settings icon
share icon
Tanong

Ano ang espiritwal na kaloob ng kahabagan?

Sagot


Sa sermon ni Hesus sa Bundok, binanggit ang isa sa mga katangian ng isang taong “mapalad:” “Mapapalad ang mga mahabagin: sapagka't sila'y kahahabagan” (Mateo 5:7). Ipinakikita natin ang kahabagan sa tuwing inuudyukan tayo ng Diyos na maging mahabagin sa ibang tao sa ating paguugali, salita at gawa. Higit ito sa pakiramdam ng pagkaawa sa isang tao; ito ay pag-ibig sa aksyon. Ang pagkakaroon ng habag ay ang pagnanais na tugunan ang agarang pangangailangan ng iba at pagnanais na pagaanin ang kanilang pagdurusa, kalungkutan at kabiguan. Kinakatagpo ng kahabagan ang pisikal, emosyonal, pinansyal at espiritwal na kabigatan sa diwa ng pagbibigay, pagsasakripisyo at paglilingkod ng may pagpapakasakit. Ang taong nahahabag ay nagmamalasakit sa mga mahihirap, mababa ang kalagayan sa lipunan, mga pinagsasamantalahan at kinalimutan ng lipunan.

Ang isang magandang halimbawa ng pagpapakita ng kahabagan ay matatagpuan sa Mateo 20:29–34: “At nang sila'y magsialis sa Jerico, ay sumunod sa kaniya ang lubhang maraming tao. At narito, ang dalawang lalaking bulag na nangakaupo sa tabi ng daan, pagkarinig nilang nagdaraan si Jesus, ay nangagsisigaw, na nagsisipagsabi, Panginoon, mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David. At pinagwikaan sila ng karamihan, upang sila'y magsitahimik: datapuwa't sila'y lalong nangagsisigaw, na nagsisipagsabi, Panginoon, mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David. At tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, Ano ang ibig ninyong gawin ko sa inyo? Sinabi nila sa kaniya, Panginoon, na mangadilat ang mga mata namin. At si Jesus, sa pagkahabag, ay hinipo ang kanilang mga mata, at pagdaka'y nagsitanggap sila ng kanilang paningin; at nagsisunod sa kaniya.” Pansinin na ang pagkaunawa ng dalawang lalaking bulag sa salitang kahabagan ay aksyon. Ang kanilang problema ay hindi sila nakakakita at para sa kanila ang pagpapakita ni Hesus ng Kanyang kahabagan ay ang pagpapanumbalik Niya sa kanilang paningin. Ang pagkahabag ay higit sa pakiramdam lamang; ito ay laging sinusundan ng mabuting gawa.

Ang kaloob na ito ang praktikal na aplikasyon ng aktibong paglilingkod gayundin ang responsibilidad na gumawa para sa iba ng may kasiyahan (Roma 12:8). Bilang karagdagan, tinatawag tayo ng Diyos na maging mahabagin. Sinabi ni Hesus sa Mateo 25:40 na “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.” Ipinangako sa Mateo 5:7 ang kahabagan ng Diyos para sa mga taong nahahabag sa iba. Bilang mga patay at bulag sa kasalanan, hindi tayo nakahihigit sa dalawang lalaking bulag sa Mateo 20. Gaya nila na lubusang nakadepende sa kahabagan ni Hesus upang ibalik ang kanilang paningin, nakadepende din tayo sa Kanya para sa ating kaligtasan: “Ipakita mo sa amin ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, at ipagkaloob mo sa amin ang iyong pagliligtas” (Awit 85:7). Ang pangunawang ito na nakasalalay ang ating pag-asa para sa kaligtasan tanging sa kahabagan lamang ni Hesus at hindi ito nakasalalay sa ating sariling gawa ang dapat na magudyok sa atin na sundan ang Kanyang halimbawa sa paglilingkod at magpakita ng kahabagan sa iba gaya ng kahabagang ipinakita at ipinadama Niya sa atin.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang espiritwal na kaloob ng kahabagan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries