Tanong
Ano ang espiritwal na kaloob ng pananampalataya?
Sagot
Ang espiritwal na kaloob ng pananampalataya ay makikita sa listahan ng mga kaloob ng Espiritu sa 1 Corinto 12. Sinasabi sa ikasiyam na talata na may ilang mananampalataya na binigyan ng kaloob ng pananampalataya, ngunit hindi partikular na ipinaliwanag kung ano ang kaloob na ito. Ang lahat ng mga mananampalataya ay binigyan ng Diyos ng pananampalatayang nagliligtas bilang tanging kasangkapan sa kaligtasan (Efeso2:8-9), ngunit hindi lahat ng mananampalataya ay binigyan ng espiritwal na kaloob ng pananampalataya. Gaya ng lahat ng iba pang mga kaloob ng Banal na Espiritu, ang espiritwal na kaloob ng pananampalataya ay ibinigay para sa “ikabubuti ng lahat,” na nangangahulugang ito ay para sa ikatitibay at ilkalalago ng Iglesya (1 Corinto 12:7).
Ang kaloob ng pananampalataya ay maaaring pakahuluganan bilang isang espesyal na kaloob ng Espiritu na nagbibigay sa mga Kristiyano ng hindi pangkaraniwang pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos, kapangyarihan at pagtitiwala sa Kanyang presensya upang makatayo silang matibay para sa gawain ng Diyos sa Iglesya sa hinaharap. Ang espiritwal na kaloob ng pananampalataya ay naipapakita sa pamamagitan ng malakas at hindi natitinag na pagtitiwala sa Diyos, sa Kanyang Salita at sa Kanyang mga panagako. Ang halimbawa ng mga taong may ganitong kaloob ay inilista sa kabanata 11 ng aklat ng Hebreo. Ang kabanatang ito ay karaniwang tinatawag na talaan ng mga “bayani sa pananampalataya” kung saan inilarawan ang mga taong hindi pangkaraniwan ang pananampalataya anupa’t nakagawa sila mga bagay na hindi pangkaraniwan na tulad sa mga taong may kapangyarihan. Sa kabanatang ito ng Bibliya natin makikita kung paanong gumugol si Noe ng 120 taon sa paggawa ng isang higanteng arko kahit na noong panahong ginagawa niya iyon ay hindi pa umuulan sa mundo. Makikita din natin kung paanong sumampalataya si Abraham na siya’y magiging ama ng isang bansa sa kabila na ang kanyang asawa ay matanda na at wala ng kakayahang magkaanak. Kung wala silang espesyal na kaloob ng pananampalatayang mula sa Diyos, imposibleng magawa nila ang mga bagay na iyon.
Gaya ng lahat ng kaloob na espiritwal, ang kaloob ng pananampalataya ay ibinigay sa ilang mga Kristiyano upang gamitin para sa ikatitibay ng Iglesya. Ang mga taong may ganitong kaloob ay inspirasyon ng kanilang mga kapwa mananampalataya, at ipinapakita nila ang simpleng pagtitiwala sa Diyos sa lahat ng kanilang sinasabi at ginagawa. Ang mga taong may hindi pangkaraniwang pananampalataya at katapatan sa Diyos ay nagpapakita ng kapakumbabaan at pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos. Lagi silang nakikitang tahimik ngunit masigasig at walang takot. Kumbinsido sila na kanilang mapagtatagumpayan ang lahat ng mga hadlang sa pagpapahayag ng Ebanghelyo at at nagtitiwala sila sa plano ng Diyos na gaganapin Niya ang pagpapaunlad sa Kanyang gawain. Ang mga mananampalatayang may ganitong kaloob ay laging maraming ginagawa para sa pagsulong ng Kanyang kaharian higit kaysa sa mga pinakamagagaling at pinakamarurunong na guro at mangangaral.
Sa paglalagom, binigyan ng Diyos ang lahat ng Kristiyano ng pananampalatayang nagliligtas. Ang espiritwal na kaloob ng pananampalataya ay ibinigay sa ilan na nagpapakita ng hindi pangkaraniwang laki ng pananampalataya sa kanilang pamumuhay bilang Kristiyano at dahilan sa kanilang pananampalataya, sila’y nagiging sanhi ng kagalakan at kalakasan para sa ibang mananampalataya.
English
Ano ang espiritwal na kaloob ng pananampalataya?