settings icon
share icon
Tanong

Ano ang fundametalismo (fundamentalism)?

Sagot


Ang salitang ‘fundamental’ ay maaaring maglarawan sa kahit anong relihiyon na naninindigan sa mga pangunahing paniniwala nito. Ang fundamentalismo (fundamentalism) sa artikulong ito ay isang kilusan sa loob ng Kristiyanismo na nanghahawak sa mga esensyal na katuruan ng pananampalatayang Kristiyano. Sa modernong panahon, ang salitang fundamentalist ay laging ginagamit ng may pangit na konotasyon.

Ang kilusang fundamentalismo (fundamentalism) ay nagmula sa Princeton Theological Seminary dahil sa asosasyon nito sa mga nagtapos mula sa institusyong ito. Dalawang mayamang layko sa simbahan ang inatasan ng pitumpu’t pitong (97) konserbatibong lider ng mga iglesya mula sa kanlurang bahagi ng mundo na sumulat ng 12 paksa tungkol sa mga pangunahing paniniwala ng mga Kristiyano. Pagkatapos inilathala nila ang kanilang mga sinulat at ipinamahagi ang may 300,000 kopya sa mga pastor at manggagawa ng iglesya ng libre at sa mga taong sangkot sa pangunguna sa kani-kanilang mga iglesya. Ang mga aklat ay may pamagat na ‘The Fundamentals,’ at nakaimprenta pa rin hanggang ngayon sa aklat na may dalawang bahagi.

Ginawang pormal ang Fundamentalism noong huling bahagi ng ika-dalawampung siglo sa pamamagitan ng mga konserbatibong Kristiyano na sina — John Nelson Darby, Dwight L. Moody, B. B. Warfield, Billy Sunday, at iba pa — na nagaalala na ang moralidad ay sinisira ng modernismo — isang paniniwala na ang tao (sa halip na ang Diyos) ang lumilikha, nagpapabuti at humuhugis sa kapaligiran sa pamamagitan ng tulong ng karunungan sa siyensya, teknolohiya at praktikal na pag-eeksperimento. Bilang karagdagan sa paglaban sa impluwensya ng modernismo, ang iglesya noon ay kumakaharap sa kilusan na tinatawag na mataas na kritisismo (higher cristicism) ng mga Aleman, na sinisikap na pabulaanan ang kawalang kamalian ng Banal na Kasulatan.

Ang Fundamentalism ay itinatag sa limang doktrina ng pananampalatayang Kristiyano, bagama’t mas higit pa sa rito ang itinuturo ng kilusang ito.

1) Ang Bibliya ay literal at totoo. Kasama sa doktrinang ito ang paniniwala na walang pagkakamali ang Salita ng Diyos, na ito ay malaya sa kamalian at anumang pagkakasalungatan.

2) Ang kapanganakan ni Hesus sa pamamagitan ng isang birhen at ang kanyang pagka-Diyos. Naniniwala ang mga fundamentalists na si Hesus ay isinilang ni birheng Maria at ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at Siya ay ang Anak ng Diyos at tunay na Diyos at tunay na tao.

3) Ang paghalili ni Hesus at pagtubos sa kasalanan doon sa krus. Itinuturo ng fundamentalism na ang kaligtasan ay nakakamit sa pamamagitan lamang ng biyaya at pananampalataya sa ginawa ni Hesus sa Krus para sa kasalanan ng sangkatauhan.

4) Ang pagkabuhay na muli ni Hesus. Sa ikatlong araw, pagkatapos na ipako sa krus, bumangon si Hesus mula sa mga patay, umakyat sa langit at ngayo’y nakaupo sa kanan ng Kanyang Ama sa langit.

5) Ang katotohanan ng mga himala ni Hesus na nakatala sa Kasulatan at ang literal na pagbabalik ni Hesus sa lupa bago ang isanlibong taon ng Kanyang paghahari.

