settings icon
share icon
Tanong

Ano ang espiritu ng tao?

Sagot


Ang espiritu ng tao ay ang hindi nakikitang sangkap ng tao. Sinasabi sa Bibliya na ang espiritu ng tao ang mismong hininga ng Diyos na inihinga Niya sa tao: “At nilalang ng Panginoong Dios ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay” (Genesis 2:7). Ang espiritu ng tao ang nagbibigay ng kamalayan sa kanyang sarili at ng iba pang kahanga-hanga, bagamat limitadong katangian na ‘gaya ng sa Diyos.’ Ang espiritu ng tao ay kinapapalooban ng katalinuhan, emosyon, takot, pagnanasa at pagiging malikhain. Ang ating espiritu din ang nagbibigay sa atin ng natatanging kakayahan na makaunawa (Job 32:8, 18).

Ang mga salitang espiritu at hininga ay mga salin ng salitang Hebreong ‘neshamah’ at salitang Griyegong ‘pneuma.’ Ang mga salitang ito ay nangangahulugang ‘malakas na hangin,’ ‘pagsambulat’ o ‘inspirasyon.’ Ang ‘Neshamah’ ay pinanggalingan ng buhay na nagbibigay buhay sa sangkatauhan (Job 33:4). Ito ang hindi nahihipo at hindi nakikitang espiritu ng tao na namamahala sa pagiral ng kanyang kaisipan at emosyon. Sinabi ni apostol Pablo, “Sapagka't sino sa mga tao ang nakakakilala ng mga bagay ng tao, kundi ang espiritu ng tao, na nasa kaniya?” (1 Corinto 2:11). Pagkatapos ng kamatayan, “babalik ang espiritu ng tao sa Diyos na nagbigay nito” (Mangangaral 12:7; tingnan din ang Job 34:14-15 at Awit 104:29-30).

Ang bawat tao ay may isang espiritu at ito ay kakaiba sa ‘espiritu,’ o buhay ng mga hayop. Ginawa ng Diyos na kakaiba ang tao sa mga hayop at ginawa Niya tayo sa ‘wangis ng Diyos’ (Genesis 1:26-27). Kaya nga, ang tao ay may kakayahang magisip, makadama, umibig, magdisenyo, lumikha at masiyahan sa musika at sining. At dahilan sa espiritu ng tao kaya tayo ay may ’malayang pagpapasya’’ na hindi ibinigay ng Diyos sa ibang mga nilalang sa mundo.

Napinsala ang espiritu ng tao dahilan sa kasalanan. Nang magkasala si Adan, ang kanyang kakayahan na makipag-ugnayan sa Diyos ay nasira; hindi siya namatay sa pisikal noong araw na iyon, ngunit namatay siya sa espiritwal. Mula noon, tinaglay na ng espiritu ng tao ang epekto ng pagbagsak ng tao sa kasalanan. Bago ang karanasan ng kaligtasan, ang isang tao ay patay sa espiritu (Efeso 2:1-5; Colosas 2:13). Ang relasyon natin kay Kristo ang nagbigay buhay sa ating mga espiritu at nagpapanibago dito araw araw (2 Corinto 4:16).

Kawiliwiling malaman na kung paanong ang espiritu ng tao ay inihinga ng Diyos sa unang tao, gayundin naman ang Banal na Espiritu ay inihinga sa mga unang alagad sa Juan 20:22: “At nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo’” (Juan 20:22; tingnan din ang Gawa 2:38). Binuhay si Adan sa pamamagitan ng hininga ng Diyos at tayo, bilang mga ‘bagong nilalang’ kay Kristo ay binuhay din sa espiritu sa pamamagitan ng ‘Hininga ng Diyos,’ ang Banal na Espiritu (2 Corinto 5:17; Juan 3:3; Roma 6:4). Nang ating tanggapin si Hesu Kristo, ang Banal na Espiritu ay nakipagisa sa ating espiritu sa paraan na hindi natin kayang lubos na maunawaan. Sinabi ni Apostol Juan, “Dito'y nakikilala natin na tayo'y nangananahan sa kaniya at siya'y sa atin, sapagka't binigyan niya tayo ng kaniyang Espiritu” (1 Juan 4:13).

Kung ang Espiritu ng Diyos ang nangunguna sa ating mga buhay, “Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Dios” (Roma 8:16). Bilang mga anak ng Diyos, hindi na tayo pinangungunahan ng ating sariling espiritu kundi ng Banal na Espiritu na Siyang magdadala sa atin sa buhay na walang hanggan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang espiritu ng tao?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries