Tanong
Ano ang espiritwal na kaloob ng salita ng karunungan at salita ng kaalaman?
Sagot
May tatlong listahan ng mga espiritwal na kaloob sa Kasulatan (Roma 12:6–8; 1 Corinto 12:4–11; at 1 Corinto 12:28), ngunit binanggit sa isa lamang listahan ang tinutukoy na salita ng karunungan at salita ng kaaalaman (1 Corinto 12:8). Maraming nalilito kung ano ba talaga ang dalawang kaloob na ito. Maaaring ang pinakamagandang paraan ay ilarawan kung ano hindi ang dalawang kaloob na ito.
May ilang Karismatiko/Pentecostal na nagsasabi na ang mga kaloob ng salita ng karunungan at salita ng kaalaman ay ang pagsasalita ng Banal na Espiritu sa isang mananampalataya sa pamamagitan ng isa pang mananampalataya habang nagbibigay ng kapahayagan ang Diyos tungkol sa isang desisyon o sitwasyon. May mga nagaakala na ang kaloob na ito ay katulad sa pagsasalita ng ganito: “May salita ako para sa iyo mula sa Panginoon.” Dahil sa ganitong pangunawa, inaangkin nila na nagsasalita sila para sa Diyos at ipinagpapalagay na dapat sundin ng sinabihan ang kanilang sinabi.
Ang ganitong maling pangunawa sa kaloob ng salita ng karunungan at salita ng kaalaman ay mapanganib dahil tinatanggihan nito ang doktrina ng kasapatan ng Kasulatan. Kung patuloy pa ring nagpapahayag ang Diyos ng Kanyang kalooban sa pamamagitan ng isang espesyal na kapahayagan sa isang indibidwal, tunay bang sapat ang Bibliya “Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti (2 Timoteo 3:17)?” Tunay bang ibinigay na ng Diyos ang lahat ng ating kailangan sa buhay at sa kabanalan (2 Pedro 1:3), kung kinakailangan ang ibang tao upang sabihin sa atin ang isang espesyal na kapahayagan mula sa Diyos? Hindi namin sinasabi na hindi na gumagamit ang Diyos ng tao upang ipaalam sa atin ang Kanyang kalooban, ngunit kung lagi nating kailangan ang direktang mensahe mula sa Diyos sa pamamagitan ng ibang tao upang maipamuhay ang kalooban ng Diyos, tunay bang sapat ang salita ng Diyos gaya ng inaangkin nito sa kanyang sarili?
Ngayon, kung ang salita ng karunungan at salita ng kaalaman ay hindi katulad ng panghuhula o direktang pagpapahayag ng kalooban ng Diyos, ano ang mga ito? Alam natin ang isang tiyak na bagay: ang mga kaloob na ito ay ibinigay ng Banal na Espiritu upang patibayin ang Iglesya para sa “kapakinabangan ng lahat na mananampalataya” (1 Corinto 12:7). Ang kaguluhan na laging nagaganap sa mga grupong nagsasagawa ng ganitong mga “kaloob” ay malinaw na nagsasaad na ang kanilang ginagawa ay hindi para sa kapakinabangan ng lahat. Ang mga salitang nakalilito, magulo at kadalasan ay salungat sa “mga salita ng Panginoon” ay hindi nanggagaling sa Diyos dahil hindi Siya Diyos ng kalituhan o kaguluhan (1 Corinto 14:33). Hindi rin nagpapatatag at nagiging sanhi ng pagkakaisa ang ginagawa ng mga nagsasanay nito sa halip nagiging sanhi ng paghihiwalay at problema sa Iglesya. Palaging ang salita ng karunungan at salita ng kaalaman na sinasanay ngayon ng ibang Iglesya ay nagagamit upang magkaroon ng kapangyarihan at impluwensya sa ibang tao at nagiging dahilan ng pagtingala at pagdepende ng mga mananampalataya sa isang nagaangkin na taglay ang mga kaloob na ito. Ang paggamit ng 2 kaloob na ito sa kasalukuyan ay malinaw na hindi sa Diyos.
Dahil sa mga naturang obserbasyon, iniaalok namin ang mga pakahulugang ito sa espiritwal na kaloob ng salita ng kaalaman at salita ng karunungan.
Ang Salita ng Karunungan – Ang katotohanan na ang kaloob na ito ay inilarawan bilang “salita” ay nagpapahiwatig na ito ay isa sa mga kaloob ng pagsasalita. Inilalarawan ng kaloob na ito ang isang mananampalataya na may kakayahang umunawa at magturo ng katotohanan mula sa Bibliya sa isang mahusay na kaparaanan na nailalapat ang Salita ng Diyos sa tamang mga sitwasyon sa buhay.
Ang Salita ng Kaalaman –Ito ay pangunawa sa katotohanan na kaakibat ang tamang pananaw na nanggagaling sa kapahayagan ng Diyos sa pamamagitan ng Bibliya. Ang mga may ganitong kaloob ay nakakaunawa ng malalalim na bagay ng Diyos at ng mga hiwaga ng Kanyang Salita at naipapahayag ang kanyang pangunawa at pananaw sa ibang mananampalataya.
English
Ano ang espiritwal na kaloob ng salita ng karunungan at salita ng kaalaman?