Ang iba pang mga puntos ng doktrina na pinanghahawakan ng mga fundamentalists ay ang pagiging manunulat ni Moises ng unang limang aklat ng Bibliya at ang pagdagit sa Iglesya patungo sa langit bago ang pitong taon ng kapighatian na magaganap sa huling panahon. Nakararami rin sa mga fundamentalists ang naniniwala sa dispensasyon.

Ang kilusang fundamentalismo ay laging yumayakap ng mahigpit sa katotohanan at nagbunga ito sa maraming paghihiwalay. Maraming bagong denominasyon at samahang Kristiyano ang lumitaw habang maraming mga tao ang umalis sa kani-kanilang mga Iglesya sa paghahanap ng dalisay na doktrina. Ang isa sa mga kinikilalang katangian ng mga fundamentalists ay ang pagtingin nila sa kanilang sarili bilang mga bantay ng katotohanan at kadalasan ay ang pagtanggi sa interpretasyon ng iba sa Bibliya. Sa panahon ng pagimbulog ng fundamentalism, niyayakap noon ng mundo ang liberalismo, modernismo at ang katuruan ni Darwin at ang iglesya mismo ay napasok ng mga bulaang tagapagturo. Ang fundamentalismo ay reaksyon laban sa kawalan ng pagtuturo ng tamang doktrina ng Bibliya.

Nakaranas ng mabigat na pagsubok ang kilusan noong 1925 dahil sa isang liberal na lathalain ng maalamat na paglilitis ng Scopes. Bagama’t nanalo ang mga fundamentalists sa kaso, ipinahiya sila sa publiko. Pagkatapos nito, nagumpisang magkawatak-watak ang mga fundamentalists at nagumpisa silang muli. Ang pinakakilala at pinakamaingay na grupo ng Fundametalist sa Amerika ay ang tinatawag na ‘Christian Right.’ Ang grupong ito ay sangkot sa mga kilusan sa pulitika ng higit kaysa sa ibang grupong panrelihiyon. Noong mga 1990s, iba pang grupo gaya ng Christian Coalition at Family Research Council ang nagkaroon ng impluwensiya sa pulitika at sa mga isyu sa kultura. Sa ngayon ang fundamentalism ay nabubuhay sa iba’t ibang grupong ebangheliko gaya ng Southern Baptist Convention. Sa kabuuan, ang mga grupong ito ay nagaangkin ng mahigit sa 30 milyong tagasunod.

Gaya ng ibang kilusan, naranasan ng fundamentalism ang mga tagumpay at kabiguan. Marahil, ang pinamalaki nilang kabiguan ay ang pagpayag nila na pakahuluganan ng kanilang mga kaaway ang ibig sabihin ng maging isang Fundamentalist. Dahil dito, maraming tao ngayon ang nagaakala na ang mga Fundamentalists ay mga radikal na mga ekstremista na humahawak ng buhay na ahas at nagtatangkang magtatag ng isang pambansang relihiyon at ipinipilit ang kanilang mga paniniwala sa iba. Napakalayo nito sa katotohanan. Ninanais lamang ng mga Fundamentalists na bantayan “ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal” (Judas 1:3).

Ang iglesya ay nakikipagbaka sa panahong ito ng post modernismo, kultura ng sekularismo at nangangailangan ng mga miyembro na hindi mahihiyang ipangaral ang Ebanghelyo ni Kristo. Hindi nagbabago ang katotohanan at ang katapatan sa mga pangunahing prinsipyo at doktrina ay lubhang kinakailangan sa kasalukuyan. Ang mga prinsipyong ito ang matibay na pundasyon kung saan nakatayong matatag ang Kristiyanismo at gaya ng itinuro ng Panginoong Hesu Kristo, ang isang gusaling nakatayo sa ibabaw ng Bato ay hindi matitinag ng anumang bagyo (Mateo 7:24-25).



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang fundametalismo (fundamentalism)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries