Tanong
Ano ang espiritwal na kaloob ng panghuhula/propesiya?
Sagot
Ang espiritwal na kaloob ng panghuhula /propesiya ay inilista kasama ng iba pang mga kaloob ng Espiritu sa 1 Corinto 12:10 at Roma 12:6. Ang salitang Griyego na isinalin sa salitang tagalog na “panghuhula” o “hula” sa parehong mga talata ay nangangahulugan na “magpahayag” o “ipahayag ang kalooban ng Diyos,” “ipaliwanag ang mga layunin ng Diyos,” o “ipaalam sa iba sa anumang paraan ang katotohanan ng Diyos sa layunin na impluwensyahan ang mga tao.” Maraming tao ang mali ang pakahulugan sa kaloob ng panghuhula/propesiya at inaakala na ito ay ekslusibo lamang para sa pagpapahayag ng mga magaganap sa hinaharap. Habang ang kaalaman tungkol sa magaganap sa hinaharap ay isang aspeto ng kaloob ng panghuhula/propesiya, ang pangunahing aspeto ng kaloob na ito ay ang proklamasyon ng katotohanan ng Diyos (“forth-telling”), HINDI prediksyon (“fore-telling”).
Ang isang pastor/mangangaral na nangangaral ng Bibliya ay maaaring ituring na isang “manghuhula” dahil ipinoproklama niya ang mga katotohanan at kalooban ng Diyos na nakasulat sa Bibliya. Nang makumpleto ang canon ng Bagong Tipan, ang panghuhula tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap at pagpapahayag ng mga bagong kapahayagan/rebelasyon ay napalitan ng pagdedeklara o pagpapahayag ng kumpletong kapahayagan na ibinigay na ng Diyos na matatagpuan sa Bibliya. Sinasabi sa Judas 3 na dapat tayong “makipaglabang masikap dahil sa pananampalataya na ibinigay na minsan at magpakailan man sa mga banal” (idinagdag ang diin). Sa ibang salita, ang pananampalatayang ating taglay ay napatunayan ng totoo at sapat magpakailanman at hindi na tayo nangangailangan pa ng karagdagarang hula o pagtutuwid na siyang resulta ng paniniwala sa mga bagong kapahayagan na wala sa Bibliya.
Gayundin, kapunapuna ang pagbabago ng titulo mula sa pagiging propeta patungo sa pagiging guro sa 2 Pedro 2:1: “Nguni't may nagsilitaw din naman sa bayan na mga bulaang propeta, na gaya naman sa inyo'y magkakaroon ng mga bulaang guro, na mangagpapasok sa lihim ng mga makakapahamak na mga hidwang pananampalataya, na itatatwa pati ang Panginoon na bumili sa kanila, na mangagtataglay sa kanilang sarili ng madaling pagkapahamak ” (idinagdag ang diin). Ipinapahiwatig ni Pedro na ang mga propeta ay para sa Lumang Tipan habang sa Iglesya naman ay may mga guro. Ang espiritwal na kaloob ng panghuhula, sa aspeto nito ng pagtanggap ng mga bagong pahayag mula sa Diyos upang iproklama sa iba ay tumigil na sa pagsasara ng canon ng Bibliya. Noon, mayroon pang kaloob ng panghuhula at ang mga hula ay itinuturing na isang kaloob ng kapahayagan na ginagamit para sa ikatitibay, pagpapalakas ng loob at pagbibigay kaaliwan sa mga tao (1 Corinto 14:3). Ang modernong kaloob ng panghuhula/propesiya sa ngayon, katulad ng kaloob ng pagtuturo ay nagdedeklara pa rin ng katotohanan ng Diyos. Ngunit ngayon ang katotohanan ng Diyos ay matatagpuan na sa Kanyang Salita kaya’t hindi na kailangan pa ang mga bagong kapahayagan. Noong panahon ng unang Iglesya kung kailan hindi pa nakukumpleto ang Bagong Tipan, hindi pa naipahayag ng buo ang kapahayagan ng Diyos kaya kinakailangan pa noon ang direktang pagpapahayag ng Diyos sa ilan gaya ng nangyari kina Apostol Pablo at Apostol Juan.
Dapat na hindi tinatangkilik ng mga tunay na Krstiyano ang mga nagaangkin na tumanggap sila diumano ng mga “bagong kapahayagan” mula sa Diyos. Magkaiba ang pangungusap na, “Kagabi, nagkaroon ako ng interesanteng panaginip” kaysa sa “Kagabi, binigyan ako ng Diyos ng panaginip at dapat natin iyong paniwalaan at sundin.” Walang kahit anong salita ng tao ang dapat na ituring na kapantay o nakahihigit sa nasulat na Salita ng Diyos, ang Bibliya. Dapat nating panghawakan ang Salita ng Diyos na Kanyang ipinagkaloob sa atin at manindigan para sa ‘sola scriptura’ – o tanging sa Kasulatan Lamang.
English
Ano ang espiritwal na kaloob ng panghuhula/propesiya?