Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa ethnocentrism o pagturing na mas mataas ang isang lahi kaysa ibang lahi?
Sagot
Ang ethnocentrism ay ang paniniwala na ang isang partikular na lahi ay mas mataas ang halaga kaysa ibang lahi at ang ibang lahi ay sinusukat sa relasyon nito sa sariling lahi. Ito ay isang sistema ng paniniwala na nagbubunga sa sobrang pagmamataas at kawalan ng pagmamalasakit sa iba. Dahil ang lahi ay isang bahagi ng partikular na grupo ng tao, ang ethnocentrism ay karaniwang may kaugnayan sa rasismo na pumipinsala sa sangkatauhan sa loob ng maraming siglo. Walang lugar para sa mga anak ng Diyos para sa ganitong saloobin na nagsusulong ng rasismo. Ang ganitong paguugali ay labag sa Kasulatan at hindi nakalulugod sa Diyos.
Sa pamantayan ng Bibliya, ang ethnocentrism ay kasalanan. Ang lahat ng tao ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos (Genesis 1:26-27; 9:6), bagama’t ang wangis na iyon ay nasira ng kasalanan. Hindi nagpapakita ang Diyos ng pagkiling o paboritismo (Deuteronomio 10:17; Gawa 10:34). Hindi si Jesus namatay para sa isang partikular na lahi, kultura, o tribo, sa halip tinubos Niya ang sinumang sumasampalataya mula sa lahat ng lahi sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan, “ang mga tao para sa Diyos, mula sa bawat lahi, wika, bayan at bansa” (Pahayag 5:9). Sinasabi sa atin ng Kasulatan na bumaba si Jesus sa lupa para iligtas ang mga Judio at ang mga hindi Judio o mga Hentil. Si Pablo ang nagpapatunay dito ng kanyang sabihin, “wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae. Kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus” (Galatia 3:28) at “Kaya't sa kalagayang ito, wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di-tuli, ang dayuhan at ang hindi sibilisado, ang alipin at ang malaya. Ngunit si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat, at siya'y nasa inyong lahat” (Colosas 3:11).
Inalis ni Jesus ang lahat ng pader ng lahi, kultura at angkan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus. Isinulat ni Pablo sa mga nagkakaisang mga Judio at Hentil sa Efeso 2:14: “Sapagkat si Cristo mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan dahil pinag-isa niya ang mga Judio at ang mga Hentil. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, giniba niya ang pader ng alitan na naghihiwalay sa atin.” Ang ethnocentrism, dahilan sa hidwaan o sa kasaysayan man, ay maling pagpapalagay o sobrang pagmamataas at lubos na salungat sa Salita ng Diyos. Inuutusan tayo na ibigin ang isa’t isa kung paanong inibig tayo ni Cristo (Juan 13:34), at ang utos na ito ang pumipigil sa anumang diskriminasyon sa lahi, angkan, o kultura.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa ethnocentrism o pagturing na mas mataas ang isang lahi kaysa ibang lahi?