settings icon
share icon
Tanong

Totoo bang nakakapagpagaling ang mga faith healers? May pareho bang kapangyarihang magpagaling ang mga “faith healers” ngayon na gaya ni Hesus?

Sagot


Walang duda na may kapangyarihang magpagaling ang Diyos sa sinumang maysakit anumang oras. Ang tanong ay kung ginagamit ba Niya ang mga tinatawag na “faith healers” upang magpagaling. Tipikal na kinukundisyon ng mga “faith healers” (gaya nina Benny Hinn, Morris Cerullo, Reinhard Bonnke, at Eddie Villanueva) ang kanilang mga tagapakinig na nais silang pagalingin ng Diyos at sa pamamagitan ng kanilang pananampalalataya – at kadalasan ay sa pamamagitan ng pagkakaloob – at gagantimpalaan ng Diyos ang kanilang pananampalataya ng kagalingang pisikal sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Hesus.

Kung ikukumpara ang ministeryo ng pagpapagaling ng mga modernong “faith healers” sa ministeryo ng pagpapagaling ni Hesus, malalaman natin kung ang kanilang mga inaangkin ay may basehan sa Kasulatan. Kung kanilang sinasabi na nagpapagaling sila sa pamamagitan ng parehong kapangyarihan at sa parehong paraan kung paano nagpagaling si Hesus, dapat na makakita tayo ng pagkakahalintulad. Gayunman, ang kabalintunaan ang ating nakikita. Inilarawan sa atin sa Markos 1:29-34 ang isang araw sa ministeryo ng pagpapagaling ni Hesus. Ang Kanyang kapangyarihang magpagaling – at gumawa ng lahat ng uri ng himala – ay ebidensya na mayroon Siyang ganap na kapangyarihan laban sa pisikal at espiritwal na epekto ng sumpa ng Diyos sa kasalanan. Pinagaling Niya ang mga pinahihirapan ng pisikal na sakit, karamdaman, kapinsalaan, nagpalayas ng masamang espiritu at bumuhay pa ng mga patay. Tanging ang Diyos lamang ang makapagliligtas sa atin sa epekto ng pagkahulog ng tao sa kasalanan – sa mga sakit at kamatayan, at sa pamamagitan ng Kanyang mga himala, pinatunayan ni Hesus ang Kanyang pagka-Diyos.

Maraming pagkakaiba sa paraan ng pagpapagaling ni Hesus sa paraan ng pagpapagaling ng mga modernong “faith healers.” Una, dagliang gumaling ang mga pinagaling ni Hesus. Halimbawa, ang biyenang babae ni Pedro (Markos 1:31), ang anak ng senturyong Romano (Mateo 8:13), ang anak na babae ni Jairo (Markos 5:41-42), at ang paralitiko (Lukas 5:24-25) ay agad na gumaling sa kanilang mga karamdaman. Hindi sila umuwi sa kanilang bahay at naghintay sa kagalingan gaya ng ipinapayo ng mga “faith healers” ngayon. Ikalawa, lubusang gumaling ang lahat ng may karamdamang pinagaling ni Hesus. Dating nakaratay sa banig ang biyenang babae ni Pedro ngunit pagkatapos ng pagpapagaling ni Hesus, agad siyang bumangon at naghanda ng makakain para sa lahat ng bisita sa kanyang bahay. Ang mga bulag na pulubi naman sa Mateo 20:34 ay agad na nakakita. Ikatlo, pinagaling ni Hesus ang lahat ng lumapit sa Kanya ng hindi dumadaan sa panayam (Mateo 4:24; Lukas 4:40). Hindi kinailangang suriin muna ng mga alagad kung ano ang kanilang sakit bago sila lumapit kay Hesus para sa kagalingan, taliwas sa pamantayan ng mga nagpapagaling ngayon. Hindi nila kinailangang pumila upang mapagaling. Nagpagaling si Hesus sa lahat ng panahon sa maraming lugar, hindi sa isang studio o isang lugar na kayang kontrolin ng tao ang mga maaaring mangyari.

Ikaapat, aktwal na pinagaling ni Hesus ang mga totoong karamdaman, hindi mga sintomas lamang gaya ng pagpapagaling ng mga “faith healers” ngayon. Hindi lamang si Hesus nagpagaling ng sakit ng ulo, sakit ng ngipin o rayuma. Ang kanyang pinagaling ay mga ketongin, bulag at mga paralisado – mga himala na pinatunayan ng maraming nakasaksi. Panghuli, pinagaling ni Hesus ang pinakamalalang karamdaman – ang kamatayan. Pinabangon Niya mula sa mga patay si Lazaro pagkatapos ng apat na araw sa libingan. Walang “faith healer” ngayon ang kayang gayahin ang himalang ito. Bilang karagdagan, hindi kinakailangan ni Hesus ang pananampalataya ng tao bilang kundisyon sa Kanyang pagpapagaling. Sa katunayan, ang karamihan ng Kanyang mga pinagaling ay mga hindi mananampalataya.

Mula noon hanggang ngayon, lagi ng may mga huwad na “faith healers,” na dahil sa pinansyal na kapakinabangab o kaya naman ay dahil sa pagnanais na sumikat, ay sinisila ang mga desperado at mga nagdurusa. Ang ganitong klaseng gawain ang pinakamasamang uri ng pamumusong dahil maraming tao ang nagsayang ng pera para sa mga huwad na pangako ang tumanggi kay Hesus pagkatapos na hindi gumaling gaya ng ipinangako ng mga “faith healers.” Kung totoong may kakayahan ang mga “faith healers” ngayon na magpagaling, bakit hindi sila pumunta sa mga ospital at pagalingin ang lahat ng maysakit at palabasin silang lahat mula doon? Bakit hindi sila pumunta sa Africa at pagalingin ang lahat ng may AIDS? Hindi nila ito ginagawa dahil hindi nila talaga kayang gawin. Ang katotohanan ay wala talaga silang kapangyarihang magpagaling gaya ng Panginoong Hesu Kristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Totoo bang nakakapagpagaling ang mga faith healers? May pareho bang kapangyarihang magpagaling ang mga “faith healers” ngayon na gaya ni Hesus?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries