settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Eliseo?

Sagot


Si Eliseo na ang kahulugan ng pangalan ay "Ang Diyos ang aking kaligtasan," ay ang kahalili ni Elias bilang propeta sa Israel (1 Hari 19:16, 19–21; 2 Hari 5:8). Tinawag siya upang sumunod kay Elias sa 1 Hari 19:19, at ginugol ang ilang taon bilang katulong ng propeta hanggang iakyat ito sa langit. Nang panahong iyon, sinimulan ni Eliseo ang kanyang ministeryo na tumagal ng 60 taon sa panahon ng paghahari nina Joram, Jehu, Jehoahas at Joas.

Ang unang pagtawag kay Eliseo ay isang pagtuturo. Pagkatapos ng pagpapakita ng Diyos ng Kanyang dakilang kapangyarihan laban sa mga propeta ni Baal at pag-ulan pagkatapos ng mahabang taon ng tag-tuyot, hinanap ni Reyna Jezebel si Elias para patayin. Natatakot na tumakas si Elias. Pinalakas siya ng isang anghel at inihanda para sa isang apatnapung araw na paglalakbay patungong bundok ng Horeb. Doon, ipinagtapat ni Elias sa Diyos ang kanyang saloobin na siya na lamang nag natitirang tapat na propeta sa Israel. Sinabihan ng Dios si Elias na bumalik sa Israel, pahiran ng langis si Azael bilang hari ng Aram, si Jehu bilang hari ng Israel, at si Eliseo bilang kahalili niya bilang propeta. Sinabi ng Diyos kay Elias, "Ang makaligtas sa tabak ni Hazael ay papatayin ni Jehu. Ang makaligtas naman sa tabak ni Jehu ay papatayin ni Eliseo" (1 Hari 19:17). Muli din tiniyak ng Diyos kay Elias na may natitira pang pitong libo sa Israel na hindi sumamba kay Baal.

Sinunod ni Elias ang utos ng Diyos at nakita niya si Eliseo na nagaararo gamit ang dalawang baka. Isinuot ni Elias ang kanyang balabal kay Eliseo—isang tanda na ibinibigay niya ang kanyang responsibilidad kay Eliseo. Iniwan ni Eliseo ang mga baka at patakbong sinundan si Elias. Hiniling lamang ni Eliseo na makapagpaalam sa kanyang pamilya at pagkatapos ay babalikan si Elias. Pagbalik ni Eliseo, pinatay niya ang kanyang mga baka at sinunog ang kanyang araro, ibinigay ang karne sa mga tao, pagkatapos ay sumunod kay Elias bilang kanyang alipin. Agad na tumugon si Eliseo sa tawag ng Diyos. Ganap niyang isinuko ang kanyang dating buhay—nagdaos ng isang selebrasyon at inalisan ang sarili ng pagpipilian. Hindi lamang iniwan ni Eliseo ang kanyang dating buhay, naging isang alipin din siya sa kanyang bagong buhay (1 Hari 19:21).

Tila ang pag-ibig ni Eliseo kay Elias ay tulad sa isang ama. Tumanggi siyang iwanan si Elias bago kunin ng Diyos ang huli paakyat sa langit, sa kabila ng pagsasabi ni Elias na huwag siyang susunod. Pinahintulutan ni Elias si Eliseo na manatiling kasama niya at humiling si Eliseo ng isang kahilingan na hihingin ng sinumang alipin bago siya umalis. Hiniling ni Eliseo ang dobleng bahagi ng espiritu ni Elias. Hindi ito isang sakim na kahilingan kundi isang kahilingan na nagpapahiwatig na nais ni Eliseo na ituring siya ni Elias bilang isang anak. Sinabi ni Elias na kung makikita siya ni Eliseo habang umaakyat sa langit, ibibigay ng Diyos ang kanyang kahilingan. Nakita nga ni Eliseo ang karwaheng apoy at ang mga kabayong apoy na kumuha kay Elias at nakita niya si Elias na iniakyat sa langit ng isang ipu-ipo. Pinulot ni Eliseo ang balabal ni Elias at naglakad sa ilog Jordan. Pinalo ni Eliseo ng balabal ni Elias ang tubig at nahati iyon gaya ng dating ginawa ni Elias. Nasaksihan ito ng ibang mga propeta at kinilala nila na sumasa-kay Eliseo ang espiritu ni Elias. Gaya ng sinabi ng Diyos, si Eliseo na ngayon ang Kanyang tagapagsalita sa mga tao (2 Hari 2:1–18).

Gaya ng sinabi ng Diyos kay Elias sa bundok, sa panahon ni Eliseo matatapos ang organisadong pagsamba ng mga Israelita kay Baal (2 Hari 10:28). Sa kanyang ministeryo, naglakbay si Eliseo sa maraming lugar at naglingkod bilang tagapayo ng mga hari, kasama ng mga karaniwang tao, at isang kaibigan ng mga Israelita at ng mga dayuhan.

