Tanong
Ano ang ginagawa ng Diyos bago niya likhain ang kalawakan?
Sagot
Sadyang mahirap maunawaan ng ating limitadong isipan na ang Diyos ay umiiral na bago pa likhain ang sangkalawakan. Sinasabi sa Juan 1:1 na si Jesus ay umiiral na rin noon pa man: "Sa pasimula ay ang Salita at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos." Ibig sabihin, si Cristo, ang hindi pa nagkakatawang taong Anak ng Diyos ay noroon na, kasama ng Ama sa kanyang kaluwalhatian, kaya't Siya ay Diyos. Sa katunayan ay mismong si Jesus ang nagpahayag sa Juan 17:5 ng ganito: "Kaya, Ama, ipagkaloob mo sa akin ngayon ang kaluwalhatiang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang daigdig."
Gayon din, ang Banal na Espiritu ay umiiral na bago pa tayo likhain. Inilalarawan sa Genesis 1:2 na ang Espiritu ng Diyos ay "kumikilos sa ibabaw" ng madilim at walang anyong daigdig. Kaya't dahil dito ay masasabi nating bago pa ang mga panahon ay mayroon nang umiiral na Diyos sa tatlong Persona: Ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo. Ang Trinidad ay umiiral na noon pa man na may ganap na pagkakaisa at walang kapintasan dahil nasa kanila ang lahat ng kailangan ng bawat isa. Sinabi ni David sa Awit 16:11, "Ang kagalakan at kasiyahan ay masusumpungan sa presensya ng Diyos magpakailanman." Nangangahulugan ito na ang presensya ng Diyos ay naghahatid ng naguumapaw na kagalakan, kakuntentuhan, at kasiyahan. Kaya't bago pa Niya likhain ang sangnilikha, ang Diyos ay mayroon ng ganap na kagalakan sa kanyang sarili at lagi niyang nararanasan ang ganap na kagalakan dahil kilala niyang lubos ang kanyang Sarili.
Kaya't masasabi natin na bago pa niya likhain ang kalawakan ay nararanasan na ng Diyos ang ganap na kasiyahan sa kanyang Sarili sapagkat Siya ay may kagalakang nananahan sa walang hanggan bilang Trinidad, at ang tatlong personang ito ay may walang hanggang matalik na ugnayan sa isat-isa. Makikita nating iniibig nila ang bawat isa at ang katunayan ng kanilang pag-ibig ay ang planong pagtubos sa sangkatauhan noon pa man (Efeso 1:4-5; 2Timoteo 1:9; Juan 17:24). Gayon pa man, kailangan nating tanggapin na ang pagiging walang hanggan ng Diyos ay hindi lubos na maipapaliwanag ng ating limitadong isipan, kaya't masasabi natin na ang lahat ng ito ay isang hiwaga.
English
Ano ang ginagawa ng Diyos bago niya likhain ang kalawakan?