Tanong
Ano ang Free Masonry at ano ang pinaniniwalaan ng mga Mason?
Sagot
Pakitandaan lamang na hindi namin ipinagpapalagay na ang lahat ng kasapi ng Free Masonry ay kulto o ang lahat ng mga Free Mason ay naniniwala sa lahat ng paniniwala ng Free Masonry na binabanggit namin sa artikulong ito. Ito ang aming sinasabi: ang Free Masonry sa kaibuturan nito ay hindi isang organisasyong Kristiyano. Maraming mga Kristiyano ang umalis sa samahang ito pagkatapos na malaman kung ano ang pinaniniwalaan ng Free Masonry. May mga mabubuti at makadiyos na mga lalaki na mga tunay na mananampalataya ang ngayon ay mga Mason. Aming pinanghahawakan na miyembro sila ng grupong ito dahil hindi nila nauunawaan kung ano talaga ang Free Masonry. Ang bawat isa ay dapat manalangin para sa karunungang mula sa Panginoon kung sasapi o hindi sa samahang ito. Ang artikulong ito ay sinala at pinagtibay ng isang dating Worshipful Master ng isang Blue Lodge.
Sagot: Kung hindi susuriin ng malalim, ang Freemasonry, Eastern Star, at iba pang katulad na “sikretong” organisasyon ay tila mga hindi nakakapinsalang organisasyon. Maraming relihiyon at organisasyon ang sa biglang tingin ay nagsusulong ng pananampalataya sa Diyos, gayunman, kung susuriing mabuti, makikita natin na ang tanging kinakailangan upang sumapi sa mga ito ay ang hindi maniwala sa isang Tunay at Buhay na Diyos, sa halip, ang isang tao ay kinakailangang maniwala sa pagkakaroon ng isang “Diyos” na maaaring mga “diyos” ng Islam, hinduismo o kahit anong relihiyon. Ang mga paniniwalang hindi ayon sa Bibliya at mga gawang laban sa Kristiyanismo ay itinatago sa likod ng panlabas na mga paniniwala na ipinagpapalagay na kasundo ng pananampalatayang Kristiyano. Ang mga sumusunod ang paghahambing sa sinasabi ng Bibliya at sa opisyal na posisyon ng Free Masonry:
Kaligtasan mula sa kasalanan:
Ang pananaw ng Bibliya: Si Hesus ang naging handog para sa kasalanan ng tao sa harapan ng Diyos ng Kanyang ibuhos ang Kanyang dugo para sa katubusan ng mga kasalanan ng lahat ng mga mananampalataya sa Kanya (Efeso 2:8-9, Roma 5:8, Juan 3:16).
Ang pananaw ng mga Mason: Ang mismong proseso ng pagsapi sa Lodge ay nangangailangan ng pagtanggi ng isang Kristiyano sa pagaangkin ni Hesus na Siya lamang ang Panginoon at Tagapagligtas. Ayon sa Free Masonry, ang isang tao ay maliligtas at pupunta sa langit dahil sa kanyang mabubuting gawa at pagpapaunlad sa sarili.
Ang pananaw sa Bibliya:
Ang pananaw ng Bibliya sa kanyang sarili: Ang supernatural na pagkasi ng Diyos sa mga Kasulatan ang ebidensya na ito ay hindi nagkakamali at ang mga katuruan at awtoridad nito ang pinakamataas na pamantayan ng pananampalataya at gawa. Ang Bibliya ang Salita ng Diyos (2 Timoteo 3:16, 1 Tesalonica 2:13).
