Tanong
Kailangan bang ganap na maunawaan ang Ebanghelyo upang makapunta sa langit?
Sagot
Sa isang banda, napakasimple ng mensahe ng Ebanghelyo at madaling maunawaan: Namatay at nabuhay na mag-uli si Hesus upang tayo’y maligtas. Ang mga pangunahing katotohanan ng Ebanghelyo ay madaling maintindihan. Ngunit sa isang banda rin naman, ang mensahe ng Ebanghelyo ang isa sa pinakamalalim na katotohanan mula sa Diyos na Kanyang ipinaalam sa sangkatauhan. Namatay at muling nabuhay si Hesus upang tayo’y maligtas. Ang implikasyon ng mga katotohanang ito at ang nakapaloob na teolohiya tungkol sa Diyos ay napakalalim at sapat upang pagaralan ng kahit na pinakamagaling na teologo sa kanyang buong buhay. Pagdating sa kaligtasan, gaano kalaki ang ating dapat malaman bago tunay na matawag na pananampalataya ang ating pananampalataya?
Hindi maitatanggi na ang pananampalatayang nagliligtas ay kinapapalooban ng ilang antas ng pangunawa. Ang pangunawang ito ay nagiging posible sa pamamagitan ng pangangaral ng Ebanghelyo (Mateo 28:18-20) kasabay ng gawa ng Banal na Espiritu sa puso ng tao (Gawa 16:14). Ipinaliwanag ni Pablo ang proseso sa tamang pangunawa sa Ebanghelyo: pakikinig sa pangangaral, na nagiging daan sa pananampalataya, na ang resulta ay pagtawag ng Diyos sa tao para sa kaligtasan (Roma 10:14). Ang “pakikinig” ay nagpapahiwatig sa pangunawa; kung hindi naunawaan ang pangangaral, masasabing hindi tunay na nakinig ang isang tao.
Ang laman ng pangangaral na dapat maunawaan ay ang Ebanghelyo. Mula pa sa umpisa, binibigyang diin sa mga mensahe ng mga apostol ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesu Kristo (Gawa 2:23-24). Ang mensaheng ito ang pinakamahalaga sa lahat: na namatay si Hesus para sa ating mga kasalanan ayon sa Kasulatan, at Siya’y inilibing at binuhay sa ikatlong araw ayon sa Kasulatan at nagpakita Siya, una kay Pedro, at pagkatapos ay sa labindalawa (1 Corinto 15:3-4). Ang mga talatang ito ay naglalaman ng mga pangunahing elemento ng Ebanghelyo, na nakasentro sa persona at gawain ng Panginoong Hesu Kristo: Namatay si Hesus para sa ating mga kasalanan at nabuhay Siyang mag-uli mula sa mga patay. Walang sinumang nasa hustong gulang ang maliligtas ng hindi naunawaan at nagtiwala sa katotohanang ito.
Ang bawat elemento ng Ebanghelyo ay mahalaga. Kung palalabuin ang pangunawa sa alinman sa mga elemento ng Ebanghelyo, mawawala ang pananampalataya. Kung hindi natin nauunawaan na si Hesus ang Banal na Anak ng Diyos, walang kabuluhan ang Kanyang kamatayan kung ang ating kaligtasan ang paguusapan. Kung hindi natin nauunawaan na namatay si Hesus, hindi din natin mauunawaan ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli. Kung hindi natin nauunawaan ang dahilan ng Kanyang kamatayan (para sa ating mga kasalanan), ituturing natin ang ating sarili na matuwid at hindi nangangailangan ng kaligtasan. Kung hindi natin naiintindihan na nabuhay na mag-uli si Hesus, hindi din natin mauunawaan ang katotohanan na Siya ang buhay na Tagapagligtas at kung magkagayon, magiging walang kabuluhan ang ating pananampalataya (1 Corinto 15:17).
Ibinigay sa Bibliya ang mga halimbawa ng mga taong nagkaroon ng ilang antas ng kaalamang espiritwal ngunit hindi agad naranasan ang kaligtasan. Pagkatapos lamang na maunawaan nila ang mga pangunahing katotohanan ng Ebanghelyo, ang mga indibidwal na ito ay nagtiwala kay Kristo at isinilang na muli. Ang ilan sa mga halimbawa ay ang Etiopeng eunuko (Gawa 8:26-39), si Cornelio (Gawa 10), Apolos (Gawa 18:24-28), at ang labindalawang lalaki sa Efeso (Gawa 19:1-7). Ang lahat ng mga lalaking ito ay may pangunawa sa Ebanghelyo sa iba’t ibang antas ngunit naranasan lamang nila ang kaligtasan noong ilagak nila ang kanilang pananampalataya kay Kristo – at kinailangan muna nilang marinig at maunawaan ang nilalaman ng Ebanghelyo.
Gayunman, upang maranasan ang kaligtasan, hindi kinakailangan na maintindihang lahat ang mga nilalaman ng Ebanghelyo. Sa katotohanan, imposibleng maintindihan ng lubos ang kabuuan ng Ebanghelyo dito sa lupa. Sinisikap natin na maunawaan ang Kanyang pag-ibig na hindi kayang maunawaan ng ating pahat na isipan (Efeso 3:19). Ngunit hindi natin lubos na mauunawaan ang “kayamanan ng biyaya ng Diyos!” “Oh, kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos! Oh di matingkalang mga hatol Niya at hindi malirip ang Kaniyang mga daan! (Roma 11:33).
Halimbawa, hindi natin kailangang maunawaan ang doktrina tungkol sa kung paano naging tunay na Diyos at tunay na Tao din naman (hypostatic union) ang Panginoong Hesu Kristo upang maligtas. Ang pangunawa at pagpapakahulugan sa “pagpapalubag loob ng Diyos” (propitiation) ay hindi rin kailangan para maranasan ang kaligtasan. Hindi rin kailangan ang kakayahan na ipaliwanag ang tungkol sa pagpapawalang sala, katubusan at pagpapaging banal upang maligtas ang isang tao. Ang kaalaman sa mga doktrinang ito ay lumalago sa patuloy na pagaaral ng Salita ng Diyos ngunit hindi sila kailangang maunawaan upang ang isang tao ay makaranas ng kaligtasan. Malamang na hindi pa naunawaan ng magnanakaw sa krus ang buong doktrina tungkol sa kaligtasan ng sabihin niya sa Panginoon, “Hesus alalahanin Mo ako pagdating Mo sa Iyong kaharian” (Lukas 23:42).
Ang mensahe ng Ebanghelyo ay napakadali upang maintindihan kahit ng isang bata. Ipinahiwatig ito ng Panginoon ng Kanyang sabihin na para sa mga bata ang kaharian ng Diyos: “Pabayaan ninyong magsilapit sa Akin ang maliliit na bata, huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos” (Markos 10:14). Purihin ang Panginoon, ang Ebanghelyo ni Kristo ay maaaring maunawaan kahit ng mga bata. Gayundin, para sa mga may kapansanan sa isip at mga batang paslit na walang kakayahang maunawaan ang Ebanghelyo, naniniwala kami na ipinagkakaloob sa kanila ng Diyos ang Kanyang biyaya.
Kaya, upang makapunta sa langit, dapat tayong “sumampalataya sa Panginoong Hesu Kristo” (Gawa 16:31). Nangangahulugan ito na pinagtitiwalaan natin ang paghahandog ng Banal na Anak ng Diyos na namatay upang akuin ang ating mga kasalanan at nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw mula sa mga patay. Sa mga sumasampalataya sa pangalan ng Panginoong Hesus, bingyan sila ng Diyos ng “karapatan upang maging mga anak ng Diyos” (Juan 1:12). Sa ganitong paraan napakasimple ngunit napakalalim din naman ng Ebanghelyo ni Kristo. English
Kailangan bang ganap na maunawaan ang Ebanghelyo upang makapunta sa langit?