Tanong
Gaano kalaki ang Diyos?
Sagot
Ang tanong na "gaano kalaki ang Diyos" ay nagmumula sa magkaibang konteksto: mula sa isang seryosong diskusyong pilosopikal at pambatang paaralan tuwing Linggo. Ang karaniwang sagot sa mga bata kapag itinatanong nila kung gaano kalaki ang Diyos ay, "higit pa sa inaakala o iniisip mo" ngunit sa pilosopiya, partikular sa metapisika, ang tanong na ito ay kinakailangan ng mahabang talakayan tungkol sa realidad, sa pag iral ng supernatural, atbp. Maaaring pagtawanan lamang ng mga intelektwal kapag ang mga bata ay nagtatanong ng "gaano ba kalaki ang Diyos?" ngunit tiyak na pagtatawanan din ng mga bata ang mga pilosopong ito dahil sa kanilang pagkalito tungkol sa realidad.
Sa ating pagharap sa usapin kung gaano ba talaga kalaki ang Diyos, kailangang maunawaan na ang Diyos ay hindi ginawa mula sa anumang "bagay o materyal"; Kaya't Siya ay walang sukat o dimensyon at hindi Siya maaaring ilarawan ng anumang espasyo, puwang o hugis. Kailanman ay hindi "ginawa" ang Diyos. Walang gumawa o humugis sa kanya dahil siya ay umiiral na noon pa man mula sa walang hanggan at hanggang sa walang hanggan (Pahayag 22:13). Siya ay umiiral at patuloy na iiral, kaya naman kung wala Siya ay walang pag iral ng anumang bagay. Ang Diyos ay tunay na umiiral ng namumukod-tangi at hindi nakadepende sa kanyang mga nilikha.
Siya ay "espiritu" (Juan 4:24) at ang "espiritu" ay walang pisikal o materyal na hugis. Ang katangiang ito ng Diyos ay sadyang mahirap nating maunawaan dahil tayo ay may espiritu na nakakonekta sa ating pisikal na katawan at nakaugnay sa materyal na mundo. Likas sa atin ang pagsukat sa lahat ng bagay ayon sa haba, lalim, at taas dahil naakala natin na mauunawaan natin ng mabuti ang isang bagay sa pamamagitan ng maayos na pagtaya at tamang sukat. Iyan din ang dahilan kung bakit naimbento natin ang mga panukat kagaya ng angstroms, pulgada, metro, milya, at sinag-taon (light year). Ngunit magkakaroon tayo ng problema kapag susubukan nating sukatin ang Diyos ayon sa mga panukat na ito dahil matutuklasan natin na Siya ay imateryal at hindi maaaring sukatin. Ang Diyos ay walang katapusan sa lahat ng kanyang aspeto. Dahil diyan, hindi Niya gusto na Siya ay sinusukat, sinusuri at kinikilatis.
Kung itatanong natin kung gaano kalaki ang Diyos, Siya ay napakalaki ng higit pa sa ating iniisip dahil Siya ay nakahihigit at lampas sa lahat ng inaakala ng ating may hangganang isipan; Siya ay tunay na "naiiba" dahilan upang hindi natin Siya lubos na maunawaan. Gayon din naman, tayo ay nilikha ayon sa kanyang wangis, at tayo ay kanyang iniibig (Genesis1:27; Juan 3:16). Nakikipag-ugnayan din Siya sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Jesus. Kaya't nagmula man sa mga bata sa linggong paaralan o sa metapisiko ang tanong tungkol sa laki ng Diyos, ang kasagutan ay: "Siya ay napakalaki upang likhain ang kalawakan at "sapat na maliit" upang ibigin tayo at makilala natin Siya.
English
Gaano kalaki ang Diyos?