settings icon
share icon
Tanong

Ano ang espiritwal na kaloob ng pagpapaliwanag sa mga wika?

Sagot


Kasama ng kaloob ng pagsasalita sa mga wika ay ang isa pang kaloob na binanggit sa 1 Corinto 12:10— ang kaloob ng pagpapaliwanag sa mga wika. Ang kaloob ng pagpapaliwanag sa mga wika ay ang kakayahan na isalin ang isang wikang hindi nauunawaan ng mga tagapakinig sa kanilang sariling wika. Ang kaloob ng pagpapaliwanag sa mga wika ay bukod na kaloob, ngunit makikitang ginagamit ito kaugnay ng kaloob ng pagsasalita sa mga wika.

Ang kaloob ng pagsasalita sa mga wika ay isang hindi pangkaraniwang kakayahan na makapagsalita sa isang wika na hindi alam at hindi pinagaralan ng nagsasalita. Makikita nating ginamit ang kaloob na ito sa Gawa 2:4–12, ng marinig ng mga Hudyo sa Jerusalem ang Ebanghelyo na ipinangangaral sa iba’t ibang wika. Ang isang taong may kaloob ng pagpapaliwanag sa ibang wika ay kayang maunawaan ang sinasabi ng isang nagsasalita sa ibang wika bagamat hindi niya alam at pinagaralan ang salitang sinasabi ng nagsasalita. Ang kawalan ng kaalamang ito sa wika ng nagsasalita ang ipinagkaiba ng espiritwal na kaloob mula sa natural na kakayahan na makaunawa at makapagsalita sa maraming mga wika. Naririnig ng isang taong nagpapaliwanag sa mga wika ang sinasabi ng nagsasalita sa wika at pagkatapos ay ipinapaliwanag ang sinabi ng nagsalita sa mga taong nakikinig ngunit hindi nakakaunawa sa sinabi ng nagsalita. Ang layunin ay upang maunawaan ang sinabi ng nagsalita at makinabang mula sa katotohanang kanyang sinabi. Ayon kay Apostol Pablo, ayon sa inilarawan sa aklat ng mga Gawa, ang layunin ng kaloob ng pagsasalita sa mga wika ay upang maibahagi ang salita ng Diyos ng direkta sa mga tao sa kanilang sariling wika. Natural na kung hindi naiintindihan ng mga nakikinig ang salitang sinasabi ng mangangaral, walang kabuluhan iyon kaya’t kinakailangan ang isang magpapaliwanag sa sinasabi ng mangangaral. Ang layunin ay para sa ikatitibay at ikalalago ng Iglesya (1 Corinto 14:5, 12).

Ang isa sa mga problema sa Iglesya sa Corinto ay ang pagsasalita sa ibang wika ngunit wala namang nagpapaliwanag at wala ring taong nakakaunawa sa wikang sinasabi ng nagsasalita. Dahil dito, nagiging sentro sa pagsamba ang mga nagsasalita sa ibang wika ngunit wala namang kabuluhan ang kanilang sinasabi dahil wala namang nakakaunawa sa kanila. Mariin silang pinayuhan ni Apostol Pablo na ang lahat ng wikang sinasabi sa iglesya ay nararapat na ipaliwanag ng binigyan ng kaloob ng pagpapaliwanag sa ibang wika: “Ngunit sa pagtitipon ng Iglesya, mamasarapin ko pang magsalita ng limang kataga na mauunawaan ng lahat at makapagtuturo sa iba kaysa libu-libong salita na wala namang makakaunawa” (1 Corinto 14:19). Walang pakinabang sa Iglesya at sa mga miyembro ang pakikinig sa salitang hindi nila nauunawaan. Ang pagsasanay sa kaloob ng mga wika sa Iglesya upang simpleng ipakita sa iba na mayroon silang ganitong kaloob ay isang kayabangan at walang kapakinabangan. Sinabi ni Pablo sa mga taga Corinto na kung may dalawa o tatlo na nais magsalita sa ibang wika sa isang pagtitipon, nararapat na may isang may kaloob ng pagpapaliwanag ang naroroon din at isasalin ang kanilang wikang sinabi sa wikang nauunawaan ng mga tagapakinig. Ngunit “kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawat isa at makipagusap ng sarilinan sa Diyos” (1 Corinto 14:28).

Ang pansamantalang kalikasan ng kaloob ng pagsasalita sa ibang wika ay nagpapahiwatig na panandalian din lamang ang kaloob ng pagpapaliwanag sa ibang wika. Kung aktibo pa ang pagsasalita sa ibang wika sa Iglesya ngayon, dapat na gawin ito ng naaayon sa Kasulatan. Dapat na ito ay tunay at nauunawaang wika (1 Corinto 14:10). Dapat na ang layunin nito ay ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos sa isang tao na nagsasalita sa wikang sinasabi ng nagsasalita (Gawa 2:6–12), at dapat na gawin ito sa “wasto at maayos na paraan” (1 Corinto 14:40), “Sapagkat ang Diyos ay hindi nalulugod sa kaguluhan kundi sa kapayapaan” (1 Corinto 14:33).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang espiritwal na kaloob ng pagpapaliwanag sa mga wika?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries