settings icon
share icon
Tanong

Ano espiritwal na kaloob ng pangunguna?

Sagot


Tinalakay sa Bibliya ang mga paraan upang magampanan ng Iglesya ang kanyang mga gawain na hubugin ang lokal na kongregasyon, paglingkuran ang mga kapatiran at tulungang maitatag ang Iglesya bilang saksi ng Diyos sa komunidad. Ang espiritwal na kaloob ng pangunguna sa lokal na Iglesya ay makikita sa dalawang sitas sa Bibliya sa Roma 12:8 at 1 Corinto 12:28. Ang salitang Griyego na isinalin sa salitang “mamahala” at “manguna” sa mga talatang ito ay naglalagay sa isang tao upang pangunahan ang iba o pamahalaan sila ng may katiyagaan. Ginamit ang salitang pagtulong sa 1 Tesalonica sa relasyon nito sa mga manggagawa ng Iglesya sa pangkalahatan: “Datapuwa't ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na inyong kilalanin ang nangagpapagal sa inyo, at nangamumuno sa inyo sa Panginoon, at nangagpapaalaala sa inyo.”

Ang lahat ng organisasyon ay bumabangon at bumabagsak sa pamamagitan ng mga tagapanguna. Kung mas maabilidad at epektibo ang namumuno, mas tumatakbo ng maayos ang isang organisasyon at mas malaki ang potensyal nito sa paglago. Sa Roma 12:8, ang salitang isinalin sa Tagalog na “pinuno” ay nagpapahiwatig ng katiyagaan sa kanyang gawain na magbantay sa kawan at kahandaan na isakripisyo ang personal na kasiyahan upang gabayan ang mga tupa.

May ilang katangian ang binigyan ng kaloob ng pangunguna. Una at pinakamahalaga sa lahat, kinikilala niya na ang kanyang posisyon ay dahil lamang sa pagtatalaga sa kanya ng Panginoon at nasa ilalim siya ng Kanyang direksyon. Nauunawaan niya na hindi siya ang tunay na tagapanguna, sa halip, kinikilala niya na siya ay nasasakop at magsusulit sa Panginoong Hesus na Siyang ulo ng Iglesya. Ang pagkilala sa kanyang lugar sa administrasyon ng katawan ni Kristo ang humahadlang sa isang pinuno laban sa pagmamataas at pagtitiwala sa sariling kakayahan. Kinikilala ng isang tunay na maabilidad na pinunong Kristiyano na isa lamang siyang alipin ng kanyang pinangungunahan. Kinilala ni Apostol Pablo ang posisyong ito at tinukoy ang kanyang sarili bilang isang “alipin ni Cristo Hesus” (Roma 1:1). Gaya ni Pablo, kinikilala ng isang pinuno na binigyan ng maraming kaloob na tinawag lamang siya ng Diyos sa posisyong iyon at hindi siya ang nagtaas sa kanyang sarili (1 Corinto 1:1). Bukod sa pagsunod sa halimbawa ni Hesus, ang isang pinuno ay nabubuhay upang paglingkuran ang Kanyang nasasakupan at hindi naghahangad na siya ay paglingkuran o tingalain ng mga anak ng Diyos (Mateo 20:25–28).

Si Santiago, na kapatid ng Panginoong Hesus sa ama ay may kaloob ng pangunguna at pinangunahan niya ang Iglesya sa Jerusalem. Ipinakilala din niya ang kanyang sarili bilang “alipin ng Diyos at ng Panginoong Hesus” (Santiago 1:1). Ipinakita ni Santiago ang isa pang katangian ng espiritwal na pangunguna—ang kakayahan na himukin ang iba na magisip ng tama, ng naaayon sa Bibliya at maging makadiyos sa lahat ng usapin. Sa pagpupulong sa Jerusalem, tinalakay ni Santiago ang isang mabigat na usapin tungkol sa pakikipagugnayan ng mga Hudyo sa mga Hentil na sumasampalataya kay Hesus bilang kanilang Tagapagligtas. “At nang matapos na silang magsitahimik, ay sumagot si Santiago, na sinasabi, Mga kapatid, pakinggan ninyo ako: Sinaysay na ni Simeon kung paanong dinalaw na una ng Dios ang mga Gentil, upang kumuha sa kanila ng isang bayan sa kaniyang pangalan ’” (Gawa 15:13–14). Sa pamamagitan ng paunang pananalitang ito, pinangunahan ni Santiago ang mga delegado na magisip ng malinaw at ng naaayon sa Kasulatan upang makagawa sila ng tamang desisyon patungkol sa isyu (Gawa 15:22–29).

Bilang mga pinuno ng Kanyang bayan, ang mga tagagapanguna ay namumuno ng may katiyagaan at nagtataglay ng kakayahan na makaunawa ng tunay na espiritwal na pangangailangan mula sa pansamantalang pangangailangan. Pinangungunahan nila ang iba ng may kalaguan sa pananampalataya. Ang isang Kristiyanong tagapanguna ay kasangkapan ng Diyos upang lumago ang iba sa kanilang kakayahan na kilalanin kung ano ang mula sa Diyos at mula sa kultura o sa makabagong panahon, katulad ng halimbawa sa pangunguna ni Apostol Pablo. Ang mga salita ng isang tagapanguna ay hindi “matalino at mapilit” ayon sa pananaw ng karunungan ng tao sa halip, puno ng kapangyarihan mula sa Banal na Espiritu upang mapangunahan ang iba sa pagtatalaga ng kanilang pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos (1 Corinto 2:4–6). Ang layunin ng isang may kaloob ng pangunguna ay bantayan at gabayan ang kanyang pinangungunahan “hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo” (Efeso 4:13).

Ang espiritwal na kaloob ng pangunguna ay ipinagkaloob ng Diyos sa mga lalaki at babae na tumutulong sa Iglesya upang ito ay lumago at mangibabaw sa kasalukuyang henerasyon. Ibinigay ng Diyos ang kaloob ng pangunguna hindi upang itaas ang tao kundi upang luwalhatiin ang Kanyang sarili sa tuwing ginagamit nila ang kanilang mga kaloob sa pagsunod sa Kanyang kalooban.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano espiritwal na kaloob ng pangunguna?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries