settings icon
share icon
Tanong

Mayroon pa bang gawain ang mga masasamang espiritu sa mundo ngayon?

Sagot


Mga multo, mga pagpaparamdan, pakikipag-ugnayan sa kaluluwa ng mga namatay, mga baraha, mga tabla ng Ouija, mga bolang Kristal - ano ang pagkakatulad ng mga bagay na ito? Ang mga ito ay kamangha-mangha sa maraming tao dahil sa taglay nitong mga kababalaghan na hindi maipaliwanag ng siyensya o ng makabagong teknolohiya. At para sa karamihan, ang mga bagay na ito ay mukha namang ligtas at hindi nakapipinsala.

Karamihan ng mga taong walang alam sa Bibliya ay nahihilig sa ganitong mga bagay sa paniniwalang ang mga multo ay ang mga espiritu ng mga namayapang tao na hindi pa nakakatawid sa kabilang buhay o sa kanilang paroroonan. Ayon sa mga naniniwala sa multo, mayroong tatlong magkakaibang uri ng mga pagpaparamdam: (1) pahaging na pagpaparamdam (katulad ng mga kakaibang anyo na nakikita sa litrato, o tunog na naririnig sa mga video, ngunit sa paraang ito ay walang aktwal na pakikipag-ugnayan sa anumang espiritu). (2) Pagpaparamdam sa pamamagitan ng espiritu ng mga tao, na ang kalikasan ay kumbinasyon ng mabuti at masama (pero hindi lubusang masama). Maaaring ang ganitong mga espiritu ay nais lamang na makakuha ng pansin ng isang tao; ang iba ay maaaring nagbibiro lamang. Ngunit, sa alinmang kaso, ang mga ito ay hindi nakapipinsala sa mga tao. (3) Pakikipag-ugnayan sa mga espiritu ng hindi tao o demonyo. Ang mga espiritung ito ay maaaring magbalatkayo bilang espiritu ng mga tao, ngunit ang mga ito ay nakapipinsala at mapanganib.

Sa pagbabasa tungkol sa mga multo mula sa mga babasahing hindi naaayon sa bibliya, tandaan na kung ang may may-akda ay magbanggit ng mga kataga o tauhan mula sa Bibliya (tulad ni Miguel, ang arkanghel), hindi ito nangangahulugan na tinitingnan niya ang paksa mula sa pananaw ng Bibliya. Kapag walang awtoridad na ibinibigay sa may akda base sa kanyang mga impormasyon, marapat na tanungin ng mambabasa ang kanyang sarili, Paano nalaman ng may akda ang mga bagay na kanyang isinulat ukol sa paksang ito? Ano at saan nagmula ang kanyang awtoridad? Halimbawa, paano nalaman ng may-akda ang pagbabalatkayo ng demonyo bilang espiritu ng tao? Sa huli, ang mga taong tumutugon sa naturang paksa mula sa mga hindi maka-bibliyang pananaw ay inuunawa ang paksang ito batay sa kaisipan, saloobin o/at sariling karanasan o karanasan ng ibang tao. Gayunpaman, batay sa kanilang sariling pagamin na ang mga demonyo ay mapanlinlang at maaaring manggaya ng mga mapagkawanggawang espiritu ng mga tao, maging ang kanilang mga karanasan ay maaaring mapanlinlang rin! Kung nais ng isang tao na magkaroon ng tamang pangunawa ukol sa paksang ito, kailangan niyang pumunta sa isang batayang tumpak nang 100 porsiyento - ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Tingnan natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga bagay na ito.

1. Kailanman ay hindi binanggit sa Bibliya ang tungkol sa pagpaparamdam ng mga multo. Sa halip, itinuturo nito na kapag namatay ang isang tao, ang kanyang espiritu ay pupunta sa isa sa dalawang lugar. Kung siya ay isang mananampalataya ni Hesu Kristo, ang kanyang espiritu ay ihahatid sa presensiya ng Panginoon sa langit (Filipos 1: 21-23; 2 Corinto 5: 8). Pagkatapos, siya ay pagkakalooban ng katawang maluwalhati (1 Tesalonica 4: 13-18). Samantala, kung ang isang tao ay namatay nang hindi nananampalataya kay Kristo, ang kanyang espiritu ay dadalhin sa isang lugar ng paghihirap na tinatawag na impiyerno (Lucas 16: 23-24).

Nangangahulugan ito na hindi na maaaring bumalik pa sa mundo ng mga buhay ang mga yumao kahit sila ay namatay na mananampalataya o hindi, kahit para sa layunin ng pagbibigay babala sa mga nabubuhay upang sila ay makaligtas sa darating ng paghuhukom (Lucas 16:27-31). Mayroon lamang dalawang naitalang pangyayari sa Bibliya kung saan nakipagugnayan ang yumao sa nabubuhay. Una ay noong sinubukan ni Haring Saul na makipagugnayan sa namatay na propetang si Samuel sa pamamagitan ng isang mangkukulam. Pinahintulutan ng Diyos si Samuel upang ipahayag ang hatol kay Saul para sa kanyang paulit-ulit na pagsuway (1 Samuel 28: 6-19). Ang ikalawang pangyayari ay noong nakipagusap sina Moises at Elias kay Hesus noong siya ay nagbagong anyo sa Mateo 17: 1-8. Gayunman, walang ‘makamulto’ tungkol sa hitsura nina Moises at Elias.

2. Sa kabilang dako, ilang ulit na mababasa sa Banal na Kasulatan ang tungkol sa mga anghel na gumagawa nang hindi nakikita (Daniel 10: 1-21). Minsan, ang mga anghel ay nakikipagugnayan sa mga tao. Ang mga masasamang espiritu, o ang mga demonyo, ay maaaring sumapi sa tao upang manahan at mamahala sa kanilang mga katawan (tingnan ang Marcos 5: 1-20 halimbawa). Ang apat na aklat ng Mabuting balita o 4 Gospels at ang aklat ng mga Gawa ay nakapagtala ng ilang mga pangyayari tungkol sa pagsapi ng mga demonyo sa tao at ng pagpapakita ng mga mabubuting anghel upang tumulong sa mga mananampalataya. Ang mga mabubuting anghel, gayundin ang mga masasamang anghel, ay maaaring magdulot ng mga pangyayaring higit sa pangkaraniwan (Job 1-2; Pahayag 7:1; 8:5; 15:1; 16).

3. Ipinakikita rin ng Banal na Kasulatan na may nalalaman ang mga demonyo na lingid sa kaalaman ng mga tao (Gawa 16: 16-18; Lucas 4:41). Sapagkat ang mga masasamang anghel ay umiiral na sa loob ng mahabang panahon, natural lamang na malaman nila ang mga bagay na hindi alam ng mga mortal na tao. Dahil si Satanas ay nakakaharap sa presensya ng Diyos (Job 1-2), ang mga demonyo ay maaaring pinapayagan din na malaman ang ilang mga detalye tungkol sa hinaharap, ngunit ito ay isa lamang pagpapalagay.

4. Ayon sa Banal na Kasulatan, si Satanas ang ama ng mga kasinungalingan at isang manlilinlang (Juan 8:44; 2 Tesalonica 2: 9) at nagbabalat-kayo bilang isang ‘anghel ng kaliwanagan.’ At ang mga taong sumusunod sa kanya, tao man o hindi, ay parehong mapanlinlang (2 Corinto 11: 13-15).

5. Si Satanas at ang mga demonyo ay may hindi pangkaraniwang kapangyarihan (kumpara sa mga pangkaraniwang tao). Kahit ang arkanghel na si Miguel ay walang ibang sandata laban sa mga demonyo kundi ang kanyang pagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos (Judas 1:9). Gayunman, ang kapangyarihan ni Satanas ay walang panama sa kapangyarihan ng Diyos (Gawa 19:11-12; Marcos 5:1-20), at kaya ng Diyos gamitin ang masasamang hangarin ni Satanas upang ganapin ang kanyang mabubuting layunin (1 Corinto 5:5; 2 Corinto 12:7).

6. Ipinaguutos sa atin ng Diyos na huwag makiisa sa mga gawain ng kulto, pagsamba sa diyablo, o pagtuklas sa mundo ng maruruming espiritu. Kasama dito ang paggamit ng mga medium, mga tabla ng Ouija, horoscope, baraha, pagpapasanib atbp, sapagkat ang mga gawaing ito ay kasuklamsuklam sa Diyos (Deuteronomio 18:9-12; Isaias 8:19-20; Galacia 5:20; Pahayag 21:8), at ang mga taong isinasangkot ang kanilang sarili sa ganitong mga bagay ay nagiimbita ng panganib (Gawa 19:13-16).

7. Ang mga mananampalatayang sa Efeso ay nagtakda ng isang halimbawa sa pagtrato sa mga ksangkapan ng mga kulto (mga libro, musika, alahas, mga laro, atbp). Ipinagtapat nila ang kanilang paglahok sa ganitong gawain at sinunog sa publiko ang kanilang mga kagamitan (Gawa 19: 17-19).

8. Ang paglaya mula sa kapangyarihan ni Satanas ay makakamit sa pamamagitan ng kaligtasang mula sa Diyos. Ang kaligtasan ay makakamit sa pamamagitan ng pagtitiwala sa ebanghelyo ni Hesu Kristo (Gawa 19:18; 26:16-18). Ang pagtatangkang palayain ang sarili mula sa pakikilahok sa gawain ng diyablo nang walang kaligtasan ay walang saysay. Nagbabala si Hesus na ang isang pusong walang presensya ng Banal na Espiritu ay isang pusong walang laman at maaaring maging tahanan ng mas masasamang demonyo (Lucas 11:24-26). Ngunit kapag ang isang tao ay lumalapit kay Kristo para sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan, ang Banal na Espiritu ay mananahan sa kanyang puso hanggang sa araw ng katubusan (Efeso 4:30).

Ang ilang mga gawaing paranormal ay maaaring iugnay sa gawain ng mga mangkukulam at manggagaway. Dapat unawain ang mga ulat tungkol sa mga multo at pagpaparamdam bilang gawain ng mga demonyo/masasamang espiritu. Minsan ay hindi na itinatago ng mga demonyo ang kanilang likas na katangian at sa ibang mga pagkakataon ay maaari silang manlinlang bilang espiritu ng mga namatay. Ang ganitong mga panlilinlang ay humahantong sa mas maraming mga kasinungalingan at kalituhan.

Ipinahayag ng Diyos na isang kahangalan ang pagsangguni sa mga patay sa ngalan ng mga nabubuhay. Sa halip, sinabi niya, "Nasa inyo ang aral ng Diyos at ang patotoo!" (Isaias 8:19-20). Ang Salita ng Diyos ang pinagmumulan ng tunay na karunungan. Ang mga mananampalataya ay hindi dapat masangkot sa mga gawain ng kulto. Ang mundo ng mga espiritu ay totoo, ngunit ang mga Kristiyano ay hindi kailangang matakot o makisangkot dito (1 Juan 4:4).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mayroon pa bang gawain ang mga masasamang espiritu sa mundo ngayon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries