settings icon
share icon
Tanong

Paano dapat unawaain ng mga Kristiyano ang genetic engineering o pagbabago sa genes ng tao?

Sagot


Dahil hindi pa kilala ang genetic engineering noong panahon na isinulat ang Bibliya, mahirap magtatag ng mga tiyak na pamantayan tungkol sa paksang ito. Upang matukoy ang isang maka-Kristiyanong pananaw sa genetic engineering, kailangan nating lumikha ng balangkas at mga prinsipyo na maaaring gamitin upang unawain ang genetic engineering. Para sa mga detalye sa maka-Kristiyanong pananaw sa pag-ko-clone, mangyaring tingnan ang "Ano ang pananaw nf Kristiyano sa cloning?"

Ang pinakamahalagang elemento sa pagunawa sa genetic engineering ay ang pagkilala sa kalayaan at responsibilidad ng tao na pangalagaan ang kanyang katawan at ang lahat nang nilikha. Walang duda na tayo ay inuutusan ng Bibliya na maging responsable sa ating pisikal na kalusugan. Ang Kawikaan ay tumutukoy sa ilang mga aktibidad hinggil sa pagpapanumbalik ng kalusugan ng isang indibidwal (Kawikaan 12:18). Ipinahayag ni Apostol Pablo na mayroon tayong ilang mga tungkulin upang pangalagaan ang ating mga katawan (Efeso 5:29). Hinikayat din niya ang kanyang tagasunod na si Timoteo na gamitin ang medisina upang gumaling ang kanyang sakit (1 Timoteo 5:23). Ang mga mananampalataya ay may pananagutan na gamitin ang kanilang katawan ng maayos bilang templo ng Espiritu Santo (1 Corinto 6: 19, 20). Ipinapakita natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagaalok ng tulong sa mga taong may pisikal na pangangailangan (Santiago 2:16). Samakatuwid, bilang mga Kristiyano, dapat tayong mabahala tungkol sa pisikal na pangangailangan natin at ng ibang tao.

Ang mga nilikha ay nararapat na sumailalim sa pangangalaga ng tao (Genesis 1:28; 2:15-20), ngunit ayon sa Bibliya, ang mga nilikha ay naapektuhan ng ating kasalanan (Genesis 3:17-19, Roma 8:19-21) at umaasa sa darating na pagtubos ng Diyos mula sa mga epekto ng kasalanan. Posibleng isipin na bilang mga tagapangalaga ng mga nilikha may obligasyon ang tao na ‘ayusin’ ang mga epekto at sumpa ng kasalanan at subukan na ilagay sa mas mahusay na kaayusan ang mga bagay, gamit ang anumang nararapat ng paraan. Samakatuwid, sa pagpapatuloy ng ganitong kaisipan, ang agham ay maaaring gamitin para sa ikabubuti ng nilikha. Subalit, may mga dapat isaalang-alang tungkol sa paggamit ng genetic engineering.

1. May alalahanin na ang genetic engineering ay maaaring gamitin nang lampas sa katungkulan na ipinagkaloob sa atin ng Diyos bilang mga tagapangalaga ng kanyang nilikha. Ipinahahayag ng Bibliya na ang lahat ng mga bagay ay nilikha ng Diyos para sa kanyang sarili (Colosas 1:16). Dinisenyo ng Diyos ang lahat ng mga bagay na may buhay upang magparami ayon sa kanilang ‘uri’ (Genesis 1:11-25). Ang sobrang pagmamanipula sa genes (pagbabago ng mga uri) ay maaaring pakikialam sa mga bagay na para lamang sa Diyos na Siyang taga-disenyo.

2. May isyu na ang genetic engineering ay maaring maging hadlang sa plano ng Diyos para sa pagpapanumbalik sa dating kaayusan ng mga nilikha. Tulad ng nabanggit, ang mga nilikha ay naapektuhan ng mga kaganapan na naitala sa Genesis 3 (paghihimagsik ng tao laban sa plano ng Diyos). Ang kamatayan ay pumasok sa mundo, at ang genes na bumubuo sa tao at sa iba pang mga nilikha ay nagsimulang magbago tungo sa kamatayan. Sa ilang mga pagkakataon, ang genetic engineering ay maaaring gamitin upang subukang tanggalin ang ‘sumpa’ na resulta ng kasalanan. Sinabi ng Diyos na Siya lamang ang may solusyon para sa pagtubos - sa pamamagitan ni Hesu Kristo tulad nang inilarawan sa Roma 8 at 1 Corinto 15. Ang mga nilikha ay umaasa ng pagbabago na nauugnay sa katuparan ng pangako ng Diyos upang ilagay ang mga bagay sa kalagayan na nakahihigit sa kanilang orihinal na kalagayan. Ang paggawa ng malayo sa prosesong ito ay maaaring makipagpunyagi sa mga responsibilidad ng mga indibidwal na magtiwala kay Kristo para sa pagpapanumbalik sa Diyos (Filipos 3:21).

3. May alalahanin na ang genetic engineering ay maaaring manghimasok sa proseso ng buhay na itinakda ng Diyos. Tila malinaw mula sa isang pangkalahatang pagaaral ng Banal na Kasulatan na may plano ang Diyos sa proseso ng buhay. Halimbawa, inilalarawan sa Awit 139 ang isang malalim na relasyon sa pagitan ng Mangaawit at ang kanyang Manlilikha mula pa sa sinapupunan. Ang manipulasyon ba ng genes upang lumikha ng buhay na labas ng plano ng Diyos ay maglalagay sa panganib ng pagbuo ng isang kaluluwang may kamalayan tungkol sa Diyos? Ang pakikialam ba sa proseso ng pisikal na buhay ay makakaapekto sa espiritwal na buhay ng tao? Sinasabi sa Roma 5:12 na ang lahat ay nagkakasala dahil nagkasala si Adan. Nangangahulugan ito na ang kalikasan ng kasalanan ay naisasalin mula sa henerasyon hanggang sa kasunod na mga henerasyon kung kaya nga lahat ay nagkasala (Roma 3:23). Ipinaliliwanag ni Pablo ang pag-asa para sa walang hanggan sa pamamagitan ng pagtubos sa kasalanan ni Adan. Kung ang lahat na kay Adan (mula sa kanyang binhi) ay mamamatay, at si Kristo ay namatay para sa mga nasa ganitong kalagayan, maaari bang matubos ang mga buhay na nilikha sa labas ng ‘binhi’? (1 Corinto 15:22, 23).

4. May alalahanin din na ang isang walang takot na genetic engineering ay isang tahasang pagsuway sa Diyos. Ipinakikita sa Genesis 11:1-9 kung ano ang mangyayari kapag sinubukan ng nilikha na dakilain ang kanyang sarili ng higit sa sa Manlilikha. Ang mga tao sa Genesis 11 ay nagkaisa, gayon pa man sila ay hindi masunurin sa Diyos. Dahil dito, pinigilan ng Diyos ang kanilang pagunlad. Tiyak na batid ng Diyos ang mga panganib na sangkot sa direksyon na kanilang tinatahak. Mayroon tayong isang katulad na babala sa Roma 1:18-32. Dito ay inilarawan ng Diyos ang mga indibidwal na mas inibig ang mga bagay na nilikha (at sinamba nila ito sa halip na sambahin ang Manlilikha) kung kaya sila ay tuluyang pinarusahan. Kinatatakutan na ang genetic engineering ang maaaring magsulong ng katulad na gawain at sa huli ay maranasan ng tao ang mga katulad na konsekwensya.

Ito ang mga katanungan at mga isyu na wala pang kasagutan sa kasalukuyan, ngunit ang mga ito ay mga alalahanin lamang at dapat na maingat na isaalang-alang ng mga Kristiyano na sumusubok bumuo ng pananaw tungkol sa genetic engineering.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano dapat unawaain ng mga Kristiyano ang genetic engineering o pagbabago sa genes ng tao?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries