangangaral dahil kung tapat itong susundin, magreresulta ito sa pangangaral ng buong layunin ng Diyos. Hindi matatanggihan o maiiwasan ang mga mahihirap at kontrobersyal na paksa kahit sa topikal na paraan ng pangangaral. Ipinapangaral ng mangangaral ang sinasabi ng teksto, ng talata sa talata, kabanata sa kabanata, at aklat sa aklat. Makakatulong ito para maiwasan ang pangangaral ng mga talata ng taliwas o salungat sa konteksto at ito ang magtutulak sa tapat na pastor na maging masipag at matiyaga sa pagaaral habang pinagtutuunan ng pansin ang mga kontrobersyal at mahihirap na isyu at paksa.
May ilan na nais na ipagwalang bahala o maliitin ang kahalagahan ng eksposisyonal na pangangaral at sinasabi na nililimitahan nito ang kakayahan ng pastor na talakayin ang mga napapanahong paksa na kinakailangang marinig ng kanilang kongregasyon. Bigong makita ng mga kritikong ito ang epketibong kapangyarihan ng Salita ng Diyos na kung ipapahayag sa kapuspusan ng katotohanan nito ay hindi ito babalik ng walang bunga (Isaias 55:11).
English
Ano ang exposisyonal / expositional na pangangaral?