Tanong
Sino ang mga Filisteo?
Sagot
Ang mga Filisteo ay isang agresibo, at mahilig sa digmaang bansa na nakatira sa isang bahagi ng timog kanluran ng Palestina sa pagitan ng Dagat Mediteraneo at Ilog Jordan. Ang pangalang Filistea ay nagmula sa salitang Hebreo na Philistia, at sa salitang Griego ito ay palaistinei, na nagbigay sa atin ng modernong pangalang "Palestina." Ang mga Filisteo ay unang naitala sa Kasulatan sa "Talaan ng mga Bansa, isang listahan ng mga unang tagapagtatag ng 70 bansa na nanggaling sa lahi ni Noe (Genesis 10:14). Inaakala ng iba ang mga Filisteo ay nagmula sa Caphtor, ang salitang Hebreo para sa pangalan ng isla ng Creta at ng buong rehiyon ng Aegean (Amos 9:7; Jeremias 47:4). Sa hindi malamang kadahilanan, lumikas sila mula sa rehiyong iyon at pumunta sa dalampasigan ng Mediteraneo malapit sa Gaza. Dahil sa kanilang kasaysayang pandagat, ang mga Filisteo ay laging iniuugnay sa mga "taong dagat." Itinala sa Bibliya na ang mga Filisteo ay nakipagugnayan kay Abraham at Isaac noong mga 2000 BC (Genesis 21:32, 34; 26:1, 8).
Pagkatapos na makipagugnayan ni Isaac sa mga Filisteo (Genesis 26:18), muli silang nabanggit sa aklat ng Exodo pagkatapos na tumawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula: "Nang payagan na ng Faraon ang mga Israelita, hindi sa daan patungong Filistia sila pinaraan ng Diyos kahit na iyon ang pinakamalapit. Ayaw niyang ang mga Israelita'y mapasubo agad sa labanan, baka magbago pa sila ng isip at magbalik sa Egipto" (Exodo 13:17).
Ang "daan patungong Filistia" ay tumutukoy sa ruta na kilala bilang Via Maris o "ang Daan ng Karagatan," isa sa tatlong pangunahing ruta ng kalakalan sa sinaunang Israel. Ang daan na ito sa tabing dagat ang naguugnay sa Nile Delta at Canna at Siria at sa dako pa roon, hanggang sa rehiyon ng Mesopotamia sa timog kanlurang Asya.
Ipinapahiwatig ng Lumang Tipan na noong humigit kumulang ikalabintatlong siglo BC, sa panahon nina Samuel at Samson, lumipat ang mga Filisteo malapit sa kalupaan mula sa dalampasigan ng Canaan. Doon, nagtayo sila ng sibilisasyon pangunahin sa limang siyudad: ang mga siyudad ng Gaza, Askalon, Asdod, Gath, at Ekron (Josue 13:3). Ang bawat limang siyudad na ito ay pinamumunuan ng isang "hari" o "panginoon" (mula sa salitang Hebreong seren, na isinasalin din sa salitang "maniniil"). Ang mga haring ito ay tila bumuo ng isang koalisyon na magkakapantay. Napanatili ng bawat hari ang malayang kontrol sa kanyang sariling siyudad, gaya noong ang hari ng Gath na si Akish ay nakipagdigma kay David (1 Samuel 27:5-7), ngunit gumawa sila ng magkakasama sa panahon ng mga pambansang kagipitan (Judges 16:5).
Mula sa pasimula, ang mga Filisteo kundi man kakampi ay malupit na kaaway ng bayan ng Diyos. Ginampanan nila ang isang mahalagang papel sa buhay ni Samson (Judges 13:1; 14:1), ni Samuel (1 Samuel 4:1), ni Saul (1 Samuel 13:4), at ni David (1 Samuel 17:23).
Ang mga Filisteo ay kilala sa kanilang makabagong paggamit ng bakal, na mas matibay kaysa sa tanso na ginamit ng mga Israelita bilang sandata at kagamitan. Kahit na sa mga huling bahagi ng buhay ni haring Saul (1050 — 1010 BC), napilitan ang mga Israelita na sumandal sa mga Filisteo para sa paghahasa at pagkukumpuni ng kanilang mga kagamitang bakal (1 Samuel 13:19-21). Dahil sa kanilang mas makabago at agresibong polisiyang pang militar, patuloy na hinadlangan ng mga Filisteo ang paglago ng Israel bilang isang bansa. Sa loob ng halos 200 taon, ginipit at pinahirapan ng mga Filisteo ang mga Israelita at laging sinasalakay ang teritoryo ng Israel. Hindi magawang talunin ng mga Israelita ang hukbo ng Filisteo. Nagawa lamang nilang talunin ang mga ito noong talunin ni Samuel at ni David sa pamamagitan ng gabay ng Diyos ang mga Filisteo (1 Samuel 7:12-14; 2 Samuel 5:22-25).
Ipinapahiwatig ng Lumang Tipan na sumasamba ang mga Filisteo sa tatlong diyus-diyusan: Si Astarot, Dagon at Beelzebub—ang bawat isa sa mga ito ay may mga dambana sa iba't ibang siyudad (Hukom 16:23; 1 Samuel 31:10; 2 Hari 1:2). Ang mga tuklas ng mga arkeologo ay nagpapakita na dinadala ng mga sundalong Filisteo ang rebulto ng kanilang diyus-diyusan sa kanilang pakikipagdigma (2 Samuel 5:21). Sila ay mga mapamahiing tao na iginagalang ang kapangyarihan ng Kaban ng Tipan ng Israel (1 Samuel 5:1-12).
KIlala ang mga Filisteo dahil sa kanilang produksyon at pagkonsumo ng inuming nakalalasing, partikular ang beer. Ang mga guho ng sinaunang Filistea ay naglalaman ng maraming gawaan ng alak gayundin ng hindi mabilang na sisidlan ng beer at ng iba pang lalagyan ng alak. Ang kasal ni Samson na nakatala sa aklat ng mga Hukom ay naglalarawan ng kaugalian ng mga Filisteo na pagiinom at kasayahan na tumatagal ng isang linggo; ang salitang Hebreong misteh, na isinalin sa salitang "salu-salo" sa Hukom 14:10, ay nangangahulugan ng "inuman."
Laging tinutukoy ng mga Israelita ang mga Filisteo bilang mga taong "hindi tuli" (Hukom 15:18; 1 Samuel 14:6; 2 Samuel 1:20), na nangangahulugan na ng panahong iyon ay mga taong walang relasyon sa Diyos. Hindi sila bayang pinili ng Diyos at dapat na istriktong iwasan at itinuturing na nakakahawa ang kanilang kasamaan.
Sa kasalukuyan, ang salitang Filistea ay ginagamit na pantawag para sa isang taong mapurol ang isip at walang pinagaralan. Ang totoo, ang mga Filisteo ng kasaysayan ay hindi mga walang pinagaralan at hindi walang modo. Sila ay mga modernong mandaragat na sa loob ng ilang henerasyon ay mas maunlad kaysa sa Israel.
Bukod sa kabanata 47 ng Jeremias, may napakakonting pagtukoy sa mga Filisteo sa mga hula sa Bibliya. Sa huli, ang mga Filisteo ay naging bahagi ng kultura ng mga Cananeo. Naglaho sila sa wakas sa talaan ng Bibliya gayundin sa kasaysayan at naiwan lamang ang pangalang "Palestina" bilang patunay sa kanilang pag-iral.
English
Sino ang mga Filisteo?