settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Ezra?

Sagot


Si Ezra ang ikalawa sa tatlong pangunahing tagapanguna na umalis sa Babilonya para itayong muli ang Jerusalem. Si Zorobabel ang muling nagtayo ng templo (Ezra 3:8), si Nehemias ang muling nagtayo ng pader ng Jerusalem (Nehemias kabanata 1 at 2) at muli namang ibinalik ni Ezra ang pagsamba sa tunay na Diyos. Si Ezra ay isang eskriba at saserdote na isinugo ng may kapangyarihang pang relihiyon at pampulitika ng hari ng Persia na si haring Artaxerxes para pangunahan ang isang grupo ng mga Judio na nasa pagkakatapon sa Babilonya pabalik sa Jerusalem (Ezra 7:8, 12). Kinondena ni Ezra ang pagaasawa ng mga Israelita ng mga hindi Israelita at hinimok ang mga Judio na hiwalayan at iwanan ang kanilang mga dayuhang asawa. Pinanumbalik ni Ezra ang pagdiriwang ng mga piyesta at sinuportahan ang muling paghahandog sa templo at muling pagtatayo ng pader ng Jerusalem. Inilalarawan sa Ezra 7:10 ang paghubog sa komunidad ayon sa Torah. Ang layunin ni Ezra ay ipatupad ang Torah at ang kanyang mga katangian bilang saserdote at eskribang walang kapintasan ang dahilan sa kanyang pananatili bilang isang modelong tagapanguna.

Nagpatuloy ang aklat ni Ezra kung saan nagtapos ang aklat ng 2 Cronica ng magisyu si haring Ciro ng Persia ng isang utos na nagpapahintulot sa mga Judio sa kanyang kaharian na bumalik sa Jerusalem pagkatapos ng pitumpong taon ng pagkakabihag. Makapangyarihan at walang hanggan ang kapamahalaan ng Diyos at kaya Niyang gamitin kahit ang isang paganong hari para palayain ang Kanyang bayan. Ginamit niya si Artaxerxes, isa pang hari ng Persia para pahintulutan at gastusan ang paglalakbay ni Ezra para ituro ang Kautusan sa bayan ng Diyos. Ang hari ding ito ang tumulong kay Nehemias para manumbalik sa ilang antas ang paggalang ng mga tao sa banal na lunsod ng Diyos, ang Jerusalem.

Kabilang sa epektibong ministeryo ni Ezra ang pagtuturo ng Salita ng Diyos, ang pagsisimula ng mga reporma at pangunguna sa espiritwal na pagpapanibagong sigla sa Jerusalem. Ang mga repormang ito ang nagbigay diin sa pangangailangan ng tunay na pagmamalasakit sa reputasyon at sa imahe sa publiko. Ano kaya ang iniisip ng mundo tungkol sa bayan ng Diyos dahil sa sira-sirang moog ng siyudad? Ano ang pagkakaiba ng bayan ng Diyos na nagkasala ng pakikipag-asawahan sa ibang lahi sa mga taong walang tipan sa tunay na Diyos? Noon at ngayon, sina Nehemias at Ezra ay humihimok sa bayan ng Diyos para bigyang pansin ang pagsamba bilang pangunahin sa kanilang layunin, para bigyang diin ang pangangailangan at paggamit ng Salita ng Diyos bilang tanging pamantayan sa paraan ng pamumuhay, at magmalasakit sa imahe ng bayan ng Diyos.

Bumalik si Ezra mula sa pagkakabihag sa Babilonya na umaasa na makakakita ng mgatao na maglilingkod sa Diyos ng may kagalakan, ngunit pagdating niya sa Jerusalem, ang kabaliktaran ang kanyang nakita. Nabigo siya at nagdamdam. Nasaktan ang kanyang puso ngunit nagtiwala pa rin Siya sa Panginoon. Ninais niyang baguhin ng Panginoon ang sitwasyon at sinisi ang kanyang sarili dahil sa kawalan ng kakayahan na baguhin ang puso ng gma tao. Ninais niya na malaman ng mga tao kung gaano kahalaga at kinakailangan ang Salita ng Diyos. Walang maaaring humalili sa pagsamba sa Diyos at hindi isang pagpipilian ang pagsunod. Ang Diyos na walang hanggan ang kapamahalaan ang nagiingat sa Kanyang mga anak, na laging tinutupad ang Kanyang mga pangako at nagpapalakas ng loob sa pamamagitan ng kanyang mga sinugo (Ezra 5:1–2. Kahit na tila nahadlangan ang Kanyang mga plano, gaya ng pagtatayong muli ng Jerusalem, ang mga hakbang ng Diyos ay magpapatuloy sa Kanyang itinakdang panahon.

Sangkot ang Diyos sa ating mga buhay gaya ng Kanyang ginawa sa buhay ni Ezra, at gaya ni Ezra, minsan, binibigyan Niya tayo ng kakayahan upang magawa ang mga imposible. Nagawa ni Ezra ang imposible dahil ang kamay ng Diyos ay sumasakanya (Ezra 7:9). Ang bawat mananampalataya ay buhay na templo (1 Corinto 6:19) kung saan nananahan ang Banal na Espiritu. Ang mga pwersang kumalaban kay Ezra ay mga taong may masamang puso. Ang puwersang kumakalaban sa ating pamumuhay Kristiyano ngayon ay mismong si Satanas na ang layunin ay wasakin tayo at ang templo ng Diyos (Juan 10:10). Ang ating dapat na maging layunin ay maging karapatdapat sa paningin ng Diyos gayundin sa ating sarili. Ang mga kabiguan sa nakaraan ay maaaring maging tagumpay sa kasalukuyan kung ang Diyos ay sumasaatin. Ang layunin ni Ezra ay karapatdapat sa paningin ng Diyos, at epektibo niyang ginamit ang kalungkutan ng mga nagbalik na Judio para sa kanilang tagumpay sa muling pagtatayo ng siyudad ng Diyos at sa pagpapanumbalik ng pagsamba sa Diyos ng Kanyang bayan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Ezra?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries