Tanong
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Elias?
Sagot
Si propeta Elias ay isa sa pinakainteresante at makulay na tauhan sa Bibliya na ginamit ng Diyos sa isang mahalagang yugto ng kasaysayan ng Israel para labanan ang masamang haring si Acab at manguna sa pagpapanibagong sigla sa pananampalataya ng mga Israelita. Ang ministeryo ni Elias ay nagmarka dahil sa ito ang simula ng katapusan ng pagsamba kay Baal sa Israel. Puno ng kaguluhan ang buhay ni Elias. May mga sandaling siya ay matapang at malakas ang loob at may mga panahon naman na siya ay duwag at tila hindi makapagdesisyon. Parehong ipinakita sa kanyang buhay ang tagumpay at kabiguan, at pagkatapos ay ang pagbangon. Naranasan ni Elias ang kapangyarihan ng Diyos maging ang lalim ng kanyang depresyon.
Si Elias, na ang kahulugan ng pangalan ay "ang Diyos ang aking Panginoon," ay nagmula sa Tishbeh sa Galaad, ngunit walang nabanggit tungkol sa kanyang pamilya o kapanganakan. Una nating nabasa si Elias sa 1 mga hari 17:1 ng bigla siyang lumabas para hamunin si haring Acab, isang masamang hari na naghari sa kaharian sa hilaga mula noong 874 hanggang 853 BC. Inihula ni Elijas na isang tag-tuyot ang darating sa buong bansa bilang hatol ng Diyos sa kasamaan ni Acab (1 Hari 17:1–7). Sa babala ng Diyos, nagtago si Elias malapit sa isang bukal sa Cherith kung saan siya pinakain ng mga uwak. Habang lumalala ang tag-tuyot at tag-gutom sa buong lupain, nakilala ni Elias ang isang balo sa katabing bayan at dahil sa kanyang pagsunod sa kahilingan ni Elias, pinagkalooban siya, ang kanyang anak na lalaki at si Elias ng Diyos ng sapat na pagkain. Mahimalang hindi naubusan ng harina at hindi natuyuan ng langis ang lalagyan ng balo (1 Hari 17:8–16). Ang aral para sa ating mga mananampalataya ay kung lalakad tayo sa Panginoon at susunod sa Kanya, magiging bukas tayo sa Kanyang kalooban. At kung sinusunod natin ang Kanyang kalooban, kakatagpuin Niya ang ating mga pangangailangan, at hindi magkukulang ang Kanyang kahabagan sa atin magpakailanman.
Kasunod nito makikita natin si Elias bilang pangunahing tauhan sa isang paghaharap kalaban ang mga propeta ng diyus-diyusang si Baal sa bundok ng Carmelo (1 Hari 18:17-40). Tinawag ng mga propeta si Baal buong maghapon para magpadala ng apoy mula sa langit ngunit hindi ito tumugon. Pagkatapos nagtayo si Elias ng isang altar na gawa sa bato, humukay ng kanal sa palibot nito at inilagay ang handog sa ibabaw at pinabuhusan ng tubig ng tatlong beses ang handog. Tumawag si Elias sa Diyos at agad nagpadala ang Diyos ng apoy mula sa langit, sinunog ang handog at ang kahoy at pinatuyo ang tubig sa kanal ng altar. Pinatunayan ng Diyos na higit Siyang makapangyarihan kaysa sa mga diyus-diyusan. Pagkatapos, pinagpapatay ni Elias at ng mga tao ang mga bulaang propeta ni Baal bilang pagsunod sa utos ng Diyos sa Deuteronomio 13:5.
Pagkatapos ng malaking tagumpay laban sa mga bulaang propeta, muling umulan sa buong lupain (1 Hari 18:41-46). Gaynuman, sa kabila ng tagumpay, nanghina ang pananampalataya ni Elias at dumanas siya ng depresyon (1 Hari 19:1-18). Sinabi ni Acab sa kanyang asawang si Jezebel ang pagpapakita ng Diyos ng Kanyang kapangyarihan. Sa halip na bumaling sa Diyos, sumumpa si Jezebel na papatayin si Elias. Nang malaman ang tungkol dito, tumakas si Elias sa ilang kung saan nanalangin siya sa Diyos na kunin na ang kanyang buhay. Ngunit pinanumbalik ng Diyos ang sigla at lakas ni Elias at pinadalhan ito ng pagkain, inumin at pinagpahinga. Pagkatapos, naglakbay si Elias ng 40 araw at 40 gabi patungong bundok ng Horeb. Doon, nagtago si Elias sa isang kuweba na nalulungkot pa rin at nagpahayag ng kawalan ng pananampalataya sa pagsasabing nagiisa na lamang siya at iniwan na siya ng ibang mga propeta ng Diyos. Noon sinabi sa kanya ng Diyos na tumayo sa bundok habang dumadaan ang Diyos. Nagkaroon ng malakas na hangin, isang lindol, at pagkatapos ay apoy, ngunit wala sa mga iyon ang Diyos. Pagkatapos, nagkaroon ng katahimikan at nakarinig si Elias ng isang maliit na tinig mula sa Diyos na kanya namang naunawaan. Tinagubilinan ng Diyos si Elias sa kanyang susunod na gagawin, ang pagpapahid ng langis kay Eliseo bilang kanyang kahalili at sa pagtiyak na mayroon pang natitirang pitong libo sa Israel na hindi sumamba kay Baal. Sinunod ni Elias ang utos ng Diyos. Naging katulong ni Elias si Eliseo ng ilang panahon at nagpatuloy ang dalawa sa pakikipagusap kay Acab at Jezebel gayundin sa anak at kahalili ni Acab sa trono na si haring Ahasias. Sa halip na mamatay sa natural na paraan, iniakyat si Elias ng buhay sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo (2 Hari 2:1-11).
Ang ministeryo ni Elias ay may marka ng "espiritu at kapangyarihan ni Elias" (Lukas 1:17), at ginanap ang hula sa Malakias 4:5–6. Ginamit ni Santiago ang panalangin ni Elias bilang modelo ng isang mabisang panalangin sa Santiago 5:17–18. Sinabi niya na si Elias "ay isang tao na tulad din natin," ngunit nanalangin siya na huwag umulan at hindi nga umulan. Pagkatapos, nanalangin siya na umulan, at umulan nga. Ang kapangyarihan ng panalangin ay nasa Diyos, wala sa atin bilang tao.
Kung paanong totoo para kay Elias, kung itutuon natin ang ating pansin sa mga kaguluhan ng buhay sa mundong ito, mawawala ang ating atensyon sa Panginoon at panghihinaan tayo ng loob. Ipinapakita ng Diyos ang kanyang makapangyarihang mga gawa at paghatol sa hangin, apoy at lindol. Ngunit nakikipag-ugnayan din siya sa atin sa isang malapit at personal na paraan, gaya ng isang mahinang bulong. Kinakatagpo ng Diyos ang ating mga pisikal na pangangailangan, pinalalakas ang ating loob at sinusuri ang ating isip at pamumuhay, tinuturuan tayo kung paano magpapatuloy at tinitiyak sa atin na hindi tayo nagiisa. Kung nakikinig tayo ng mainam sa tinig ng Diyos at lumalakad sa pagsunod sa Kanyang mga salita, magkakaroon tayo ng kalakasan, tagumpay at gantimpala. Nakipaglaban si Elias sa pangkaraniwang kahinaan ng tao, ngunit makapagyarihan siyang ginamit ng Diyos. Maaaring hindi sa pamamagitan ng mga mahimalang paraan tayo gagamitin ng Diyos, ngunit kung magpapasakop tayo sa Kanya, magagamit din Niya tayo sa makapangyarihang paraan para sa layunin ng Kanyang kaharian.
English
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Elias?