settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Espiritismo (Spiritism)?

Sagot


Ito ang pakahulugan ng tagapagtatag ng Espiritismo (spiritism) na si Allen Kardec: "Ito ay isang siyensya patungkol sa relasyon sa pagitan ng mga nilalang na walang katawan at ng mga tao." Si Kardec ay isang gurong Pranses na ang tunay na pangalan ay Hippolyte Leon Denizard Rivail. Si Kardec ang nagpaliwanag sa Kardecist Spiritualism Doctrine, na layuning pagaralan ang mga espiritu—ang kanilang pinagmulan, kalikasan at hantungan, at ang relasyon nila sa pisikal na mundo. Naging isang popular na kilusan ang Epiritismo at ngayon ay nasa 35 bansa. Sinulat din ni Kardec ang The Spirits' Book sa pagtatangka na ipakita ang pagkakaiba ng Espiritismo sa Espiritwalismo.

Ang pangunahing ideya ng Espiritismo ay naglalakbay diumano ang mga imortal na espiritu mula sa katawan ng isang tao patungo sa isa pang tao sa loob ng ilang buhay sa lupa upang mapaunlad ang sarili sa aspetong moral at intelektwal. Habang may pagkakapareho ang paniniwalang ito sa reinkarnasyon, naiiba ito dahil ayon sa Espiritismo, hindi maaaring bumalik ang espiritu ng tao bilang mga hayop o sa mas mababang anyo ng buhay. Ang paglipat ng espiritu ay laging pataas at lagi silang tumitira sa katawan ng tao. Naniniwala ang mga espiritista na ito ang paliwang sa pagkakaiba sa temperamento at talino ng tao. Inaangkin din ng mga espiritista na ang mga espiritung walang katawan ay maaaring may maganda o masamang epekto sa mga nabubuhay at maaaring makipagusap ang mga espiritu sa mga nabubuhay sa pamamagitan ng mga daluyan (medium) at mga panayam (séances). Tinanggap ang Espiritismo noong ika-19 siglo, kasama ang modernismo na kasang-ayon ang pilosopiya sa maraming aspeto, lalo na sa paniniwala na kaya ng tao na patuloy na umunlad sa pamamagitan ng makatwirang pagiisip. Sikat na Espiritista si Sir Arthur Conan Doyle at ang kanyang asawa.

Hindi isang relihiyon ang Espiritismo kundi isang pilosopiya at "paraan ng pamumuhay," ayon sa mga Espiritista. Wala silang ministro at ang mga pagpupulong ay kinapapalooban ng pagbabahaginan ng ideya tungkol sa mga espiritu at kung paano sila kumikilos sa mundo na nagresulta sa pagpapahalaga sa mga pagsisiyasat sa siyensya ng higit sa pagsamba o pagsunod sa mga alituntunin bagama't pinahahalagahan pa rin ang moralidad at pagaaral at pagpapaunlad ng kaalaman.

Maliwanag na ipinagbabawal ng Bibliya ang Espiritismo. Hindi dapat na makipagugnayan ang mga anak ng Diyos sa mga espiritu. Ipinagbabawal ng Diyos ang mga sesyon ng espiritismo at pakikipagusap sa kaluluwa ng mga namatay (Levitico 19:31; 20:6; Galacia 5:20; 2 Cronica 33:6). Ang pagtatago ng Espiritismo sa likod ng "siyensya" ay hindi makakatulong. Ang mga espiritu na pinagaaralan ng mga Espiritista ay hindi espiritu ng mga tao; sinasabi ng Bibliya na hinuhukuman ang mga espiritu ng tao pagkatapos nilang mamatay (Hebreo 9:27), at walang kahit anong itinuturo ang Kasulatan na bumabalik ang mga espiritu sa mundo ng mga tao sa anumang kadahilanan at anumang anyo at paraan. Alam natin na mandaraya si Satanas (Juan 8:44). Ito ang matalinong konklusyon mula sa Kasulatan patungkol sa Espiritismo: Ang anumang "pakikipagugnayan sa mga espiritu" ng mga yumao sa totoo ay aktwal na "pakikipagugnayan sa mga demonyo" (Pahayag 12:9). Hindi sang-ayon sa Bibliya ang Espiritismo at napakamapanganib nito. "Kayo'y maging mapagpigil, kayo'y maging mapagpuyat; ang inyong kalaban na diablo, na gaya ng leong umuungal, ay gumagala na humahanap ng masisila niya" (1 Pedro 5:8).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Espiritismo (Spiritism)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries