Tanong
Naaayon ba sa Bibliya ang ekumenismo (ecumenism) o pakikisama sa ibang grupo ng pananampalataya?
Sagot
Pinakahuluganan ni Walter A. Elwell ang ekumenismo (ecumenism) sa kanyang aklat na The Concise Evangelical Dictionary of Theology na, “isang organisadong pagtatangka na pagkaisahin ang iba’t ibang grupo ng mga Kristiyano.” Sa pandaigdigang antas, kinakatawan ng World Council of Churches ang ekumenismo sa pagpapahayag nito ng layunin na gaya ng sumusunod: Ang “World Council of Churches ay isang samahan ng mga iglesya na kumikilala kay Hesu Kristo bilang Diyos at Tagapagligtas ayon sa Kasulatan at dahil dito, ninanais namin na ganapin ang Kanyang pagkatawag sa amin ng magkakasama para sa kaluwalhatian ng Diyos Ama, Anak at Diyos Espiritu Santo. Ito ay komunidad ng mga iglesya na nais na isulong ang nakikitang pagkakaisa sa pananampalataya at pakikiisa sa eukaristiya, na inihahayag sa pagsamba at sa pamumuhay kay Kristo. Isinusulong nito ang paglago sa pagkakaisa, gaya ng panalangin ni Kristo para sa Kanyang mga tagasunod, “upang ang sanglibutan ay sumampalataya” (Juan 17:21)” (www.wcc-coe.org). Isa ring halimbawa ng ekumenismo (ecumenism) ang dokumento na tinatawag na Evangelicals and Catholics Together: The Christian Mission in the Third Millennium, na inilathala noong 1994 at inendorso ng ilan sa mga pilling kinatawan ng mga Ebangheliko at ng Romano Katoliko.
Sa isang malawak na kahulugan, ang ecumenism ay “isang kilusan na nagsusulong ng pandaigdigang pagkakaisa ng lahat ng relihiyon sa pamamagitan ng mawalak na pagtutulungan.” Halimbawa, maaaring imbitahan ng isang paring Kristiyano ang isang Imam ng Muslim upang magsalita sa kanyang kura paroko, o kaya naman ay maaaring sumamba ang isang iglesya kasama ang mga Hindu sa isang templo ng mga Hindu upang magdaos ng sama-samang panalangin. Sa ganitong pakahulugan, ang ekumenismo ay isang napakalaking pagkakamali. Hindi tayo dapat na “makipamatok sa mga hindi mananampalataya” (2 Corinto 6:14; tingnan din ang Galacia 1:6–9). Hindi maaaring pagsamahin ang dilim at liwanag.
Para sa artikulong ito, lilimitahan namin ang kahulugan ng ekumenismo sa “isang pagkilos upang isulong ang pagkakaisa ng mga grupong Kristiyano.” Ito ang mahalagang tanong: ang mga ganito bang gawain ay naaayon sa Bibliya? Dapat ba tayong makilahok sa ibang mga “Kristiyano” sa anumang lokal, pambansa o pandaigdig na gawain? Hindi tiyak ang sagot. Oo, mahalaga ang pagkakaisa ng mga tunay na Kristiyano (Awit 133:1; Juan 17:22). Ngunit paano kung tinatanggihan ng isang grupong nagpapakilalang Kristiyano ang ilan sa mga pangunahing paniniwala ng Kristiyanismo? Dapat nating indibidwal na isaalang-alang ang bawat sitwasyon. Narito ang dalawang katanungan na makatutulong sa atin upang gumawa ng isang desisyon na makaluluwalhati sa Diyos patungkol sa ekumenismo (ecumenism):
Una sa lahat, ang atin bang pinakikisamahan ay mga tunay na Kristiyano ayon sa Biblikal na pakahulugan ng salitang ito? Maraming tao at mga organisasyon ang ginagamit ang pangalan ni Hesu Kristo at sinasabi na Siya ang kanilang Panginoon at Tagapagligtas ngunit maliwanag na tinatanggihan ang mga sinasabi ng Bibliya tungkol sa Kanya. Ang mga maliwanag na halimbawa ng mga ganitong grupo ay ang Mormons at Saksi ni Jehovah na tinatawag ang kanilang sarili na mga tagasunod ni Kristo ngunit tinatanggihan ang mga katuruan ng Bibliya tungkol sa kalikasan at gawain ni Kristo. Ang isa pang halimbawa ay ang liberal na Kristiyanismo. Makikita ang liberal na mga Kristiyano sa halos lahat ng denominasyon at bagama’t tila sila Kristiyano, tinatanggihan naman nila ang mga katotohanan patungkol kay Kristo. Laging tinatanggihan ng mga liberal ang kawalang kamalian, ang awtoridad at pagkasi ng Diyos sa Bibliya (2 Timoteo 3:16), ang natatanging kalikasan ng kaligtasan kay Kristo lamang (Juan 14:6; 1 Timoteo 2:5), at ang ganap na pagtitiwala sa biyaya ng Diyos hiwalay sa mga gawa ng tao upang magtamo ng kaligtasan (Roma 3:24, 28; Galacia 2:16; Efeso 2:8–9).
