Tanong
Paano nakakaapekto ang kasalanan sa sangkatauhan?
Sagot
Ang kasalana’y pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan niya. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala” (Roma 5:12). Marami at malalim ang epekto ng pagkakasala ng tao. Naapektuhan ng kasalanan ang bawat aspeto ng ating pagkatao. Naapektuhan nito ang ating buhay sa mundo at ang ating walang hanggang destinasyon sa hinaharap.
Isa sa mga pangunahing epekto ng kasalanan ay ang pagkahiwalay ng sangkatauhan sa Diyos. Sa Hardin ng Eden, may perpektong pakikipag-isa at pakikipag-ugnayan sa Diyos sina Adan at Eba. Ngunit nagrebelde sila laban sa Kanya at dahil ditto, ang kanilang pakikipag-ugnayan sa isa’t isa ay nasira. Nang kanilang malaman na sila ay nagkasala, sila ay nahiya at nagtago sa Diyos (Genesis 3:8-10), at simula noon ay lagi nang nagtatago ang tao sa Diyos. Tanging sa pamamagitan ni Kristo lamang maaaring manumbalik ang dating pakikipag-ugnayan ng Diyos sa tao. Pinaging matuwid at pinawalang sala tayo ni Kristo sa mata ng Diyos katulad nina Adan at Eba bago sila nagkasala. "Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, siya’y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya" (2 Corinto 5:21).
Dahil sa pagkakasala ng tao, ang kamatayan ay naging realidad at ang lahat ng nilikha ay napasailalim dito. Lahat ng tao, hayop, mga puno at halaman ay namamatay na. Ang “sangnilikha ay dumaraing sa paghihirap" (Roma 8:22) at naghihintay sa oras kung kailan babalik si Kristo upang palayain ang sangnilikha mula sa mga epekto ng kasalanan. Dahil sa kasalanan, ang kamatayan ay isang hindi maiiwasang katotohanan at walang kahit isa ang maaaring makaligtas mula dito. "Sapagka't kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon" (Roma 6:23). Ang mas mas masaklap, hindi lamang tayo mamamatay, ngunit kung tayo ay mamatay nang wala kay Kristo, mararanasan natin ang kamatayang walang hanggan sa apoy ng impiyerno.
Ang isa pang epekto ng pagkakasala ng tao ay pagkawala ng kamalayan ng tao sa layunin ng Diyos kung bakit siya nilikha. Ang sukdulan at pinakamataas na layunin ng buhay ng tao ay ang luwalhatiin ang Diyos at magpakasaya sa kanyang piling magpakailanman (Roma 11:36; 1 Corinto 6:20; 1 Corinto 10:31; Awit 86: 9). Samakatuwid, ang pag-ibig sa Diyos ay ang kaibuturan ng lahat ng kabutihan at moralidad. Ang kabaligtaran nito ay ang pagiging makasarili. Ang pagiging makasarili ang pinakamataas na antas ng pagkakasala ng tao at ang iba pang mga krimen sa Diyos ay kasunod nito. Madalas nating ipinagmamalaki ang ating mga sarili at ang ating mga magagandang katangian at mga ginagawa. Minamaliit natin ang ating mga pagkukulang. Naghahangad tayo ng espesyal na atensyon at mga pagkakataon sa buhay at ng mga bagay na hindi pa nakakamit ng iba. Nagpapamalas tayo ng maigting na pagbabantay sa ating sariling kagustuhan at pangangailangan habang hindi natin pinapansin ang mga pangangailangan ng ibang tao. Sa madaling salita, itinataas natin ang ating mga sarili sa pedestal, at inaangkin ang mga bagay na para sa Diyos.
Noong pinili ni Adan na maghimagsik laban sa kanyang Manlilikha, nawala ang kanyang kawalang malay sa mabuti at masama, nakamit ang parusa ng pisikal at espiritwal na kamatayan, at ang kanyang isip ay napasailalim sa kasalanan. Gayon din ang nangyari sa kaisipan ng kanyang mga anak at sumunod na lahi. Sinabi ni apostol Pablo tungkol sa mga pagano, "Sapagkat ayaw nilang kumilala sa Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa kanilang masamang pag-iisip at sa mga di tumpak na asal." (Roma 1:28). Sinabi niya sa mga taga Corinto na, "Hindi sila sumasampalataya, sapagkat ang kanilang isip ay binulag ng daigdig na ito. Sila ay binulag nito upang hindi nila makita ang liwanag ng Mabuting Balita tungkol sa kaningningan ni Kristo na siyang larawan ng Diyos" (2 Corinto 4: 4). Sinabi ni Hesus, "Ako’y naparito bilang ilaw ng sanlibutan, upang hindi manatili sa kadiliman ang nananalig sa akin" (Juan 12:46). Ipinaalala ni Pablo sa mga taga Efeso, "Dati, nasa kadiliman kayo, ngunit ngayo’y nasa liwanag sapagkat kayo’y sa Panginoon" (Efeso 5: 8). Ang layunin ng kaligtasan ay "upang imulat ang kanilang mga mata [ng mga hindi mananampalataya] at upang ibalik sila sa kaliwanagan mula sa kadiliman, at sa Diyos mula sa kapangyarihan ni Satanas” (Gawa 26:18).
Ang pagkakasala ng tao ay nagdulot sa sangkatauhan ng pagkabulok. Binanggit ni Pablo ang tungkol sa mga tao "na ang mga budhi’y may tatak ng pagiging alipin ni Satanas" (1 Timoteo 4:2) at mga taong ang isip ay nasa ilalim ng espiritwal na kadiliman bilang resulta ng pagtanggi sa katotohanan (Roma 1:21). Sa kalagayang ito, ang tao ay lubos na walang kakayahan sa paggawa o pagpili ng mga bagay na katanggap-tanggap sa Diyos, bkung hindi dahil sa Kanyang banal na biyaya. "Sapagkat kalaban ng Diyos ang sinumang nahuhumaling sa mga bagay ukol sa laman. Hindi siya sumusunod sa kautusan ng Diyos, at hindi niya kayang sumunod" (Roma 8:7).
Kung hindi sa sa pamamagitan ng pagbuhay ng Banal na Espiritu sa espiritu ng tao, ang lahat ng tao ay mananatili sa kanilang makasalanang kalagayan. Ngunit dahil sa Kanyang biyaya, awa at kahabagan, ipinadala ng Diyos ang Kanyang Anak upang mamatay sa krus at akuin ang parusa para sa ating mga kasalanan, upang muling ibalik tayo sa Diyos at gawing posible ang pagkakaroon ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya. Ang mga bagay na nawala dahilan sa pagkakasala ng tao ay muling nabawi doon sa Krus ng kalbaryo.
English
Paano nakakaapekto ang kasalanan sa sangkatauhan?