Tanong
Ano ang espiritwal na kaloob ng mga pagtulong?
Sagot
Ang espiritwal na kaloob ng mga pagtulong ay makikita sa listahan ng mga espiritwal na kaoob sa Bibliya. Ang salitang Griyego sa 1 Corinto 12:28 na isinalin sa salitang tagalog na “pagtulong” ay makikita lamang sa Bagong Tipan; kaya’t ang eksaktong kahulugan ng kaloob na ito ay hindi gaanong malinaw. Ang salitang isinalin sa “pagtulong” ay literal na nangangahulugang “pagaanin, makilahok sa, makipagbayanihan, at/o sumuporta.” Ang mga mananampalatayang may ganitong kaloob ay mga taong may kakayahang tumulong at magkaloob sa anumang paraan sa diwa ng biyaya at kahabagan. Ang kaloob na ito ay may malawak na aplikasyon, mula sa pagtulong sa isang indibidwal sa kanilang pangaraw-araw na gawain hanggang sa pagtulong sa pamamahala sa Iglesya.
Ang pagtulong sa Iglesya ay maaaring isagawa sa iba’t ibang kaparaanan. May ilan na nagsasabi na ang mga may kaloob ng pagtulong ay ang mga handang magabot ng kanilang kamay at gumawa kahit ng pinakamarumi at pinakamababang uri ng trabaho sa diwa ng kababaang loob. Ang mga “katulong sa gawain” sa tuwina ay yaong regular na kusang loob na gumagawa sa gusali ng Iglesya at gumagawa na kalimitang hindi napapansin. May ilan naman na nagsasabi na ang kaloob ng pagtulong ay ang paglingap sa mga babaeng balo at matatanda o mga pamilya sa paggawa ng kanilang pangaraw-araw na gawain na hindi nila kayang gampanan. Ang mga tagatulong na ito ay nagkakaloob ng kanilang tulong sa isang malawak na kaparaanan at tumutulong sa katawan ni Kristo sa pangkalahatan.
Ngunit maaaring may mas malalim na kahulugan ang mga kaloob ng pagtulong. Dahil isa ito sa mga kaloob ng Banal na Espiritu na ibinigay sa Iglesya para sa ikatitibay ng bawat isa, ang espiritwal na aspeto ng kaloob na ito ay maaaring mas mahalaga kaysa sa praktikal na aspeto. Ang mga binigyan ng ganitong kaloob ay may natatanging kakayahan na kilalanin ang mga taong nagdududa, natatakot at iba pang espiritwal na pakikibaka. Lumalapit sila sa may mga pangangailangang espiritwal at gumagamit ng magandang pananalita ng may pangunawa, kahabagan at natatanging kakayahan na magbahagi ng Salita ng Diyos at magtuwid sa isang mapagmahal na kaparaanan. Ang kanilang mga salita ay “gaya ng mansanas sa sisidlang pilak” (Kawikaan 25:11) sa mga mahihina sa espiritwal at mga nangapapagal. Ang mga kagamit-gamit na mga Kristiyanong ito ay may kakayahan na pawiin ang kabalisahan ng mga pusong puno ng agam-agam sa diwa ng katuwaan at pagtititwala sa Salita ng Diyos na kanilang ibinabahagi ng buong katotohanan at kagalakan.
Purihin ang Diyos dahil kilala Niya tayong lubos. Alam Niya ang ating mga pangangailangan at mga pagsubok at ibinigay Niya ang mga kaloob ng pagtulong sa mga espesyal na indibidwal na tumutulong ng may kahabagan, biyaya at pag-ibig. Ang mga mahalagang mananampalatayang ito ang ginagamit ng Diyos upang bigyan ng pag-asa at kagaanan ang mga kapatirang sumusuong sa iba’t ibang suliranin na hindi nila kayang mapagtagumpayan ng nagiisa.
English
Ano ang espiritwal na kaloob ng mga pagtulong?