settings icon
share icon
Tanong

Paano ko mararanasan ang paggabay ng Banal na Espiritu?

Sagot


Bago si Hesus umakyat sa langit, sinabi Niya sa Kanyang mga alagad na padadalhan Niya sila ng Isang magtuturo at gagabay sa lahat ng mananampalataya (Gawa 1:5; Juan 14:26; 16:7). Ang pangakong ito ni Hesus ay natupad mahigit isang linggo noong dumating ang Banal na Espiritu na may kapangyarihan sa araw ng Pentecostes (Gawa 2). Ngayon, sa oras na manampalataya kay Kristo ang isang tao, agad na nananahan sa kanya ang Banal na Espiritu at nagiging permanenteng bahagi Siya ng kanyang buhay (Roma 8:14; 1 Corinto 12:13).

Maraming gawain ang Banal na Espiritu. Hindi lamang Siya nagbibigay ng mga kaloob ayon sa Kanyang maibigan (1 Corinto 12:7–11), kundi inaaliw (Juan 14:16), tinuturuan Niya tayo (Juan 14:26), at nananahan Siya sa atin bilang tatak ng pangako ng Diyos sa ating mga puso hanggang sa muling pagparito ng Panginoong Hesu Kristo (Efeso 1:13; 4:30). Ang Banal na Espiritu ay nagsisilbi ding Gabay at Tagapayo na nagpapaalam sa atin kung ano ang ating gagawin at Siya ring nagaakay sa atin sa buong katotohanan (Lukas 12:12; 1 Corinto 2:6–10).

Ngunit paano natin mararanasan ang paggabay ng Banal na Espiritu? Paano natin malalaman kung ano ang ayon lamang sa ating sariling isip at kung ano ang ayon sa Banal na Espiritu? Hindi nagsasalita ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng tinig na naririnig ng tenga. Sa halip ginagabayan Niya tayo sa pamamagitan ng ating konsensya (Roma 9:1) at sa isang tahimik at mahiwagang pamamaraan.

Ang isa sa mahalagang pamamaraan upang maranasan ang paggabay ng Banal na Espiritu ay ang maging pamilyar sa Salita ng Diyos. Ang Bibliya ang pinakamataas na pamantayan na pinagmumulan ng karunungan at katotohanan na dapat nating ipamuhay (2 Timoteo 3:16), at dapat na saliksikin ng mga mananampalataya ang Salita ng Diyos, pagbulay-bulayan iyon at isaulo (Efeso 6:17). Ang Salita ng Diyos ang “tabak ng Espiritu” (Efeso 6:17), at ginagamit ito ng Banal na Espiritu upang mangusap sa atin, (Juan 16:12–14) at ipaalam ang kalooban ng Diyos sa ating mga buhay. Ipinapaalala din Niya sa atin ang mga talata sa Bibliya sa panahon na kailangang kailangan natin ang mga iyon (Juan 14:26).

Ang kaalaman sa Salita ng Diyos ang tutulong sa atin upang ating malaman kung ang ating nais ay nanggagaling sa Banal na Espiritu. Dapat nating timbangin at salain ang ating mga kagustuhan sa liwanag ng Salita ng Diyos. Hindi tayo hihimukin ng Banal na Espiritu na gumawa ng anumang bagay na salungat sa Salita ng Diyos. Kung sumasalungat sa Bibliya ang ating iniisip at ninanais, hindi iyon galing sa Banal na Espiritu at hindi dapat pagtuunan ng pansin.

Kinakailangan din ang patuloy na pananalangin sa Diyos Ama (1 Tesalonica 5:17). Hindi lamang binubuksan ng panalangin ang ating puso at isip sa pangunguna ng Espiritu kundi ito rin ang kasangkapan upang mangusap ang Banal na Espiritu para sa atin: “Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya't ang Espiritu ang dumaraing para sa atin, sa paraang di natin kayang sambitin. At ang Diyos na siyang nakakasaliksik sa puso ng tao, ang siyang nakakaalam kung ano ang kalooban ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang namamagitan para sa mga hinirang, ayon sa kalooban ng Diyos” (Roma 8:26–27).

Ang isa pang paraan upang malaman na sumusunod tayo sa pangunguna ng Banal na Espiritu ay ang paghahanap ng bunga ng Espiritu sa ating mga buhay (Galacia 5:22). Kung lumalakad tayo sa Espiritu, patuloy nating makikita ang mga katangiang ito na lumalago at nagpapatibay sa atin at mapapansin din naman ng ibang tao ang mga bungang ito ng Banal na Espiritu sa ating mga buhay.

Mahalagang tandaan na mayroon tayong kalayaan kung tatanggapin natin o hindi ang paggabay ng Banal na Espiritu. Kung alam natin ang Salita ng Diyos at hindi natin iyon sinusunod, hinahadlangan natin ang pagkilos ng Banal na Espiritu sa ating mga buhay (Gawa 7:51; 1 Tesalonica 5:19), at ang pagnanais na sundin ang ating sariling kagustuhan ang pumipighati sa Banal na Espiritu (Efeso 4:30). Hindi tayo aakayin ng Banal na Espiritu sa pagkakasala kailanman. Ang pamumuhay sa kasalanan ang nagiging daan upang hindi natin maintindihan ang nais na sabihin ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng Bibliya. Mararanasan natin ang pangunguna ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng patuloy na pagsunod sa kalooban ng Diyos, paglapit sa Kanya at pagpapahayag ng ating mga kasalanan, at patuloy na pananalangin at pagaaral ng Kanyang mga Salita – ang Bibliya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko mararanasan ang paggabay ng Banal na Espiritu?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries