Tanong
Ano ang espiritu ng sanlibutan?
Sagot
Ang pariralang espiritu ng sanlibutan ay isang terminolohiya na ginamit ni apostol Pablo sa 1 Corinto 2:12 kung saan ikinumpara niya ang espiritu ng sanlibutan sa espiritu ng Diyos: “Ang tinanggap natin ay hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang Espiritu na mula sa Diyos upang maunawaan natin ang mga kaloob niya sa atin.”
Bilang kasalungat ng espiritu ng sanlibutan, ang Banal na Espiritu ang nagbibigay ng tunay na karunungan sa mananampalataya. Binibigyan tayo ng Banal na Espiritu ng kakayahan na tumanggap at makaunawa sa mga “nakatago at sikretong karunungan ng Diyos” (1 Corinto 2:7). Tanging ang Espiritu lamang ng Diyos ang makakapaghayag ng mga espiritwal na katotohanan dahil ang Kanyang Espiritu lamang ang nakakaalam ng “malalalalim na mga bagay ng Diyos” (1 Corinto 2:10).
Ang espiritu ng sanlibutan ay maaaring maunawaan sa isa sa tatlong paraan: Sa isang interpretasyon, ang espiritu ng sanlibutan ay isang espiritu ng demonyo o maaaring ni Satanas sa partikular. Sa ilang bahagi ng kasulatan, tinatawag si Satanas na “pinuno ng sanlibutang ito” (Juan 12:31; 14:30; 16:11) at “ang diyos ng sanlibutang ito” (2 Corinto 4:4). Siya ang “pinuno ng mga kapangyarihan sa himpapawid, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos” (Efeso 2:2).
Ipinapanukala ng iba na hindi isang masamang espiritu ang tinutukoy ni Pablo sa halip, ang pananaw o kaisipan na laban sa Espiritu ng Diyos—ito ay ang makasalanang disposisyon ng sangkatauhan, na maaaring tawaging isang espiritu ng paglaban, kasakiman, pagmamataas, at kasinungalingan. Ang ikatlong pananaw ay, ito ay karunungan ng tao sa pangkalahatan o ang pangunahing proseso ng pangunawa ng tao na gaya ng ipinapakita ng makamundong pilosopiya at makamundong karunungan.
Ginawang kahangalan ng Diyos ang makamundong karunungan: “Ano ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, ng mahuhusay na debatista sa kapanahunang ito? Ipinapakita ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay pawang kahangalan lamang. Sapagkat ayon sa karunungan ng Diyos, hindi niya pinahintulutang siya'y makilala ng tao sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Sa halip, minarapat niyang iligtas ang mga nagpapasakop sa kanya sa pamamagitan ng Magandang Balita na aming ipinapangaral, na sa tingin ng iba'y isang kahangalan” (1 Corinto 1:20–21). Mula sa isang makatao at makamundong pananaw, isang kahangalan ang sumampalataya kay Jesu Cristo bilang daan sa kaligtasan.
Ang espiritu ng sanlibutan ay nagbubulid sa kahangalan dahil ang karunungan ng tao ay hindi nakadepende sa tunay na karunungan ng Diyos. May pagkahilig ang karunungan ng tao na magmalaki sa harapan ng Diyos; ito ay mapagmataas. Tinatanggihan ng karunungan ng tao ang persona at gawain ni Cristo na siyang “Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos” (1 Corinto 1:24). Kinikilala ng tunay na karunungan mula sa Espiritu ng Diyos na ating tinanggap na ang ating kaligtasan ay dahil lamang sa biyaya ng Diyos: “Subalit pinili ng Diyos ang mga naturingang hangal sa sanlibutan upang hiyain ang marurunong, at pinili niya ang mga naturingang mahihina upang hiyain ang malalakas. Pinili niya ang mga pangkaraniwang tao, mga hinahamak, at mga mahihina sa sanlibutang ito upang ipawalang saysay ang mga kinikilala ng sanlibutan. Kaya't walang sinumang makakapagmalaki sa harap ng Diyos. Sa kanya nagmula ang buhay na taglay ninyo dahil sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo Jesus na siyang ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan din niya, tayo'y itinuring na matuwid, ginawang banal at iniligtas ng Diyos. Kaya nga, tulad ng nasusulat, “Ang sinumang nais magmalaki, ang ginawa ng Panginoon ang kanyang ipagmalaki” (1 Corinto 1:27–31).
Bagama’t inaangkin ng mga mananampalataya sa Corinto na sila ay malago sa pananampalataya, ang totoo, nagpapakita sila ng kababawan sa pananampalataya dahil sa kanilang pagmamataas at pagkakabaha-bahagi. Tinuruan sila na Pablo na para maging tunay na malago sa pananampalataya, dapat nilang iwaksi ang kanilang pagtitiwala sa karunungan ng tao (ang espiritu ng sanlibutan) para sa dalisay na karunungan ng Banal na Espiritu. Hindi kayang maunawaan ng mga mananampalataya ang kahanga-hanga at nakatagong kayamanan na kanilang tinanggap sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang natural na karunungan bilang tao.
English
Ano ang espiritu ng sanlibutan?