Maraming kilalang tala ng paglilingkod ni Eliseo bilang isang propeta. Pinalinaw niya ang tubig sa Jerico (2 Hari 2:19–21) at kinutya ng mga kabataan na kanyang isinumpa na nagresulta naman sa kanilang kamatayan sa pamamagitan ng pagsila ng mga oso (2 Hari 2:23–25). Pinarami niya ang langis ng isang babaeng balo (2 Hari 4:1–7). Nanghula siya para sa isang anak ng isang mayamang Sunamita na nagpatuloy sa kanya at binuhay ang namatay nitong anak pagkatapos (2 Hari 4:8–37). Inalis din ni Eliseo ang lason sa isang lugaw na nasa isang palayok ; (2 Hari 4:38–41) at pinarami ang dalawampung tinapay para magpakain ng isandaang tao (2 Hari 4:42–44). Pinagaling niya sa ketong si Naaman (2 Hari 5) at pinalutang ang ulo ng hiniram na palakol (2 Hari 6:1–7). Ang mga himala ni Eliseo ay karaniwang mga gawa ng pagtulong at pagpapala sa iba. Ang iba niyang mga himala ay katulad ng mga himala ni Cristo gaya ng pagpaparami sa pagkain (Mateo 16:9–10) at pagpapagaling sa mga ketongin (Lukas 17:11–19).

Pinayuhan din ni Eliseo ang mga hari ng Israel. Isang insidente ang naganap kung saan nagbabala si Eliseo sa hari tungkol sa mga pagkilos ng hari ng Aram. Nang malaman ng hari ng Aram na si Eliseo ang sumira sa kanyang plano, sinikap nitong hulihin ang propeta. Nang makita ni Gehazi na alipin ni Eliseo ang paparating na mga kawal Arameo, natakot ito. Ngunit sinabi sa kanya ni Eliseo na hindi siya dapat matakot dahil "Mas marami tayong kakampi kaysa kanila." At siya'y nanalangin, "Yahweh, buksan po ninyo ang kanyang paningin nang siya'y makakita." Pinakinggan ni Yahweh ang kanyang panalangin at nakita ng katulong ni Eliseo na ang bundok ay punung-puno ng mga kabayo at karwaheng apoy na nakapaligid kay Eliseo" (2 Hari 6:16–17). Maaalala kung paanong nakita ni Eliseo ang parehong mga karwaheng apoy ng kunin Si Elias paakyat sa langit. Pagkatapos, nanalangin si Eliseo na bulagin ng Diyos ang mga Arameo. Inihatid ni Eliseo ang mga Arameo sa Samaria bago niya hiniling na ibalik ng Diyos ang kanilang paningin. Inisip ng hari ng Israel na patayin ang mga bihag ni Eliseo ngunit pinayuhan siya ni Eliseo na ipaghanda sila ng makakain. Pagkatapos nilang kumain, pinabalik ni Eliseo ang mga kawal Arameo sa kanilang hari at tumigil ang Aram sa pagsalakay sa Israel. Nanghula din si Eliseo ng iba pang mga pangyayari na may pambansa at pang buong mundong kahalagahan sa Israel at Siria.

Si haring Joas ang naghahari sa Israel ng mamatay si Eliseo. Binisita ng hari si Eliseo ng magkasakit ito at nanangis para sa kanya. Inutusan ni Eliseo si Joas na kumuha ng palaso at pakawalan iyon sa bintana. Pagkatapos na gawin iyon ni haring Joas, sinabi sa kanya ni Eliseo na iyon ang palaso ng tagumpay ng Diyos laban sa Aram. Pagkatapos sinabi ni Eliseo sa hari na panain ang lupa ngunit tumigil agad si Joas pagkatapos pumana ng tatlong beses. Nagalit si Eliseo. Kung pumana si Joas ng lima o anim na beses, ganap nitong matatalo ang Aram ngunit matatalo lamang niya ito ng tatlong beses (2 Hari 13:14–19).

Tungkol sa kamatayan ni Eliseo, simpleng sinasabi sa 2 Hari 13:20, "namatay si Eliseo at inilibing." Ngunit nagpatuloy ang talata para itala ang tungkol sa mga Moabita na sumasalakay sa Israel tuwing tagsibol: "Minsan, may mga Israelitang naglilibing ng isang lalaki. Walang anu-ano, may natanawan silang pangkat ng mga tulisan na palapit sa kanila. Kaya't sa pagmamadali ay naitapon na lamang nila ang bangkay sa libingan ni Eliseo. Nang ito'y sumayad sa kalansay ni Eliseo, nabuhay ang bangkay at bumangon" (2 Hari 13:21). Makikitang pinili ng Diyos na ipakita ang Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ni Eliseo maging pagkatapos ng kanyang kamatayan.

Binanggit ni Jesus si Eliseo sa Lukas 4:27. Noong tanggihan si Jesus sa Nazareth, sinabi Niya sa kanila, "walang propetang iginagalang sa kanyang sariling bayan" (Lukas 4:24). Sinabi ni Jesus na maraming ketongin sa Israel noong panahon ni Eliseo, ngunit ang pinagaling niya ay si Naaman na isang taga Siria.

Ang pagaaral sa buhay ni Eliseo ay magpapakita ng kanyang kapakumbabaan (2 Hari 2:9; 3:11), ng kanyang hindi matatawarang pag-ibig sa kanyang mga kababayan (2 Hari 8:11—12), at ng kanyang katapatan sa pang-habambuhay na ministeryo. Masunurin si Eliseo sa tawag ng Diyos at sumunod kay Elias ng buong tapat at walang pagpapaliban. Maliwanag na sumampalataya at nagtiwala sa Diyos si Eliseo. Hinanap ni Eliseo ang Diyos at sa pamamagitan niya, gumawa ang Diyos ng mga makapangyarihang gawa.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Eliseo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries