Tanong
Ano ang espiritwal na kaloob ng pagtuturo?
Sagot
Ang espiritwal na kaloob ng pagtuturo ay isa sa mga kaloob ng Espiritu (Roma 12:6–8; 1 Corinto 12:28; Efeso 4:1–12). Ito ay kaloob na ibinigay ng Banal na Espiritu na nagbibigay ng kakayahan sa isang mananampalataya upang epektibong maipahayag ang mga katotohanan ng Salita ng Diyos sa iba. Bagamat hindi lagi, kadalasang ginagamit ang kaloob na ito sa konteksto ng lokal na Iglesya. Kasama sa kaloob ng pagtuturo ang pagsusuri at pagpapahayag sa Salita ng Diyos at ang pagpapaliwanag ng kahulugan, konteksto, at aplikasyon nito sa buhay ng mga nakikinig. Ang isang guro na may ganitong kaloob ay may natatanging kakayahan na malinaw na ituro at ipahayag ang kaalaman, partikular ang mga bagay tungkol sa pananampalataya at mga katotohanan ng Bibliya.
Ibinigay ng Diyos ang mga espiritwal na kaloob sa ikalalago ng Iglesya. Tinuruan ni Pablo ang Iglesya sa Corinto na hangarin ang ikatitibay at ikalalago ng Iglesya, at dahil naghahangad sila na magkaroon ng mga espiritwal na kaloob, dapat nilang pakanasain ang mga “espiritwal na kaloob na makakapagpatibay sa Iglesya” (1 Corinto 14:12). Ang espiritwal na kaloob (charismata sa salitang Griyego) ay isang hindi pangkaraniwang kakayahan na galing sa Diyos upang gampanan ang ministeryo sa ikatatatag ng Iglesya. Mabiyaya itong ipinagkaloob ng Diyos at hindi karapatdapat ang tumanggap. Habang maaaring hubugin ang mga espiritwal na kaloob, kailangan ang hindi pangkaraniwang kakayahan sa pagsasanay nito. Ang isa sa mga kaloob na ito ay ang kaloob ng pagtuturo.
Ang salitang Griyego para sa “turo” ay didaskalos, na nangangahulugang “magbigay ng kaalaman.” Makikita natin ang mga halimbawa ng pagtuturo sa buong Bibliya. Si Hesus mismo ay isang Dakilang Guro, at inutusan Niya ang kanyang mga alagad na “magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan” (Mateo 28:19–20). Inutusan ni Hesus ang Kanyang mga alagad na turuan ang mga bagong alagad ng lahat ng Kanyang mga iniutos at ituro sa kanila ang tamang doktrina at tamang pamumuhay. Hindi maaaring magturo ang mga alagad ni Hesus sa mga tao ng kanilang sariling turo o anumang turo lamang ng tao kundi yaon lamang itinuro at iniutos ng Panginoong Hesu Kristo.
May ilang konteksto kung saan maaaring gamitin ang kaloob ng pagtuturo: sa paaralang lingguhan, paaralan ng Bibliya, kolehiyo, seminaryo at pagaaral ng Bibliya sa bahay-bahay. Ang isang may ganitong kaloob ay maaaring magturo sa indibidwal o grupo. Maaaring ituro ng isang taong may natural na kakayahan ng pagtuturo ang halos lahat ng paksa, ngunit itinuturo ng isang taong binigyan ng espiritwal na kaloob ng pagtuturo ang nilalaman ng Bibliya. Maaari niyang ituro ang mensahe ng Bibliya bilang isang buong aklat o ang indibidwal na kabanata o talata. Walang bagong materyal na ginagamit ang isang taong may kaloob ng pagtuturo. Simple lamang niyang ipinaliliwanag ang kahulugan ng mga talata ng Bibliya.
Ang kaloob ng pagtuturo ay isang hindi pangkaraniwang kaloob ng Banal na Espiritu. Maaaring maintindihan ng isang taong walang kaloob ng pagtuturo ang Bibliya habang naririnig o nababasa niya ito, ngunit hindi niya ito kayang ipaliwanag na gaya sa pagpapaliwanag ng isang taong binigyan ng kaloob ng pagtuturo. Bagamat maaari itong hubugin, hindi maaaring matutuhan ang kaloob ng pagtuturo kahit pa ng isang taong nagtapos ng kurso sa kolehiyo. Ang isang taong may Ph.D. ngunit walang kaloob ng pagtuturo ay hindi kayang magturo ng Bibliya kagaya ng pagtuturo ng isang taong binigyan ng Banal na Espiritu ng kaloob ng pagtuturo.
Sa Efeso 4:11–12, inilista ni Pablo ang mga kaloob para sa pagtatayo ng lokal na Iglesya. Ibinigay ang mga kaloob para sa ikalalago ng katawan ni Kristo. Sa talata 11, ang mga guro ay iniugnay sa mga pastor. Hindi ito nangangahulugan ng pagkakaroon ng kaloob ng pagtuturo ngunit nagpapahiwatig ito na ang isang pastor ay isa ring guro. Ang salitang Griyego para sa pastor ay poiemen na nangangahulugang isang “pastol.” Ang isang pastor ay nangangalaga sa Kanyang nasasakupan sa parehong paraan na pinangangalagaan ng isang pastol ang Kanyang mga tupa. Kung paanong pinakakain ng pastol ang kanyang mga tupa, gayundin naman, responsibilidad ng isang pastor na pakainin ang kanyang mga pinangungunahan ng espiritwal na pagkain – ang Salita ng Diyos.
Napapaging banal ang Iglesya sa pamamagitan ng paggamit sa espiritwal na kaloob ng pagtuturo habang nakikinig ang mga mananampalataya sa Salita ng Diyos at nauunawaan ang kahulugan nito at kung paano ito ilalapat sa kanilang sariling buhay. Ibinigay ng Diyos ang Kanyang mga kaloob sa Kanyang mga anak upang patatagin ang Kanyang Iglesya sa kanilang pananampalataya at upang lumago sila sa kanilang karunungan at kaalaman (2 Pedro 3:18).
Paano malalaman ng isang Kristiyano na mayroon siyang kaloob ng pagtuturo? Ang unang hakbang ay humingi sa Diyos ng mga oportunidad na makapagturo sa isang Sunday School o Bible Study sa ilalim ng pamamahala at paggabay ng isang pastor o guro ng Bibliya. Kung makita ng mga nakikinig na kaya ng isang guro na magpaliwanag ng Salita ng Diyos ng buong linaw at maganda ang tugon ng mga nakikinig sa kanyang pagtuturo, maaaring mayroon siyang kaloob ng pagtuturo at dahil dito maaari siyang humingi sa Panginoon ng iba pang oportunidad upang magamit at mahubog ang kanyang kaloob ng pagtuturo.
English
Ano ang espiritwal na kaloob ng pagtuturo?