settings icon
share icon
Tanong

Ano ang espiritwal na kaloob ng pagpapagaling?

Sagot


Ang espiritwal na kaloob ng pagpapagaling ay isang hindi pangkaraniwang manipestasyon ng Espiritu ng Diyos sa mahimalang pagpapagaling sa mga maysakit at pagpapalaya sa tao mula sa mga karamdaman at kapansanan. Ito ang kapangyarihan ng Diyos na nagwawasak sa gawa ng kasalanan at/o ng demonyo sa katawan ng tao gaya ng ginawang pagpapagaling ng Panginoong Hesus at ng Kanyang mga alagad (Mateo 4:24; 15:30; Gawa 5:15-16; 28:8-9). Ang kaloob ng pagpapagaling na ibinigay sa Iglesya ay pangunahing binabanggit sa 1 Corinto 12, kung saan inilista ang mga espiritwal na kaloob.

Ang mga espiritwal na kaloob ay mga kapangyarihan, kakayahan, abilidad, o kaalaman na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu sa mga mananampalataya. Sinasabi ni Pablo sa Iglesya na ang layunin ng mga espiritwal na kaloob ay ang pagpapatatag sa mga mananampalataya para sa kaluwalhatian ng Diyos. Ibinigay ng Diyos ang mga espiritwal na kaloob upang Kanyang gamitin, ngunit sa Iglesya sa Corinto, ginagamit ang mga kaloob na tulad sa simbolo ng mataas na kalagayan o kaya naman ay upang ipakita ang kagalingan kaysa sa iba. Kapansin-pansin na tinutukoy ang “mga kaloob ng pagpapagaling” sa pangmaramihan na maaaring nangangahulugan na may iba’t ibang kaloob ng pagpapagaling. Ang mga kaloob ng pagpapagaling ay maaaring nangangahulugan ng malawak na kakayahan o abilidad. Maaaring ito ay mula sa mahimala at dramatikong pagpapagaling gaya ng pagpapalakad sa pilay, o kaya naman ay ang kaalaman sa medisina. Maaaring ito rin ay ang kakayahan na umunawa at magpakita ng pag-ibig sa iba sa kanilang mga emosyonal na karamdaman upang sila’y mapagaling.

Maraming mga debate tungkol sa paggamit sa espiritwal na kaloob ng pagpapagaling. May mga naniniwala na ang kaloob ng pagpapagaling at ang iba pang mga kaloob para sa mga apostol ay hindi na para sa kasalukuyang Iglesya, habang may mga naniniwala naman na aktibo pa rin ang mga kaloob ng pagpapagaling sa ating kapanahunan. Walang pagdududa na ang kapangyarihan upang magpagaling ng maysakit ay hindi nanggagaling sa mismong mga taong binigyan ng kaloob. Ang kapangyarihan upang magpagaling ay sa Diyos lamang nanggagaling. Bagamat nagpapagaling pa rin ang Diyos ngayon, naniniwala kami na ang kaloob ng pagpapagaling at paggawa ng mga himala ay para lamang sa mga apostol noong unang siglo ng Iglesya upang kumpirmahin ng Diyos sa mga tao na ang kanilang mensahe ay tunay na nagmula sa Kanya (Gawa 2:22; 14:3).

Gumagawa pa rin ng mga himala ang Diyos ngayon. Nagpapagaling pa rin ang Diyos ng mga maysakit ngayon. Walang makapipigil sa Diyos na magpagaling ng sinuman sa pamamagitan ng ministeryo ng isang tao. Gayunman, ang mahimalang kaloob ng pagpapagaling, bilang isang espiritwal na kaloob sa indibidwal ay tila hindi na gumagana sa kasalukuyan. Walang dudang maaaring kumilos ang Diyos sa anumang kaparaanan na kanyang nais, maaaring sa isang “normal” na kaparaanan ng pagpapagaling o maaaring sa pamamagitan ng isang himala. Ang atin mismong kaligtasan ay isang himala. Tayo noon ay patay sa kasalanan, ngunit gumawa ang Diyos sa ating mga buhay at ginawa tayong mga bagong nilalang (2 Corinto 5:17). Ito ang pinakadakilang kagalingan sa lahat.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang espiritwal na kaloob ng pagpapagaling?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries