settings icon
share icon
Tanong

Ano ang fatalismo (fatalism)? Ano ang determinismo (determinism)?

Sagot


Magumpisa tayo sa pagbibigay ng pangkahalatang kahulugan:

Determinismo (determinism): Ang pananaw na ang bawat pangyayari ay may dahilan at ang lahat ng mga bagay sa buong kalawakan ay lubusang nakasalalay at pinamamahalaan ng batas ng kadahilanan. Dahil pinaniniwalaan ng mga naniniwala sa determinismo na ang lahat ng pangyayari, kasama ang mga aksyon ng tao ay nakatakda na, tipikal na ipinalalagay na hindi ito sang-ayon sa malayang pagpapasya ng tao (free will).

Fatalismo (fatalism): Ang paniniwala na “kung ano ang mangyayari, ay tiyak na mangyayari,” dahil ang mga pangyayari sa nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ay itinakda ng maganap ng isang makapangyarihan. Sa relihiyon, ang pananaw na ito ay maaaring tawaging predestinasyon; at pinaniniwalaan na ang pagpunta ng kaluluwa sa langit o impiyerno ay itinakda na bago pa ipanganak ang tao at tiyak na mangyayari iyon anuman ang ating maging buhay o desisyon sa lupa.

Free will (malayang pagpapasya): Ang teorya na ang bawat tao ay may kalayaang magpasya o gumawa ng kanyang sariling desisyon; na sa bawat sitwasyon, maaaring magdesisyon ang tao o gumawa ng isang bagay na hindi niya dapat ginawa. Ikinakatwiran ng mga pilosopo na hindi maaaring magkasundo ang malayang pagpapasya ng tao at determinismo.

Indeterminismo (indeterminism): Ang pananaw na may mga pangyayari na walang anumang pinagmulan o dahilan; maraming nanghahawak sa pananaw ng malayang pagpapasya na ang bawat aksyon ng pagpili ng tao ay maaaring hindi malaman sa pamamagitan ng saykolohiya (psychology) o pisolohiya (physiology).

Ang teolohikal na fatalismo (theological fatalism) ay isang pagtatangka na ipakita ang lohikal na pagkakasalungatan sa pagitan ng walang hanggang kaalaman ng Diyos at ng malayang pagpapasya ng tao, kung saan ang malayang pagpapasya ng tao ay itinuturing na isang kakayahang pumili sa pagitan ng mga alternatibo. Ito ay katulad ng palaisipan na “kaya ba ng isang makapangyarihang Diyos na gumawa ng isang napakabigat na bato na hindi Niya kayang buhatin?” Ang teolohikal na fatalismo (theological fatalism) ay maaaring ipaliwanag sa pamamagitan ng sumusunod: Walang hanggan ang kaalaman ng Diyos. Dahil Alam Niya ang lahat ng bagay, hindi nagkakamali ang Kanyang kaalaman (foreknowledge), Kung ang Diyos ay may hindi nagkakamaling kaalaman na may gagawin ka bukas (halimbawa: maglilinis ka ng banyo), kailangan mong gawin ang gawaing iyon (maglinis ng banyo). Kung kaya’t hindi posible ang kalayaan sa pagpapasya, dahil wala kang pagpipilian kundi ang gawin ang bagay na nakatakda mong gawin (maglinis ng banyo). Kung hindi mo magampanan ang gawaing iyon, lalabas na kapos ang kaalaman ng Diyos. Sa isang banda naman, kung gumawa ka ng bagay na nais ng Diyos na iyong gawin, wala kang kalayaang magpasya dahil sa iyong kawalan ng kalayaang mamili.

Maaari ding buuin ang argumentong kasalungat nito: Alam ng Diyos ang lahat ng bagay. Dahil alam Niya ang lahat ng bagay, hindi Siya maaaring magkamali. Kung hindi nagkakamali ang kaalaman ng Diyos na may gagampanan kang gawain bukas, malaya mong pipiliin ang gawaing iyon base sa iyong malayang pagpapasya, hindi dahil sa isa itong obligasyon o wala kang pagpipilian bago mo iyon gawin. Mayroon ka pa ring kalayaang magpasya upang gawin ang bagay na iyon; alam lamang ng Diyos ang iyong pipiliin bago mo iyon piliin. Hindi ka pinipilit na piliin ang una mong pagpipilian (maglinis ng banyo) kaysa sa ikalawa mong pagpipilian (manood ng TV). Kung magbabago ang iyong isip, makikita din iyon ng Diyos, kaya mayroon ka pa ring buong kalayaan sa iyong mga nais gawin. Gayundin, gagawin mo pa rin ang parehong pagpili (ng may kalayaan sa pagpapasya), kahit na hindi pinili ng Diyos na alamin ang hinaharap. Ang pagkaalam o hindi pagkaalam ng Diyos sa hinaharap ay hindi makakapagpabago sa iyong kalayaang magpasya.