Ang pananaw ng Mason sa Bibliya: Ang Bibliya ay isa lamang sa ilang mga “sipi ng Banal na Kautusan,” at ang lahat ng mga kasulatan bukod sa Bibliya ay pantay ang awtoridad ayon sa Free Masonry. Ang Bibliya ay isang mahalagang aklat, ngunit para lamang sa mga Kristiyano, gaya naman na ang Koran ay isang ring mahalagang Aklat para sa mga Muslim. Hindi itinuturing ng Free Masonry ang Bibliya na eksklusibong Salita ng Diyos o pinaniniwalaan man na tanging ito kapahayagan ng Diyos ng Kanyang sarili sa sangkatauhan. Sa halip, ito ay isa lang sa mga saligan ng pananampalataya ng mga relihiyon. Ito ay isang mabuting gabay para sa moralidad. Ang Bibliya ay pangunahing ginagamit bilang simbolo ng kalooban ng Diyos na maaaring matagpuan sa iba pang Banal na Kasulatan gaya ng Koran ng mga Muslim o Rig Vedas ng mga Hindu.
Ang Doktrina tungkol sa Diyos:
Ang pananaw ng Bibliya: Mayroon lamang iisang Diyos. Ang iba’t ibang pangalan ng Diyos ay tumutukoy sa Diyos ng Israel at ang bawat pangalan ay nagpapahayag ng partikular na katangian ng Diyos. Ang pagsamba sa ibang diyos o pagtawag sa mga diyus diyusan ay karumaldumal sa Diyos (Exodo 20:3). Tinukoy ni Pablo na isang napakalaking kasalanan ang pagsamba sa diyus diyusan (1 Corinto 10:14) at sinabi ni Juan na ang mga sumasamba sa diyus diyusan ay mapapahamak sa apoy ng impiyerno (Pahayag 21:8).
Ang pananaw ng Free Masonry: Ang lahat ng miyembro ay kinakailangang maniwala sa isang “diyos.” Kinikilala ng iba’t ibang relihiyon ang parehong Diyos at tinatawag lamang nila ang Diyos sa iba’t ibang pangalan. Iitnuturo ng Free Masonry sa mga tao na kahit na gumamit sila ng iba’t ibang pangalan para sa ‘Isang walang pangalan na may daan daang pangalan,’ tumatawag silang lahat sa iisang Diyos at Ama nating lahat.
Ang Doktrina tungkol kay Hesus at sa Trinidad:
Ang pananaw ng Bibliya: Si Hesus ay Diyos na nagkatawang tao (Mateo 1:18-24, Juan 1:1). Si Hesus ang ikalawang persona ng Trinidad (Mateo 28:19, Markos 1:9-11). Habang narito sa mundo, Siya ay naging tunay na tao (Markos 4:38, Mateo 4:2) ngunit nanatiling tunay na Diyos (Juan 20:28, Juan 1:1-2, Gawa 4:10-12). Dapat na manalangin ang mga Kristiyano sa pangalan ni Hesus at ipahayag Siya sa lahat ng tao, gaano man ito kasakit sa pandinig ng mga hindi Kristiyano (Juan 14:13-14, 1 Juan 2:23, Gawa 4:18-20).
Ang pananaw ng Free Masonry: Hindi eksklusibo si Hesus o ang tatlong persona sa iisang Diyos, ang Ama, Anak at Espiritu Santo; kaya nga walang doktrina tungkol sa pagka-Diyos ni Kristo. Hindi katanggap tanggap para sa mga Mason na banggitin ang pangalan ni Hesus sa pananalangin sa kanilang grupo. Ang suhestyon na si Hesus lamang ang tanging Daan patungo sa Diyos ay pagsalungat sa prinsipyo ng pagtanggap sa lahat ng relihiyon. Dapat na alisin ang pangalan ni Hesus sa mga talata sa Bibliya na ginagamit sa mga ritwal ng mga Mason. Si Hesus ay hindi natatangi sa halip, kapantay lamang ng iba pang mga lider ng ibang relihiyon.
Doktrina sa kalikasan ng tao at kasalanan:
Ang pananaw ng Bibliya: Ang lahat ng tao ay isinilang na may makasalanang kalikasan at walang kabutihan sa kanyang sarili na katanggap tanggap sa Diyos. Dahil dito ang lahat ng tao ay nangangailangan ng Tagapaglitas mula sa kanilang mga kasalanan (Roma 3:23, Roma 5:12, Awit 51:5, Efeso 2:1). Itinatanggi ng Bibliya na may kakayahan ang tao sa kanyang sarili na maging perpekto ang moralidad (1 Juan 1:8-10, Roma 1:18-25).
Ang pananaw ng Free Masonry: Sa pamamagitan ng mga simbolo at tatak, itinuturo ng mga Mason na hindi makasalanan ang tao kundi “magaspang lamang at hindi perpekto sa kalikasan.” Maaaring mapaunlad ng sangkatauhan ang kanilang mga gawa at paguugali sa iba’t ibang kaparaanan, kasama rito ang pagkakawang gawa, pamumuhay ng moral, at boluntaryong pagganap ng mga tungkulin sa sosyedad. Nagtataglay ang sangkatauhan ng kakayahan na umunlad mula sa pagiging hindi perpekto patungo sa pagiging perpekto. Ang pagiging perperkto sa moralidad at espiritwal ay matatagpuan sa kaibuturan ng puso ng lahat ng tao.
Kung nanunumpa ang isang Kristiyano bilang isang Mason, sumusumpa siya na susundin ang mga sumusunod na doktrina na ayon sa Diyos ay maling katuruan at kasalanan laban sa Kanya:
1. Na ang kaligtasan ay makakamtan sa pamamagitan ng mabubuting gawa ng tao.
2. Na si Hesus ay kapantay lamang ng maraming pinagpipitaganang propeta.
3. Na sila ay mananatiling tahimik sa kanilang pagsasama-sama at hindi magsasalita tungkol kay Kristo.
4. Na sila ay dadalo sa kanilang pagtitipon sa diwa ng kadiliman at kawalang muwang, samantalang sinasabi ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay mga anak ng kaliwanagan at pinananahanan ng Liwanag ng sanlibutan – ang Panginoong Hesu Kristo.
5. Sa pagimpluwensya sa mga Kristiyano na manumpa bilang miyembro ng samahan, itinutulak nila ang mga Kristiyano sa pamumusong at pagbanggit sa pangalan ng Panginoon ng walang kabuluhan.
6. Itinuturo ng Free Masonry na ang G.A.O.T.U. [Great Architect of the Universe] o Dakilang Arkitekto ng Sansinukob na kanilang pinaniniwalaan ang kinatawan ng lahat ng “diyos” sa lahat ng relihiyon.
7. Sinasabi ng Masonry na para sa lahat ng tao at relihiyon ang kanilang mga panalangin at hinihimok ang mga kasapi na gumamit ng “generic” na pangalan upang hindi makasakit sa ibang mga “kapatid” na hindi manananampalataya.
8. Sa pamamagitan ng panunumpa sa Free Masonry at pakikilahok sa mga doktrina ng Lodge, sinasangayunan ng mga Kristiyano ang isang huwad na Ebanghelyo sa harapan ng ibang miyembro na naniniwala na ang paraan ng Kaligtasan ay ayon sa turo ng Free Masonry. Sa kanilang pakikilahok sa ganitong uri ng organisasyon, ikinokompromiso nila ang kanilang patotoo bilang mga Kristiyano.
9. Sa pamamagitan ng pagtupad sa mga obligasyon bilang Mason, pinahihintulutan ng isang Kristiyano na marumihan ang kanyang isip, espiritu at katawan at naglilingkod siya sa huwad na diyos at naniniwala sa mga maling doktrina.
Gaya ng malinaw na mapapansin sa aming mga sinabi sa itaas, sinasalungat ng Free Masonry ang malinaw na katuruan ng Kasulatan at ang napakaraming isyu sa Kristiyanismo. Hinihingi din ng Free Masonry sa mga tao na makilahok sa mga gawain na ipinagbabawal ng Bibliya. Dahil dito, hindi dapat na maging miyembro ng Free Masonry ang isang Kristiyano at ng kahit anong sikretong organisasyon na may anumang kaugnayan sa Free Masonry. English
Ano ang Free Masonry at ano ang pinaniniwalaan ng mga Mason?