Tanong
Ano ang paglagong espiritwal?
Sagot
Ang paglagong espiritwal ay isang proseso na nangyayari sa buhay ng Kristiyano upang siya ay maging katulad ni Hesu Kristo. Matapos tayong sumampalataya kay Hesus, ang Espiritu Santo ay nag-umpisa na gawin tayong katulad ni Hesus ayon sa kanyang kabanalan. Marahil, ang pinakamagandang paglalarawan ng espiritwal na paglago ay nasa 2 Pedro 1:3-8, na nagsasabi na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos na nasa atin na ang "lahat ng ating kakailanganin" upang tayo ay mamuhay na may kabanalan na siyang layunin ng paglagong espritwal. Pansinin na ang ating kailangan ay nanggaling sa "pamamagitan ng ating kaalaman sa Kanya," at ito ang susi upang ating makamit ang lahat nating mga pangangailangan. Ang ating kaalaman tungkol kay Hesus ay nanggagaling sa Bibliya at ito ang ibinigay Niyang kasangkapan sa atin para sa ating pag-unlad at paglagong espiritwal.
Matatagpuan sa Galacia 5:19-23 ang paghahambing sa “mga gawa ng laman” at “mga bunga ng Espiritu.” Ang mga gawa ng laman ay ang uri ng pamumuhay na mayroon tayo bago tayo nakakilala kay Kristo at nagtiwala sa Kanya para sa ating kaligtasan. Ang mga gawa ng laman ay mga gawain na dapat nating aminin at pagsisihan sa Diyos upang ating patuloy na mapagtagumpayan. Habang nararanasan natin ang espiritwal na paglago, ang "mga gawa ng laman" ay unti-unting mawawala sa ating buhay. Ang mga "bunga ng Espiritu" naman sa mga talatang 22-23 ay mga gawang ayon sa Espiritu na dapat na makita sa ating buhay yamang tayo ay nakaranas na ng kaligtasan. Ang espiritwal na paglago ay nakikilala sa pamamagitan ng bunga ng Espiritu at ito ay nagiging kapuna-puna sa buhay ng isang tao matapos siyang sumampalataya kay Hesu Kristo.
Kapag ang kaligtasan ay naranasan ng isang tunay na mananampalataya, ang espiritwal na paglago ay nag-uumpisa. Ito ay dahil nananahan na sa atin ang Espiritu Santo (Juan 14:16-17). Tayo ay mga bagong nilalang na kay Kristo (2 Corinto 5:17). Ang ating lumang pagkatao ay pinalitan ng bagong pagkatao (Roma 6-7). Ang espiritwal na paglago ay habang-buhay na karanasan habang ang isang mananampalataya ay nagaaral ng Salita ng Diyos (2 Timoteo 3:16-17) at lumalakad ayon sa Espiritu (Galacia 5:16-26). At habang ating ninanais ang espiritwal na paglago, dapat tayong humingi ng karunungan sa Diyos upang ating malaman ang mga bahagi ng ating buhay na nais Niyang isuko natin sa Kanya. Hingin natin sa Diyos na dagdagan ang ating pananampalataya at ang ating kaalaman sa Kanya. Hangad ng Diyos na tayo ay lumago sa ating buhay espiritwal kaya ibinigay Niya sa atin ang lahat nating kakailanganin upang atin itong maranasan. Sa pamamagitan ng tulong ng Espiritu Santo, mapagtatagumpayan natin ang kasalanan at unti-unting maging katulad ng ating Tagapagligtas, ang ating Panginoong Hesu Kristo.
English
Ano ang paglagong espiritwal?