May malaking pagpapahalaga ang mga Ebangheliko at Romano Katoliko sa ekumenismo sa panahong ito. Ang mga nagsusulong ng ganitong pagkakaisa ay nagsasabi na ang 2 grupo ng pananampalataya ay parehong nagtataglay ng sistema ng pananampalataya na lumuluwalhati sa Diyos. Ngunit may malaking pagkakaiba sa pagitan ng dalawang grupo. Ang Biblikal na Kristiyanismo at Romano Katoliko ay dalawang magkaibang relihiyon na may magkaibang paniniwala at gawaing panrelihiyon. Magkaiba ang kanilang paniniwala sa paraan ng pagliligtas ng Diyos sa tao, sa awtoridad ng Bibliya, sa pagiging saserdote ng bawat mananampalataya, sa kalikasan ng tao, sa ginawa ni Kristo sa krus at marami pang iba. Ang listahan ng mga hindi mapapagkasundong pagkakaiba sa pagitan ng Biblikal na Kristiyanismo at Romano Katoliko ang dahilan kung bakit imposible para sa dalawang grupo na magmisyong magkasama. Ang mga tumatanggi sa katotohanang ito ay hindi totoo sa kanilang sinasabi saanman sila kabilang na grupo. Tiyak na tatanggihan ng isang Romano Katoliko na seryoso sa kanyang pananampalataya ang seryosong pinaniniwalaan ng isang Ebanghelikong Kristiyano.
Ang isa sa mga pang-akit ng ekumenismo ay kadalasang ang magkaparehong pananaw ng mga grupong mali ang doktrina at mga tunay na Kristiyano patungkol sa ilang isyung Biblikal. Halimbawa ang mga tunay na Kristiyano ay lumalaban sa aborsyon, nagsusulong ng tradisyonal na pananaw sa pamilya, nagmamalasakit sa mga may sakit at walang tirahan, at nagnanais na magkaroon ng hustisya sa mundo. Maraming grupo na may maling doktrina ang nanghahawak din sa parehong posisyon. Kaya’t minsan, nakakapagbigay ang mga tunay na Kristiyano ng tulong pinansyal at malakas ang tukso na makipagisa sa ibang mga grupo na may maling katuruan dahil may pareho silang pananaw sa ilang isyung panlipunan. Ito ang maghahatid sa atin sa susunod na tanong.
Ikalawa, ano ang huling hantungan ng pagkakaisa sa pagitan ng magkakaibang grupo ng pananampalataya? Ibinigay sa Kasulatan ang malinaw na pamantayan kung paano mamumuhay sa mundo ang mga tunay na Kristiyano. Sinasabi sa Colosas 3:17, “At anomang inyong ginagawa, sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Dios sa pamamagitan niya.” Patungkol sa ating pakikipagugnayan sa mga naliligaw, sinabi ni Hesus sa Mateo 5:16, “Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.” Sinabi sa Mateo 28:18–20 at 1 Corinto 2:2 na ang pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Kristo ang ating pangunahing layunin sa buhay na ito. Ang lahat ng ating ginagawa ay dapat na nagbibigay ng kapurihan at kaluwalhatian sa Diyos, dapat tayong gumawa ng mabuti sa gitna ng mga taong naliligaw at nasa panganib ng pagdurusa sa apoy, at dapat na ipahayag natin sa mundo ang mensahe ng Ebanghelyo na bumabago ng buhay ng tao. Ang pagbabahagi ng katotohanan tungkol sa kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ni Kristo ay nagbbibigay luwalhati sa Diyos at dapat na magtulak sa atin na magmalasakit sa mga taong naliligaw dito sa mundo.
Patungkol sa pakikipagkaisa sa ibang grupo ng pananampalataya, dapat nating isaalang-alang ang mga nabanggit na pamantayan. Sa tuwina, ang pagbabahagi ng Ebanghelyo ay hindi na nagiging prayoridad at minsan ay hindi na pinahahalagahan. Sa halip na magbahagi ng Ebanghelyo, ang pinagtutuunan ng pansin ng ekumenismo ay ang mga isyung sosyal at pulitikal. Sa halip na isulong ang pagbabago ng puso, binibigyang diin ng mga gawain ng mga grupong kasali sa ekumenismo ang pagbabago ng kapaligiran – ng ekonomiya, pulitika at sosyedad. Ang dapat na ultimong layunin ng ating mga ginagawa ay ang kaligtasan ng mga makasalanan (Efeso 2:1–3). Sinasabi sa Bibliya na nagagalak ang mga anghel sa langit kung may isang makasalanang nagsisisi hindi dahil may isang batas na naipasa, o may isang nahukay na balon ng tubig, o may isang kalsadang nasemento (walang masama sa ganitong mga gawain, ngunit hindi dapat na matabunan ng mga ito ang Ebanghelyo ni Kristo). Habang pinagiisipan natin kung makikisama ba tayo sa ibang grupo ng pananampalataya o hindi, dapat nating tiyakin na ang kaharian ng Diyos ay mapapalawak sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Ebanghelyo.
Sa pagbubuod, dapat ba tayong makilahok at makipagkaisa sa ibang iglesya o grupo ng pananampalataya? Kung hindi makokompromiso ang mga katuruan o ang mga pangunahing doktrina na ating pinaniniwalaan, kung hindi maipagwawalang bahala ang pangangaral ng Ebanghelyo, kung mapapanatili ng mga mananampalataya ang maayos na patotoo sa mundo at kung maluluwalhati ang Diyos, malaya at buong galak na maaari tayong makisama sa ibang grupo ng pananampalataya para sa ikasusulong ng kaharian ng Diyos dito sa lupa.
English
Naaayon ba sa Bibliya ang ekumenismo (ecumenism) o pakikisama sa ibang grupo ng pananampalataya?