settings icon
share icon
Tanong

Masama bang magalit sa Diyos?

Sagot


Ang pagkagalit sa Diyos ay isang damdamin na nararanasan ng lahat ng tao sa lahat ng panahon mananampalataya man o hindi. Sa tuwing nangyayari ang mga trahedya sa ating buhay, naitatanong natin sa Diyos, ang “Bakit?” dahil ito ang natural na nagiging tugon natin sa mahihirap na pangyayari. Ngunit ang talagang ibig nating sabihin ay hindi talaga “Bakit, Diyos?” kundi “Bakit ako pa, Diyos?” Ang pananaw na ito ay nagpapakita ng dalawang maling akala. Una, bilang mga mananampalataya, maaaring inaakala natin na ang buhay Kristiyano ay magiging madali at obligasyon ng Diyos na pigilan ang mga trahedya sa ating mga buhay kaya kung may mangyaring trahedya nagagalit tayo sa Kanya. Ikalawa, kung hindi natin nauunawaan ang Kanyang walang hanggang kapamahalaan at kapangyarihan, nawawalan tayo ng tiwala sa Kayang kakayahan na kontrolin ang mga pangyayari, ang ibang tao at kung paano sila nakakaapekto sa atin. Dahil dito, nagagalit tayo sa Diyos dahil tila nawalan Siya ng kontrol sa ibang tao at higit sa lahat, sa ating mga buhay. Kung nawawalan tayo ng pananampalataya sa walang hanggang kapamahalaan ng Diyos, ito ay dahil mahina ang ating laman at nawawalan tayo ng pag-asa sa gitna ng ating kabiguan at kawalan ng kontrol sa mga pangyayari. Kung nangyayari ang mabubuting bagay, lagi nating inaangkin na dahil sa ating sariling kakayanan ang ating mga narating sa buhay at mga tagumpay. Kung nangyayari naman ang masasamang bagay, agad nating sinisisi ang Diyos, at nagagalit tayo sa Kanya sa hindi Niya paghadlang sa mga ito, na nagpapakita ng unang maling pananaw na tayo ay karapat dapat na malibre sa mga hindi kanais nais na pangyayari.

Ang mga trahedya ay nagpapatunay ng masakit na katotohanan na wala tayong kontrol sa mga nangyayari sa ating buhay. Maaaring naisip natin na kaya nating kontrolin ang mga pangyayari, ngunit sa katotohanan, ang Diyos lamang ang may ganap na kontrol sa lahat ng Kanyang mga nilikha. Ang lahat ng mga pangyayari ay may kapahintulutan ng Diyos. Walang ibon sa langit o buhok sa ating ulo na nahuhulog sa lupa ng hindi nalalaman ng Diyos (Mateo 10:29-31). Maaari tayong magalit, magreklamo o kaya'y isisi sa Diyos ang mga nangyayari. Ngunit kung magtitiwala tayo sa Kanya at isusuko ang ating kapaitan at sakit na nararanasan at aaminin ang ating kasalanan ng pagmamataas, bibigyan Niya tayo ng kapayapaan at kalakasan upang malampasan ang anumang mahihirap na sitwasyon sa ating mga buhay (1 Corintho 10:13). Maraming mananampalataya ang makapagpapatunay sa katotohanang ito. Maaaring nagalit tayo sa Diyos sa maraming kadahilanan kaya't dapat nating tanggapin na may mga pangyayari sa ating buhay na wala tayong kontrol at hindi kayang maunawaan ng ating pahat na isipan ang mga ginagawa ng Diyos.

Ang ating pangunawa sa walang hanggang kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng mga nangyayari sa ating buhay ay dapat na kalakip ng ating pangunawa sa Kanyang likas na katangian gaya ng pag-ibig, kahabagan, katuwiran, kabutihan, hustisya at kabanalan. Kung titingnan natin ang ating mga kahirapan sa liwanag ng katotohanan ng Salita ng Diyos na ang ating Diyos ay gumagawa sa lahat ng bagay para sa ating ikabubuti (Romans 8:28), at mayroon Siyang perpektong plano at layunin para sa atin na hindi kailanman mahahadlangan (Isaias 14:24, 46:9-10), iba ang magiging pananaw natin sa ating mga problema at kahirapan. Makikita din natin mula sa Kasulatan na ang buhay na ito sa lupa ay hindi pagdanas ng patuloy na kasiyahan. Sa halip, ipinapaalala sa atin ni Job na “ang tao ay tiyak na daranas ng kahirapan, kung paanong may alipato na galing sa apuyan” (Job 5:7), at ang buhay ay maiksi at puno ng kaguluhan” (Job 14:1). Hindi dahil tinawag tayo ng Diyos sa kaligtasan mula sa kasalanan ay nangangahulugan iyon na magkakaroon na tayo ng isang buhay na ligtas sa lahat ng problema. Ang katotohanan, sinabi ni Hesus, “Mayroon kayong kapighatian dito sa sanlibutan; ngunit laksan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!” (Juan 16:33), upang bigyan tayo ng kapayapaan sa ating mga puso na hindi matitinag ng anumang kaguluhan na nangyayari sa ating paligid (John 14:27).

Isang bagay ang tiyak: ang pagkagalit sa Diyos ay isang kasalanan (Galacia 5:20; Efeso 4:26-27, 31; Colosas 3:8). Ang galit ang tumatalo sa atin at nagbibigay sa diyablo ng pagkakataon na sirain ang ating kagalakan at kapayapaan kung nagpapatuloy ito sa ating mga puso. Ang pagkamuhi ang dahilan ng kapaitan at paninisi sa sarili at sa iba. Dapat tayong lumapit sa Diyos at humingi ng Kanyang kapatawaran at ipagkatiwala ang lahat ng ating emosyon sa Kanya. Sinasabi sa atin ng Bibliya sa 2 Samuel 12:15-23 na lumapit si David sa trono ng biyaya ng Diyos upang mamagitan para sa kanyang may sakit na anak at nagluksa, nanangis at nanalangin sa Diyos upang maligtas ang kanyang sanggol. Nang mamatay ang kanyang anak, tumindig si David at pinuri ang Panginoon at sinabi sa kanyang mga alipin na tutungo siya sa kanyang anak sa presensya ng Diyos isang araw. Dumalangin si David sa Diyos habang may sakit ang kanyang anak at pagkatapos ay nagpuri siya sa Diyos ng mamatay ito. Ito ay isang kahanga-hangang patotoo. Nalalaman ng Diyos ang laman ng ating mga puso at wala tayong mapapala kung itatago natin ang ating nararamdaman kaya't ang pagpapaabot sa Kanya ng nilalaman ng ating puso ang isa sa pinakamagandang paraan upang labanan ang ating mga kapaitan. Kung gagawin natin ito ng buong kapakumbabaan, gagawa Siya sa atin at magiging daan iyon upang mapaging banal Niya tayo.

Maaari ba nating ipagkatiwala sa Diyos ang lahat maging ang ating mismong buhay at ang buhay ng ating mga minamahal? Oo! Ang ating Diyos ay mahabagin, puspos ng biyaya at pag-ibig at gaya ng ginawa ng mga alagad, mapagtitiwalaan natin Siya sa lahat ng bagay. Sa tuwing nagdaranas tayo ng trahedya, alam natin na maaaring gamitin iyon ng Diyos upang mapalapit tayo sa Kanya at mapalakas ang ating pananampalataya upang lumago tayo at maging mga banal (Awit 34:18; Santiago 1:2-4). Kung magkagayon, makakatulong tayo sa iba na dumaraan sa parehong trahedya na ating nararanasan (2 Corinto 1:3-5). Gayunman, mas madali itong sabihin kaysa gawin. Nangangailangan ito ng araw araw na pagsusuko ng ating sariling kalooban sa Diyos, patuloy na pagaaral ng Kanyang mga Salita, pananalangin at pagsasapamuhay ng ating mga natutuhan sa Salita ng Diyos. Sa pamamagitan nito, mas magiging madali para sa atin na matanggap ang mga susunod pang trahedya na tiyak na mangyayari sa ating mga buhay.

Kaya nga ang sagot sa tanong na kasalanan bang magalit sa Diyos ay Oo, masamang magalit sa Diyos. Ang pagkagalit sa Diyos ay bunga ng kawalan ng pagtitiwala sa Diyos sa mga panahon na hindi natin nauunawaan ang kanyang ginagawa sa ating mga buhay. Ang pagkagalit sa Diyos ay pagbibintang sa Diyos na mali ang Kanyang ginagawa. Nauunawaan ba ng Diyos kung nagagalit tayo, nabibigo at hindi nasisiyahan sa Kanya? Oo, alam Niya ang laman ng ating puso at kung gaano kahirap at kasakit ang ating mga pinagdadaanan sa mundong ito. Dahil ba dito, tama ba na magalit tayo sa Diyos? Hindi! Sa halip na magalit sa Diyos, dapat nating ibuhos sa Kanya ang laman ng ating mga puso sa pamamagitan ng panalangin at magtiwala na Siya ang may ganap na kontrol sa lahat ng mga nangyayari at ang kanyang mga plano ay perpekto at makabubuti para sa atin.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Masama bang magalit sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries