settings icon
share icon
Tanong

Ano ang espiritwal na kaloob ng pagpapalakas ng loob?

Sagot


Ang kaloob ng pagpapalakas ng loob ay matatagpuan sa listahan ng mga espiritwal na kaloob sa sulat ni Pablo sa Roma 12:7–8. Ang salitang Griyego na isinalin sa salitang “pagpapalakas ng loob” ay paraklésis, na may kaugnayan sa salitang paraclete. Ang pangunahing kahulugan ng salitang Paraklésis ay “pagtawag sa tabi.”

Ipinapahiwatig ng salitang “Paraklésis” ang ideya ng pagdadala sa isang tao sa kanyang tabi upang “palakasin ang loob,” “payuhan,” pasayahin,” at “aliwin.” Ang lahat ng aksyong ito ang pakahulugan sa kaloob ng pagpapalakas ng loob. Halimbawa, laging hinihimok at pinapayuhan ni Apostol Pablo ang Kanyang mga mambabasa na isapamuhay ang isang bagay na kanyang itinuro. Ang isang magandang halimbawa ay ang Roma 12:1-2 kung saan hinimok ni Pablo ang mga taga-Roma na ihandog ang kanilang sarili bilang haing buhay at kalugod-lugod sa Diyos. Sa pagsasapamuhay nito, malalalaman nila at mauunawaan ang kalooban ng Diyos.

Kapuna-puna na ng makipagusap si Hesus sa Kanyang mga alagad noong gabing bago Siya hulihin, binanggit Niya ang Banal na Espiritu bilang “Katulong” o “Mangaaliw” (Juan 14:16, 26; 15:26), na siyang dahilan kung bakit tinutukoy ang Banal na Espiritu minsan bilang “Paraclete,” o ang Isa na tumatabi, humihimok at nagpapalakas ng loob.

Maaaring gamitin ng isang taong may kaloob ng pagpapalakas ng loob ang kaloob na ito sa publiko o sa pribadong sitwasyon. Napakahalaga ng pagpapalakas ng loob sa pagpapayo, pagdidisipulo, pagsasanay at pangangaral. Ang katawan ni Kristo ay napapatatag sa pananampalataya bilang resulta ng ministeryo ng mga taong pinagkalooban ng kaloob ng pagpapalakas ng loob.

Ang kaloob ng pagpapalakas ng loob ay kakaiba sa kaloob ng pagtuturo dahil ang pagpapalakas ng loob ay nakatuon sa praktikal na aplikasyon ng Bibliya sa buhay ng tao. Habang ang isang may kaloob ng pagtuturo ay nakatuon sa kahulugan at laman ng Salita, ang may kaloob naman ng pagpapalakas ng loob ay nakatuon sa paglalapat ng Salita ng Diyos sa buhay ng tao. Nakikinig siya sa ibang tao, sa indibidwal at sa mga grupo ng may pangunawa, simpatya, at positibong paggabay. Sinasabi ng nagtuturo, “Ito ang landas na dapat mong tahakin”; sinsabi naman ng nagpapalakas ng loob, “tutulungan kita sa pagtahak mo sa landas na iyan.” Ang isang taong may kaloob ng pagpapalakas ng loob ay maaaring makatulong sa isang taong negatibo na maging positibo.

Maaaring ang pinakamagandang halimbawa ng isang taong may kaloob ng pagpapalakas ng loob ay si Barnabas. Ang kanyang tunay na pangalan ay Jose ngunit tinatawag siya ng mga alagad na “Barnabas” na nangangahulugang “Anak ng pagpapalakas ng loob” (Gawa 4:26). Makikita natin si Barnabas sa Gawa 9:27 na tumutulong sa bagong mananampalatayang si Pablo at ipinakilala iyon sa nagugulumihanang Iglesya. Sa Gawa 13:43, pinalakas ni Barnabas ang mga mananampalataya at hinimok sila na magpatuloy sa biyaya ng Diyos. Sa Gawa 15:36–41pinili ni Barnabas si Juan Markos bilang kasama sa ministeryo sa kabila ng iniwan sila nito sa kanilang katatapos na paglalakbay bilang mga misyonero. Sa ibang salita binigyan ni Barnabas si Juan Markos ng ikalawang pagkakataon . Sa buong paglilingkod ni Barnabas, ipinakita niya ang kaloob ng pagpapalakas ng loob at laging tumutulong sa iba, umaaliw at tumutulong sa kanila upang maging mabisang alagad ni Kristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang espiritwal na kaloob ng pagpapalakas ng loob?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries