Tanong
Ano ang gawain ng Banal na Espiritu sa ating mga buhay ngayon?
Sagot
Sa lahat ng mga kaloob ng Diyos sa sangkatauhan, wala ng hihigit pa sa presensya ng Banal na Espiritu. Ang Banal na Espiritu ay maraming gawain, papel na ginagampanan at ministeryo. Una, may ginagawa Siya sa puso ng lahat ng tao sa lahat ng dako. Sinabi ni Hesus sa mga alagad na isusugo Niya ang Banal na Espiritu sa mundo upang “Kaniyang sumbatan ang sanglibutan tungkol sa kasalanan, at sa katuwiran, at sa paghatol” (Juan 16:7-11). Ang bawat tao sa mundo ay may “kaalaman sa Diyos” o “God consciousness,” aminin man nila o hindi. Ang Banal na Espiritu ang naglalapat ng katotohanan ng Diyos sa isipan ng lahat ng tao upang kumbinsihin sila sa pamamagitan ng timbang at sapat na pangangatwiran na sila ay makasalanan. Ang pagtugon sa kumbiksyong ito ang nagdadala sa tao sa kaligtasan.
Pagkatapos nating maranasan ang kaligtasan at makabilang sa pamilya ng Diyos, ang Banal na Espiritu ay tumitira sa ating mga puso magpakailanman, at tinatakan tayo at pinatutunayan sa atin na tayo ay may buhay na walang hanggan bilang mga anak ng Diyos. Sinabi ni Hesus na isusugo Niya ang Banal na Espiritu sa atin upang ating maging Katulong, Mang aaliw, at Gabay. “At ako'y dadalangin sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang suma inyo magpakailan man” (Juan 14:16). Ang salitang Griyegong “Mangaaliw” ay nangangahulugan na “isang katabi” at may ideya ng isang nagpapalakas ng loob at nagtuturo. Ang Banal na Espiritu ay permanenteng naninirahan sa puso ng mga mananampalataya (Roma 8:9; 1 Corinto 6:19-20, 12:13). Ibinigay sa atin ni Hesus ang Banal na Espiritu upang Siyang Kanyang maging kahalili upang gawin ang mga ministeryo sa atin na Kanya din namang gagampanan kung nanatili Siyang personal na kasama ng mga mananampalataya.
Ang isa sa mga gawain ng Banal na Espiritu ay bilang tagapagpahayag ng katotohanan. Ang presensya ng Banal na Espiritu sa atin ang nagbibigay sa atin ng kakayahan na maunawaan at maipaliwanag ang Salita ng Diyos. Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad, “Gayon ma'y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan.” Ipinahahayag Niya sa ating mga isipan ang buong kalooban ng Diyos tungkol sa pagsamba, doktrina at pamumuhay Kristiyano. Siya ang pinakamahusay na gabay, nangunguna sa atin, naghahanda ng ating daraanan, nagaalis ng mga hadlang, nagbubukas ng ating pang-unawa at ginagawang malinaw at simple ang lahat ng bagay sa atin. Pinangungunahan Niya tayo sa ating dapat na maabot patungkol sa mga bagay na espiritwal. Kung wala Siya bilang gabay, tayo ay madaling madadala sa kasinungalingan. Ang isa sa pinakamahalagang gawain ng Banal na Espiritu ay ang ipakilala sa atin kung sino si Hesus (Juan 15:26; 1 Corinto 12:3). Ang Banal na Espiritu ang kumumbinse sa atin sa pagka Diyos ni Kristo at sa Kanyang pagkakatawang tao, sa Kanyang pagiging Tagapagligtas, sa Kanyang paghihirap at kamatayan, sa Kanyang pagkabuhay na muli at pagakyat sa langit, sa Kanyang pagupo sa kanan ng Diyos Ama at sa Kanyang pagiging hukom ng lahat ng tao. Niluluwalhati Niya ang Panginoong Hesu Kristo sa lahat ng mga bagay (Juan 16:14).
Ang isa pang gawain ng Banal na Espiritu ay tagapagbigay ng kaloob. Inilalarawan sa 1 Corinto kabanata 12 ang mga kaloob na espiritwal na ibinibigay sa mga mananampalataya upang makaganap sila ng kanilang gawain sa katawan ni Kristo. Ang lahat na mga kaloob na ito, maging malaki o maliit ay ibinigay ng Banal na Espiritu upang tayo ang maging kinatawan ng Diyos sa mundo, na nagpapakita ng Kanyang biyaya at kaluwalhatian sa mga tao.
Ang Banal na Espiritu ay nagbibigay ng bunga sa ating mga buhay. Nang panahanan Niya tayo, inumpisahan Niya ang gawain ng pag-aani ng bunga sa ating mga buhay katulad ng pag-ibig, katiyagaan, kabutihan, katapatan, kaamuan at pagpipigil sa sarili (Galacia 5:22-23). Ang mga ito ay hindi gawa ng laman. Ang mga bungang ito ay produkto ng presensya ng Banal na Espiritu sa ating mga buhay.
Ang kaalaman na nananahan sa atin ang Banal na Espiritu at ginagampanan ang lahat ng Kanyang mga mahimalang gawa, na Siya ay nananahan sa atin magpakailanman at hindi Niya tayo iiwan ni pababayaan man ang siyang dahilan ng ating malaking kagalakan at kaaliwan. Salamat sa Diyos sa walang kapantay na regalong ito, ang Banal na Espiritu at ang Kanyang gawain sa ating mga buhay!
English
Ano ang gawain ng Banal na Espiritu sa ating mga buhay ngayon?