Tanong
Ang kasabihan ba na "Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo" ay naaayon sa Bibliya?
Sagot
Ang kasabihang "Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo," na karaniwang tinatawag na gintong utos ay tunay na isang prinsipyo na naaayon sa Bibliya. Itinala sa Lukas 6:31 ang sinabing ito ni Jesus, "Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo."Ang pangungusap na ito ay ayon sa konteksto ng isang katuruan ni Jesus tungkol sa pag-ibig sa ating mga kaaway. Tahasang binago ni Jesus ang pangkaraniwang pamamaraan ng pagtrato sa kapwa tao na "ngipin sa ngipin" (tingnan ang Mateo 5:38-48). Sa halip na gawin sa iba ang ginawa nila sa atin o ibigay sa kanila ang nararapat para sa kanilang ginawa sa atin, dapat natin silang tratuhin kung paanong gusto nating tratuhin nila tayo.
Sa Mateo 7:12 sinabi ni Jesus, ""Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta." Kaya nga, ang gintong utos ay laging pangunahing sangkap ng mensahe ng Bibliya. Pagkatapos, sa aklat din ni Mateo, ng tanungin si Jesus kung ano ang pinakadakilang utos, sumagot Siya, "Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, at buong pag-iisip mo. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta" (Mateo 22:37-40). Noong gabing Siya'y arestuhin, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad, "Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon: magmahalan kayo! Kung paano ko kayo minahal, gayundin naman, magmahalan kayo. Kung kayo'y may pagmamahal sa isa't isa, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko" (Juan 13:34-35). Ang pag-ibig ni Jesus para sa atin ay perpekto, hindi nagbabago, at isinasakripisyo ang sarili. Ang ating kakayahan na umibig sa iba ayon sa iniutos ni Jesus ay nanggagaling sa ating karanasan ng Kanyang pag-ibig at mula sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
Ang isang praktikal na paraan ng pag-ibig sa iba ay ang paglalagay ng ating sarili sa kanilang sitwasyon. Kung titigil tayo sa pagiisip kung papaano natin nais na tratuhin sa ilang sitwasyon, magkakaroon tayo ng kahabagan sa mga taong aktwal na nabubuhay sa ganoong sitwasyon. Nais ba nating tratuhin ng may pag-ibig at paggalang ng ibang tao? Kung gayon, dapat nating ibigay ang mga kaloob na ito sa kanila.
English
Ang kasabihan ba na "Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo" ay naaayon sa Bibliya?