Ang kaalaman, kung ito ay itinatago ay hindi makapagpapawalang bisa sa malayang pagpapasya sa anumang lohikal o rasyonal na paraan. Ang isang indibidwal na pinili ang gawaing (A) ay pipilin pa ring gawin iyon, alam man o hindi ng Diyos ang kanyang gagawin bago niya iyon gawin. Ang pag-alam o hindi pag-alam ng Diyos sa hinaharap ay hindi makakapagpabago sa malayang pagpapasya ng indibidwal. Mawawasak lamang ang malayang pagpapasya ng tao kung ipapaalam ng Diyos sa publiko ang malayang pagpapasya ng indibidwal sa hinaharap dahil sasagkaan nito ang malayang pagpapasya ng tao sa hinaharap at magiging isang obligasyon ang malayang pagpapasya ng tao. Ang isang simpleng ilustrasyon ay ang isang tao na nalaman na may isang taong naglalakbay sa ibang bahagi ng mundo na mababali ang binti kung tatakbo siya upang habulin ang bus. Hindi mababago ng taong nakaalam ng mangyayari ang pangyayaring iyon kahit pa nalaman niya iyon bago iyon maganap dahil mangyayari iyon kahit na nakita man iyon o hindi ng sinuman. Ang ilustrasyong ito ay naglalarawan sa kaalaman ng Diyos sa lahat ng bagay: hanggat hindi ito nakikialam sa realidad o sa kaalaman ng isang tao, hindi ito makakaapekto sa malayang pagpapasya ng tao.

Gayunman, kung nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, ito ang magiging problema para sa hindi pakikialam ng Diyos. Ang pangunawa sa walang hanggang kaalaman ng Diyos ay kaugnay ng pangunawa sa walang hanggang presensya ng Diyos sa lahat ng panahon. Kung alam ng Diyos ang lahat ng pangyayari – ang nakaraan, hinaharap at kasalukuyan – tiyak na alam din Niya ang lahat ng mangyayari at desisyon na gagawin ng indibidwal bagama’t sa perspektibo ng mga indibidwal na iyon, hindi pa nangyayari ang mga pangyayari at mga desisyon na kanyang gagawin. Maaaring sabihin na pinawawalang halaga nito ang kalayaan ng indibidwal bagama’t walang anumang prinsipyo sa teolohikal na fatalismo ang makapagpapawalang bisa sa kalayaan ng tao dahilan sa kaalaman ng Diyos sa gagawin ng tao. Dahil ayon sa Kristiyanong teolohiya, ang Diyos ay atemporal (umiiral ng labas sa panahon), Alam ng Diyos mula pa sa paglikha ang lahat ng mangyayari sa buhay ng isang tao tanggapin man o hindi ng indibidwal ang Kanyang kapamahalaan o awtoridad.

Narito ang iba pang implikasyon: May napakalaking pagkakaiba sa pagitan ng predestinasyon, fatalismo at tsansa o swerte.

Itinuturo ng mga fatalista (fatalists) na may isang bulag at walang buhay na pwersa na hindi kayang kontrolin ng tao – maging ng Diyos – at ang lahat ng mga pangyayari ay natatangay ng bulag at walang layuning kapangyarihang ito. Ito ang fatalismo (fatalism).

Ang tsansa naman ay isang kapritsosong pwersa na ipinagpapalagay na siyang dahilan ng magagandang pangyayari na tinatawag na swerte at masasamang pangyayari na tinatawag na malas na walang kinalaman ang Diyos. Sa isang mundo na pinangingibabawan ng tsansa, kaya ng Diyos na makita ang mga mangyayari, ngunit hanggang doon lang. Ang lahat ay nakasalalay sa swerte o malas. At kung tatanungin ang isang taong naniniwala sa tsansa kung paanong nagaganap ang mga bagay bagay, wala siyang maisasagot kundi “nangyayari ang lahat ng walang dahilan.”

Ang predestinasyon na siyang doktrina ng Bibliya ay nagsasaad na ang Diyos ay may layunin at “ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti” (Efeso 1:11; Daniel 4:35; Isaias 14:24; at 46:10). Itinuturo ng predestinasyon na hindi pinahihintulutan ng Diyos ang anumang pangyayari kung wala Siyang layunin o dahilan (Awit 33:11). Nangangahulugan ito na ang Diyos ang may walang hanggang kapamahalaan sa mundo, at ginagawa Niya ang anumang Kanyang maibigan ayon sa Kanyang sariling kalooban at pagpapasya.

Ang mga bulag na naniniwala na “mangyayari ang isang bagay kung talagang mangyayari,” ay nagkamali gaya ng mga naniniwala sa swerte o malas. Totoo na ang lahat ng dapat mangyari ay tiyak na mangyayari, ngunit iyon ay dahil lamang nais ng makapangyarihang Diyos na maganap ang Kanyang naisin.

Ang mga seryosong magaaral ng Bibliya ay hindi naniniwala na “nagaganap lamang ng kusa ang mga bagay-bagay.” Nauunawaan nila na ang isang matalino, banal, mabuti at makapangyarihang Diyos ang may ganap na kontrol sa bawat detalye ng buhay ng tao (Mateo 10:29-30). Ang isang tao na tinatanggihan ang pagkontrol ng Diyos sa kanyang buhay o hinahamak ang katotohanan tungkol sa walang hanggang kapamahalaan ng Diyos ay isang tao na hindi umiibig sa Diyos at inaayawan ang Diyos sa kanyang buhay. Nais Niya na ang kanyang sarili ang masusunod. Gaya siya ng Diyablo noong una na nagsabi kay Hesus, “Anong pakialam mo sa amin” (Markos 1:24). Ngunit hindi gayon; ang Diyos may ganap na kapamahalaan, at hindi Niya tatanggihan ang Kanyang sarili.



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang fatalismo (fatalism)? Ano ang determinismo (determinism)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries