settings icon
share icon
Tanong

Ano ang biblikal na pang-unawa sa galit ng Diyos?

Sagot


Ang salitang galit ay nangangahulugan na “isang emosyonal na tugon sa kasamaan at kawalang hustisya,” na laging isinasalin sa salitang “poot,” “pagkamuhi,” “pagkainis,” o”pagkairita.” Parehong nagpapahayag ng pagkagalit ang Diyos at tao. Ngunit may napakalaking pagkakaiba sa pagitan ng galit ng Diyos at galit ng tao. Ang galit ng Diyos ay banal at laging makatwiran; ang galit ng tao ay makasalanan at bibihirang nagiging makatwiran.

Sa Lumang Tipan, ang galit ng Diyos ay ang kanyang banal na tugon sa kasalanan at pagsuway ng tao. Ang pagsamba sa mga diyus diyusan ang laging nagiging dahilan ng Kanyang banal na pagkagalit. Sa Awit 78:56-66, inilarawan ang pagsamba ng mga Israelita sa mga diyus diyusan. Ang galit ng Diyos ay laging nakatuon sa mga taong hindi sumusunod sa Kanyang kalooban (Deuteronomio 1:26-46; Josue 7:1; Awit 2:1-6). Isinulat ng mga propeta sa Lumang Tipan ang tungkol sa “isang araw ng poot ng Diyos” sa hinaharap (Zepanias 1:14-15). Ang galit ng Diyos laban sa kasalanan at pagsuway ay laging makatwiran dahil ang kanyang plano para sa sangkatauhan ay banal at perpekto, gaya Niya mismo na banal at perpekto. Ipinagkaloob ng Diyos ang paraan upang makamit ang kanyang banal na pagsang ayon - ang pagsisisi - na pumapawi ng poot ng Diyos sa makasalanan. Ang tanggihan ang planong ito ay tanggihan ang Kanyang pag-ibig, awa, grasya at habag at magimbita ng kanyang makatwirang galit.

Sa Bagong Tipan, sinang-ayunan ng katuruan ni Kristo ang konsepto na ang Diyos ay Diyos na nagagalit at Siyang hahatol sa kasalanan. Ang kuwento tungkol sa mayaman at Lazaro ay nagpapahiwatig ng hustisya ng Diyos at ng nakakatakot na konsekwensya para sa mga makasalanan na ayaw magsisi (Lukas 16:19-31). Sinabi ni Hesus sa Juan 3:36, “Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Dios ay sumasa kaniya.” Ang nananampalataya sa Anak ay hindi na magdaranas ng galit ng Diyos, dahil inako ng Kanyang Anak ang galit ng Diyos ng mamatay Siya bilang ating kahalili doon sa krus (Roma 5:6-11). Ang mga hindi nananampalataya sa Anak, at hindi tumatanggap sa Kanya ay huhukuman sa araw ng pagpaparanas ng poot ng Diyos (Roma 2:5-6).

Sa kabalintunaan, ang galit ng tao ay hindi pinapayagan ng Diyos sa halip ay ipinagbabawal sa Roma 12:19, Efeso 4:26, at Colosas 3:8-10. Ang Diyos lamang ang may karapatang maghiganti dahil ang Kanyang paghihiganti ay perpekto at banal, samantalang ang galit ng tao ay makasalanan at nagbibigay daan sa impluwensya ng diyablo sa kanyang buhay. Para sa Kristiyano, ang galit at poot at hindi sang-ayon sa ating bagong pagkatao, na katulad ng kalikasan ni Kristo (2 Corinto 5:17). Upang makamit ang kalayaan mula sa pagkaalipin sa pagkagalit at pagkapoot, kinakailangan ng mananampalataya ang pagpapasakop sa Banal na Espiritu upang pabanalain siya at linisin ang kanyang puso sa karumihan mula sa galit at poot. Ipinakikita sa Roma 8 ang tagumpay laban sa kasalanan sa buhay ng isang taong pinananahanan ng Banal na Espiritu (Roma 8:5-8). Sinasabi sa atin sa Filipos 4:4-7 na ang isipan na nasa ilalim ng kontrol ng Espiritu ay puno ng kapayapaan.

Ang galit ng Diyos ay isang nakatatakot at nakapangingilabot na bagay. Yaon lamang nahugasan ng dugo ni Kristo na nabuhos doon sa krus ang makatitiyak na hindi sila makakaranas ng galit at poot ng Diyos. “At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya” (Roma 5:9).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang biblikal na pang-unawa sa galit ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries