Tanong
Ano ang ‘filioque clause’?
Sagot
Ang ‘filioque clause’ ay isang kontrobersya noon at hanggang ngayon sa Iglesia tungkol sa pinagmulan ng Banal na Espiritu. Ang tanong na pinag-ugatan ng pagtatalo ay, “Saan ba nagmula ang Banal na Espiritu? Sa Ama ba o sa Anak?” Ang salitang ‘filioque’ ay nangangahulugan na “at Anak” sa Latin. Ito ay tinatawag na “filioque clause” dahil sa parirala na “at Anak” na idinagdag sa Nicene Creed, na nagpapahiwatig na ang Banal na Espiritu ay nagmula sa Ama “at Anak.” Napakasidhi ng pagtatalo sa isyung ito at ito ang naging dahilan ng paghihiwalay sa pagitan ng Romano Katoliko at ng Eastern Orthodox Church noong A.D. 1054. Ang dalawang grupo ng relihiyon ay hindi pa rin nagkakasundo hanggang sa kasalukuyan tungkol sa isyu ng “filioque clause.”
Sinasabi sa atin sa Juan 14:26 “Datapuwa't ang Mangaaliw, sa makatuwid baga'y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan...” Sinasabi naman sa Juan 14:16, “At ako'y dadalangin sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang suma inyo magpakailan man.” Tingnan din ang Juan 14:15 at Filipos 1:19. Sinasabi ng Kasulatan na ang Banal na Espiritu ay nagmula sa Ama at sa Anak. Ang proposisyon sa isyu ng “filioque clause” ay ang pagnanais na protektahan ang pagka Diyos ng Banal na Espiritu. Malinaw na itinuturo sa atin ng Bibliya na ang Banal na Espiritu ay Diyos (Mga Gawa 5:2-4). Ang mga tumututol sa “filioque clause” ay naniniwala na kung tatanggapin ang katuruang ito, ang Banal na Espiritu ay magiging mas mababa kaysa sa Ama at sa Anak. Ang mga nagtatanggol sa “filioque clause” ay naniniwala na ang Banal na Espiritu ay nananatiling kapantay ng Ama at Anak bilang Diyos kahit pa Siya ay nagmula sa Ama at sa Anak.
Ang “filioque clause” ay isang kontrobersya na tumutukoy sa isang usapin tungkol sa persona ng Diyos na hindi natin lubusang mauunawaan. Ang Diyos, bilang walang hanggang persona ay hindi kayang lubusang maintindihan ng tao na may hangganan ang isip. Ang Banal na Espiritu ay Diyos at Siya ang ipinadala ng Diyos Ama upang maging “Kahalili” ng Panginoong Hesu Kristo dito sa lupa. Ang tanong kung saan ba nagmula ang Banal na Espiritu kung Siya ba ay nagmula sa Diyos Ama lamang o sa Diyos Ama at Anak ay hindi kailanman mabibigyan ng ganap na kasagutan at hindi na kailangan pa na bigyang kasagutan. Ang ‘filioque clause’ ay maaaring manatiling isang kontrobersya habang panahon.
English
Ano ang ‘filioque clause’?